settings icon
share icon
Tanong

Ang Diyos ba ay maaaring gumawa ng isang batong mabigat na hindi Niya kayang buhatin?

Sagot


Ang tanong na ito ay kalimitang itinatanong ng mga mapagalinlangan sa Diyos, sa Biblia, sa Kristiyanismo, atbp. Ang Diyos umano ay hindi matatawag na makapangyarihan sa lahat kung gagawa Siya ng batong hindi Niya kayang buhatin. Ayon sa argumentong ito, sinasalungat nito ang pagiging makapangyarihan ng Diyos at ito ang dahilan kung bakit ang Diyos ayon sa kanila ay hindi maaaring maging omnipotente. Kaya't sa tanong na ang Diyos ba ay maaaring gumawa ng isang batong mabigat na hindi Niya kayang buhatin? Ang mabilis na sagot ay "Hindi." Ngunit ang higit na mahalaga kaysa sagot ay ang paliwanag ukol sa usaping ito.

Ang tanong na ito ay batay sa tanyag na maling pagkaunawa sa salitang gaya ng "makapangyarihan sa lahat" o "omnipotente." Ang termino ay hindi nangangahulugang maaaring gawin ng Diyos ang kahit na ano kundi inilalarawan nito ang lakas at kakayahan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang ibig sabihin ng kapangyarihan ay ang kakayahang gumawa ng pagbabago upang maganap ang isang bagay. Ipinapakita nito na ang kapangyarihan ng Diyos ay walang limitasyon at iyan ay pinatutunayan ng Biblia (Job 11:7-11, 37:23, 2 Corinto 6:18; Pahayag 4:8; atbp.). Dahil dito, maaaring gawin ng Diyos ang mga bagay na posibleng gawin. Gayunman hindi Niya maaaring gawin ang mga imposible. Ito ay dahil ang tunay na imposibilidad ay hindi nakabatay sa dami o laki ng kapangyarihan kundi batay sa kung ano ang talagang posible. Ang tunay na imposible ay hindi magiging posible sa pamamagitan ng pagdagdag ng kapangyarihan. Kaya nga, malibang ipinapakita ng konteksto (hal. Mateo 19:26 kung saan ang kakayahan ng tao ay makikitang salungat sa kakayahan ng Diyos) ang kahulugan ng imposibilidad ay nanatili sangkot man ang Diyos o hindi.

Dahil dito, masasabi natin na ang unang bahagi ng tanong ay base sa maling ideya---na ang Diyos bilang makapangyarihan ay maaaring gumawa ng lahat ng bagay. Sa katunayan ay nakatala sa Biblia na may mga bagay na hindi maaaring gawin ang Diyos--tulad ng pagsisinungaling at pagtanggi ng Kanyang sarili (Hebreo 6:18; 2 Timoteo 2:13; Tito 1:2). Ang dahilan kung bakit hindi Niya maaaring gawin ang mga bagay na ito ay ang Kanyang kalikasan at ang kalikasan ng katotohanang ito. Ang Diyos ay hindi lilikha ng tatsulok na may dalawang sulok, o kaya'y ng binatang kasal o may asawa. Hindi dahil ang mga salitang ito ay maaaring pagugnayin sa ganitong paraan ay maaari nang maging posible ang imposible—ang mga ito ay salungatan at totoong imposible sa realidad. Ngunit paano naman ngayon ang tungkol sa bato? Kinakailangang walang hanggan ang laki nito upang madaig ang walang hanggang kapangyarihan at kakayahang buhatin ito. Gayunman, ang walang katapusang laki ng bato ay kontradiksyon dahil ang materyal na bagay ay hindi maaaring maging walang katapusan. Ang Diyos lamang ang walang katapusan at hindi maaaring magkaroon ng dalawang walang katapusan. Kaya't ang tamang tanong ay kung ang Diyos ba ay gagawa ng magkakasalungat na bagay na hindi naman Niya maaaring gawin. Ang sagot ay "Hindi."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang Diyos ba ay maaaring gumawa ng isang batong mabigat na hindi Niya kayang buhatin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries