Tanong
Paano masasabing ang Diyos ang ating kanlungan?
Sagot
Ano ang pumapasok sa isip natin kapag narinig natin ang salitang kanlungan? Marahil ay isang gusaling may panara ang mga pinto, isang moog na makapal ang pader, o kaya'y isang simpleng silungan upang hindi ka mabasa ng ulan o bagyo. Kahit ano pa mang larawan ang naiisip natin, lahat tayo ay magkakasundo na ang kanlungan ay isang ligtas na lugar. Tuwing inilalarawan ng Biblia ang Diyos bilang kanlungan, nangangahulugan ito na ang Diyos ay ligtas na kublihan sa panahong kailangan natin ng proteksyon.
Ang kaalaman na ang Diyos ay ating kanlungan ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang tayo ay lalong magtiwala sa Kanya. At dahil diyan, hindi tayo dapat matakot sa anumang sitwasyon at sa mga taong nagbabanta sa atin, sa pisikal man o espirituwal na aspeto. Sapagkat walang anumang sitwasyon na maaari nating kaharapin ang hindi kontrolado ng Diyos. kaya't ang pinakamainam na lugar ay ang palaging nasa Kanyang presensya. "Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: Tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas" (Kawikaan 18:10). Ngunit may katanungang ganito, "paano ko ba magiging kanlungan ang Diyos?" Napakadaling ilarawan ang isang pisikal o literal na kanlungang nagbibigay sa atin ng proteksyon mula sa kapahamakan, ngunit paano natin masasabing ang Diyos ay ating kanlungan gayong hindi naman natin Siya nakikita?
Si David ay isang dakilang halimbawa ng taong nakakakilala sa Diyos bilang kanyang kanlungan o kublihan. Sa ilang pagkakataon ng kanyang buhay, noong si David ay tinutugis ng mga taong gustong pumatay sa kanya, siya ay laging nakakasumpong ng kaligtasan at pagkupkop ng Diyos. "Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian; Ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios. Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)" (Awit 62:7-8). Ang madaling paraan upang maging kublihan natin ang Diyos ay hilingin natin ito sa Kanya. Sabi ni David, "Ibuhos mo ang iyong puso sa Kanya"; at iyan ang lagi niyang ginagawa. Bawat kaganapan sa kanyang buhay ay buong pusong ipinapahayag niya sa Diyos. at hinahayaan niyang kumilos Siya sa kanya. Malalaman at makikilala natin ang Diyos bilang ating kanlungan, kung tayo ay laging lalapit sa Kanya upang humingi ng proteksyon.
Kabaliktaran ng pananampalataya ni David ang mga pinuno ng Israel noong panahon ni Isaias na sinubukang humanap ng proteksyon sa ibang mga bagay sa halip na sa Diyos. Sa Isaias 28:15 ay sinaway sila ng Panginoon dahil, "ginawa nilang kanlungan ang kabulaanan at lugar na kublihan ang kamalian." Kaya't ang Diyos ay nag alok sa kanila ng tunay na kublihan: "Ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: "Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan, subok, mahalaga, at matatag na pundasyon; 'Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.' Gagawin kong panukat ang katarungan, at pamantayan ang katuwiran; wawasakin ng bagyo at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan." Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira, at kapag dumating ang baha, lahat kayo'y matatangay" (Isaias 28:16-18). Maaari tayong matuksong bumaling sa ibang bagay para sa ating proteksyon, ngunit ang mga bagay na iyon ay makapagbibigay lamang ng maling seguridad dahil tanging ang Diyos lamang ang tunay na kublihang ating masusumpungan.
Totoo ngang ang Diyos ay ating kanlungan. Ngunit hindi ito nangangahulugang hindi na Niya tayo padadanasin ng mahihirap at mapanganib na sitwasyon. Isang halimbawa ay noong isama ni Jesus ang mga alagad sa bangka kahit alam Niyang may namumuong bagyo; natakot ang mga alagad ngunit pinayapa ni Jesus ang unos (Mateo 8:23-27). Ipinapakita nito na magagawa nating harapin ng may lakas ng loob kahit ang pinaka mapanganib na sitwasyon kung kasama natin ang Diyos at kung tayo ay namumuhay ayon sa Kanyang kalooban.
Hindi mabilang ang mga pagkakataon na pinangunahan ng Diyos ang Israel sa mga pakikipagdigma nito laban sa mas marami at malalakas na hukbo subalit lagi silang nagwawagi tuwing sila ay nagtitiwala at sumusunod sa Diyos (tingnan ang mga kabatang 6 at 8 ng Josue para sa mga halimbawa). Sinasabi sa atin ni Jesus ang ganito, "Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan" (Juan 16:33)
Sa pagtatapos, hindi mahalaga ano man ang ating mga pinagdadaanan. Ang pinakaligtas na lugar ay ang mamalagi tayo sa sentro ng kalooban ng Diyos sapagkat nangako Siya sa atin na Siya ay ating magiging kanlungan: "Sapagkat sinabi ng Diyos, "Hindi kita iiwan ni pababayaan man." Kaya't buong tapang nating masasabi, "Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?" (Hebreo 13:5-6).
English
Paano masasabing ang Diyos ang ating kanlungan?