settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay Espiritu?

Sagot


Ang katuruan na ang “Diyos ay espiritu” ay makikita sa Juan 4:24: “Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” Sinabi ito ni Hesus sa isang babae na nagaakala na ang pisikal na lokasyon ay may kinalaman sa tamang pagsamba sa Diyos.

Ang katotohanan na ang Diyos ay Espiritu ay nangangahulugan na ang Diyos Ama ay walang katawang pisikal na tulad sa tao. Nagtungo ang Anak ng Diyos na si Hesus sa lupa sa anyong tao (Juan 1:1), ngunit ang Diyos Ama ay walang katawang tao. Si Hesus ay natatangi bilang Emmanuel, “Kasama natin ang Diyos” (Mateo 1:23). Binibigyang diin sa Bilang 23:19 ang katapatan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkukumpara sa Kanya sa mortal na tao: “Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, ni anak ng tao na magsisisi.”

May mga nagtatanong kung bakit inilalarawan minsan ang Diyos sa Bibliya na may katawan ng tao. Halimbawa, binabanggit sa Isaias 59:1 ang “kamay” at “tainga” ng Diyos.” Binabanggit naman sa 2 Cronica 16:9 ang “mata” ng Diyos.” Sa Mateo 4:4 ay sinasabi ang tungkol sa “Salita na nanggagaling sa “bibig” ng Diyos. Sa Deuteronomio 33:27 binanggit na may “kamay” ang Diyos. Ang lahat ng mga talatang ito ay mga halimbawa ng antropomorpismo (anthropomorphism) — isang pigura ng pananalita na inilalarawan ng may-akda ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya ng pisikal na sangkap o damdamin ng karaniwang tao upang madali Siyang maintindihan ng tao. Ang paggamit ng antropomorpismo, isang uri ng pigura ng pananalita ay hindi nangangahulugan na may pisikal na katawan ang Diyos.

Ang pagsasabi na ang Diyos ay Espiritu ay pagsasabi na ang Diyos Ama ay hindi nakikita. Tinawag ang Diyos sa Colosas 1:15 na ang “Diyos na hindi nakikita.” Pinuri naman ni Pablo ang Diyos sa kanyang unang sulat kay Timoteo sa pagsasabing, “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa” (1 Timoteo 1:17).

Bagama’t ang Diyos ay Espiritu, Siya rin ay buhay at personal na Diyos. Dahil dito maaari natin Siyang personal na makilala. Binabanggit sa Josue 3:10 ang Diyos sa ganitong paraan, “At sinabi ni Josue, Sa ganito ay inyong makikilala na ang buhay na Dios ay nasa gitna ninyo.” Idineklara sa Awit 84:2, “Ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.”

Sa pilosopiya, dapat na isang espiritu ang Diyos upang masabing Siya ay walang hanggan. Gayundin, kung ang Diyos ay limitado sa isang pisikal na katawan, hindi Siya maaaring mapasalahat ng dako (nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon). Ang Diyos Ama ay hindi nalilimitahan ng dimensyon ng mga bagay na Kanyang nilikha dahil nasa lahat Siya ng dako sa lahat ng panahon. Ang Diyos ang pinanggalingan ng sangnilikha at ang makapangyarihan sa lahat.

Kapansin-pansin na sa Juan 4:24, ibinigay ni Hesus ang koneksyon sa pagitan ng pagiging espiritu ng Diyos at pagsamba sa Kanya sa espiritu at katotohanan. Ang ideya ay, dahil ang Diyos ay espiritu, dapat Siyang sambahin sa tamang paraan (sa katotohanan) at sa espiritu (ng buong puso at kaluluwa) na salungat sa pagtitiwala sa tradisyon, mga ritwal at pisikal na lokasyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries