settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay hindi maaaring tuyain?

Sagot


Ang panunuya sa Diyos ay nangangahulugan ng paghamak, paglapastangan, at pagbalewala sa Kanya. Ito ay seryosong pagatake sa Diyos ng mga taong walang pagkatakot sa Kanya o ng mga taong hindi naniniwalang Siya ay umiiral. Ang kapansin-pansing anyo ng panunuya ay ang kawalang galang sa pamamagitan ng mga nakakainsultong pananalita o iba pang paghamak. Ito ay kadalasang may kasamang panglalait at paglaban. Ang panunuya ay isang paglapastangan na nagpapakita ng pangaalipusta at tahasang paglaban.

Sa Biblia, ang panunuya ay makikita sa buhay ng mga hangal (Awit 74:22), mga masasama (Awit 1:1), sa mga kaaway (Awit 74:10), sa namumuhi sa karunungan (Kawikaan 1:22; 13:1), sa mapagmataas (Awit 119:51; Isaias 37:17), at sa taong palalo (Kawikaan 15:12). Ang ginagawa ng manunuya ay higit pa sa kawalan niya ng pagtaya upang gumawa ng masama. Sila ay walang espiritu ng pagsunod, pagpapaturo, karunungan, pagsamba, at pananampalataya.

Gayun din naman, yaong mga kumukutya sa Diyos ay kumukutya rin sa bayan ng Diyos. Sinabi ni propeta Jeremias, "Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw" (Panaghoy 3:14). Ang paghamak ay pangkaraniwan na sa mga propeta (2 Cronica 36:16). Sa katunayan, si Nehemias ay hinamak at kinutya rin ng kanyang mga kaaway (Nehemias 2:19), Ganun din si Eliseo, siya ay pinagtawanan ng mga kabataan sa Bethel (2 Hari 2:23). At siyempre ang Panginoong Jesus ay kinutya ni Herodes at ng kanyang mga kawal (Lucas 23:11), ng mga sundalong Romano (Marcos 15:20; Lucas 23:36), ng magnanakaw sa krus (Lucas 23:39), at ng mga dumaraang pinuno ng mga Judio (Mateo 27:41).

Madali para sa ating mga sumasampalataya na sisihin ang mga nasa labas ng simbahang kumukutya o tumutuya sa Diyos. Ngunit ang hindi napapansin at pinakamapanganib na panunuya sa Diyos ay nagmumula sa mga nasa loob ng simbahan. Tayo ay nagkakasala ng panunuya kapag hindi makita sa ating panlabas na gawi ang pagkamaka-diyos at panloob na pagbabago ng puso.

Si Charles Finney na isang mangangaral noong 1800's, ay sumulat ng tungkol sa pangungutya sa Diyos: "Ang panunuya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkukunwaring mahal natin Siya gayong hindi naman; ito ay maling gawi, kawalan ng sinseridad, at pagiging mapagpaimbabaw, nagkukunwaring sumusunod, umiibig, naglilingkod, sumasamba sa kanya gayong hindi naman...Ang panunuya sa Diyos ay nagdudulot ng kalungkutan sa Banal na Espiritu, at nagpapamanhid sa budhi; na siyang nagiging dahilan upang lalong lumala ang kasalanan. Ang puso ay unti-unting pinatitigas ng prosesong ito."

Gayunman, ang Diyos ay nagbigay ng babala na ang mga kumukutya sa bagay na banal ay parurusahan. Inihula ni Sofonias ang pagkawasak ng Moab at Ammon at nagsabi ng ganito, "Ito ang kanilang mapapala dahil sa kanilang pagpapalalo, sapagka't sila'y nanungayaw at nagmalaki ng kanilang sarili laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo" (Sofonias 2:10). Sa Isaias 28:22 naman ay mayroong babala na ang panunuya ay magiging dahilan ng paglubha ng kasalanan ng Juda at ang pagkawasak ay kasunod na magaganap. Sinasabi rin sa Kawikaan 3:34 na kinasusuklaman ng Diyos ang mga palalo ngunit kinalulugdan Niya ang may mababang loob. Sa Ikalawang Hari 2:24 naman ay itinala ang parusa ng mga kabataang tumuya kay Eliseo.

Ito ang kahulugan ng ang Diyos ay hindi maaaring tuyain. May mga epekto ang pagpapasyang gumawa ng kasalanan at pagbalewa sa mga utos Niya. Si Adan at Eba ay sinubok subalit nagkasala at ang kanilang ginawa ay nagdulot ng kalungkutan at kamatayan sa sanlibutan (Genesis 2:15-17; 3:6, 24). Gayun din ang pandaraya ni Ananias at Sapira, ito ay nagdulot ng dagliang paghatol ng Diyos na nakikita ng madla (Gawa 5:1-11). Ang Galacia 6:7 ay nagbibigay ng pandaigdig na prinsipyo: "Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin."

Ang Diyos ay hindi madadaya (Hebreo 4:12-13). Ang kasalanan ni Acan (Josue 7) at ang pagtakas ni Jonas (Jonas 1) ay hindi lingid sa Diyos. Ang paulit-ulit na pananalita ni Jesus sa bawat iglesya sa Pahayag 2-3 ay, "Alam ko ang mga ginagawa mo." Dahil diyan ay dinadaya lamang natin ang ating mga sarili kung inaakala natin na ang ating mga ginagawa ay hindi nakikita ng Diyos na makapangyarihan at marunong sa lahat.

Ipinapakita sa atin ng Biblia kung paano mamuhay ng buhay na pinagpala at ito ay sa pamamagitan ng pagtulad sa buhay ng mga taong maka-diyos at minsan naman ay sa pamamagitan ng buhay ng mga taong mas pinili ang ibang daan sa halip na ang sa Diyos. Sinasabi sa Awit 1:1-3 na, "Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, Ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, Ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak. Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; At sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi. At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, Na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, Ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; At anomang kaniyang gawin ay giginhawa."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay hindi maaaring tuyain?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries