settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay makatarungan?

Sagot


Kapag sinabi nating ang Diyos ay makatarungan, ito ay nangangahulugang Siya ay ganap na matuwid sa kanyang pagtrato sa lahat ng nilikha. Ang Diyos ay walang kinikilingan (Gawa 10:34). Iniuutos Niya na huwag apihin ang iba (Zacarias 7:10), at buong ganap niyang isinasagawa ang paghihiganti laban sa mapang-api (2Tesalonica 1:6; Roma 12:19). Ang Diyos ay makatarungan sa pagbibigay ng gantimpala: "Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang" (Hebreo 6:10). Ganun din sa paggawad ng parusa: "Ang mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan" (Colosas 3:25). Ang katarungan at katuwiran na parehong pinatutupad ng Diyos ang siyang pundasyon ng kanyang luklukan (Mga Awit 89:14).

Ang katarungan ay mahalaga sa atin. Isipin natin halimbawa na si Adolf Hitler ay buhay pa pala at nasumpungang nagtatago sa Alemanya, dinala siya sa hukom, inabot ng siyam na oras ang pagbabasa ng kanyang mga kaso, at sa bandang huli ay sasabihin ng hukom, "Nakita ko ang iyong mga ginawa. Milyon ang iyong pinatay, ngunit sa palagay ko'y natuto ka na sa'yong mga ginawa kaya palalayain kita. "Pinukpok ng hukom ang malyete at sumigaw, "Walang sala!" Ano kaya ang nasa puso natin kung ating isasa alang-alang ang ganung pangyayari? Magagalit tayo. Alam nating hindi makatarungan ang naging hatol at hindi natin maaaring palampasin ang bagay na iyon. Ang kasamaan ay may karampatang parusa. Minana natin mula sa ating Manlilikha ang pang unawa sa katarungan, dahil Siya ay makatarungan.

Lahat ng katotohanan sa sangkalawakan ay sa Diyos. Bawat pormula o paraang matematika, lahat nang mga batas ng siyensya, at lahat ng ugnayan ay nag uugat sa katangian ng Diyos. Kaya't ang kaalaman ng tao ay bunga lamang ng pagtuklas sa katotohanang umiiral na. Nakatago sa kalawakan ang karunungan ng Diyos na kailangan nating tuklasin. Ang katarungan ay isang katotohanang hindi nilikha ang pinagmulan at hindi maipapaliwanag. Ang hustisya ay walang saysay kung tayo'y nagmula lamang sa mga bagay na umiiral. Wala ring karapatan, walang panuntunang moral, o pagnanais para sa walang hanggan. Subalit, dahil tayo ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:27), mayroon tayong likas na pandamdam sa usapin ng moralidad, lakas ng loob, pag-ibig, at katarungan. Nasa Kanya ang kabuuan ng lahat ng katangiang iyan na bahagi lamang ng kung ano ang mayroon tayo. Sapagkat Siya ang ganap na pag-ibig (1Juan 4:16). Siya ang ganap na kabutihan (Mga Awit 106:1). Siya ang ganap na kabaitan (Mga Awit 25:10). Siya ang kabuuan ng katarungan (Isaias 61:8).

Nang magkasala sina Eba at Adan (Genesis 3), hindi hinayaan ng Diyos na hindi umiral ang kanyang katarungan. Ang kanilang kasalanan ay maaaring hindi ganun kabigat para sa atin. Ngunit subukan natin itong tingnan ayon sa pananaw ng Diyos. Ang makapangyarihang Diyos, na tunay na Hari ng lahat, Panginoon ng hukbo ng mga anghel at karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba ay sinuway ng mga taong Kanyang nilikha mula sa alabok. Ang mga taong ito na nilikha Niya ayon sa kanyang kasiyahan at layunin ay pinagukulan Niya ng kanyang pag-ibig at kasaganaan. Ngunit sila'y nilikhang may malayang pagpapasya na Kanyang nilalang upang magkaroon ng tunay na kaugnayan sa Kanya, nangangahulugan din na may kakayahan silang magpasyang sumuway sa Kanya. Sa katunayan nga ay nagbigay ang Diyos ng utos sa kanila na huwag kakainin ang bunga ng isang punongkahoy sa hardin na pinaglagyan sa kanila. Sinabi Niya na kung gagawin nila ito, sila'y mamamatay. Ipinakita rin sa kanila ng Diyos ang mga pamimilian at ipinahayag ang kahihinatnan nito.

Buong pagmamahal na naglaan ang Diyos para sa mga pangangailangan ng tao at binalaan din sila tungkol sa maaaring maging bunga kapag hindi sila sumunod sa Kanya. Subalit pinili ni Eba at Adan ang pagsuway; ipinasya nilang sundin ang kanilang sariling kagustuhan kaysa sa kalooban ng Diyos. Si Eba ay tinukso ni Satanas at inakala niyang pinagkakaitan sila ng Diyos, kaya't kanyang kinain ang bunga ng punong pinagbabawal ng Diyos. Kumain din ng nasabing bunga si Adan. At dahil doon ay isang malaking kataksilan ang kanilang ginawa laban sa Manlilikha. Ang katarungan ay humingi ng karampatang aksyon. At dahil ang Diyos ay makatarungan, hindi maaaring gumawa Siya ng panuntunan na hindi naman Niya kayang lapatan ng parusa kapag may lumabag dito. Ngunit dahil ang Diyos ay pag-ibig, Siya ay gumawa ng sariling paraan upang matugunan ang kanyang katarungan at upang hindi mapuksa ang mga tao. Kamatayan ang parusang hinihingi ng katarungan para sa malaking kataksilang ito, kaya't kinakailangan na may mamamatay. Ibinigay ng Diyos ang kahalili upang matugunan ang hinihingi ng katarungan. Pinatay ang mga walang muwang na hayop upang ang kanilang mga balat ay maging pantakip nina Eba at Adan. Iyon ay nagsilbing pantakip hindi lang ng kanilang katawan kundi ng kanilang kasalanan (Genesis 3:21).

Makalipas ang ilang libong taon ay tinugunan ng minsan para sa lahat ang hinihingi ng katarungan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak upang maging kahalili natin (2 Corinto 5:21). Mula pa man noon ay nagbibigay na ng babala ang Diyos tungkol sa hindi magandang bunga ng kasalanan at nakikiusap sa atin na sa halip na lumakad tayo ayon sa sarili nating kagustuhang patungo sa kamatayan, ay huwag tayong humiwalay sa Kanya (Roma 3:23). Ang ating tugon ay "Gagawin namin ang aming nais." Subalit hindi maaaring palampasin ng Diyos ang pagtataksil laban sa Kanya, dahil kapag binalewala niya iyon ay masasabi nating Siya ay hindi na ganap na makatarungan. Sa kabila nito, hindi rin Niya maaaring ipagkait ang kanyang pag-ibig sa kabila ng ating pagsuway dahil kung ganun ay masasabi nating hindi ganap ang kanyang pag-ibig. Kaya't si Jesus ay naging kordero (Juan 1:29) na inialay ng Diyos sa altar ng katarungan. "Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos" (1 Pedro 3:18).

Dahil natugunan ang hinihingi ng katarungan, ipinahayag ng Diyos na "Walang sala" ang mga taong na kay Cristo" (Roma 3:24), ang lahat ng tumatawag sa Kanyang pangalan (Juan 1:12). Iginigiit ngayon ngayon ng katarungan na ang kasalanang nabayaran na, ay hindi na maaaring ungkatin pa. Hindi na tayo parurusahan ng Diyos kung ang ating mga kasalanan ay nilinis na ng dugo ni Cristo (Roma 8; Colosas 2:14; 1 Pedro 2:24; Isaias 43:25). Nananatiling makatarungan ang Diyos; hindi Niya nilalabag ang kanyang batas ng katarungan para sa mga taong nararapat tumanggap nito. Ang kaligtasan ay makatarungang bunga nito sapagkat ipinahayag ng Diyos na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo ay sapat na solusyon upang tugunan ang kanyang poot. Ang sumpa ng kasalanan na tayo ang dapat tumanggap ay inako ni Jesus sa krus (Galacia 3:13).

Ang Diyos ay makatarungan, kaya't ang katarungan ay bahagi ng kanyang katangian na hindi maaaring mawala. Hindi mauunawaan ang kasalanan kung wala ang kanyang katarungan. Maghahari ang kasamaan at ang pagsunod naman ay walang gantimpala. Hindi maaaring igalang at katakutan ang hindi makatarungang Diyos. Binubuod ng Mikas 6:8 ang tatlong mahahalagang katangian na nais niyang makita sa atin: "Itinuro na Niya sa iyo kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa iyong Diyos."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay makatarungan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries