settings icon
share icon
Tanong

Ang Diyos ba ay ginawa lang ng tao?

Sagot


May mga nakikipagtalo na ang Diyos umano ay ginawa lamang ng tao; ayon sa kanila, ang konsepto ng Diyos ay gawa-gawa lamang ng mga taong walang sapat na kaalaman at pagkatapos ay naisalin sa mga sumunod na henerasyon. Inaangkin din nila na ang ideya ng Diyos o mga diyos ay isa lamang simpleng paraan upang maipaliwanag ng tao ang mga bagay na mahirap maunawaan. Ang iba naman ay nagsasabi na ang paniniwala sa supernatural ay pagbalewala sa siyensya at pagyakap sa mga pamahiin. Dahil sa mga bagay na ito, masasabi ba natin na ang ideya ng Diyos ay isa lamang pantasya batay sa kawalang kaalaman at kathang isip lamang ng ating mga ninuno bago pa mapatunayan ng siyensya na ito ay mali?

Ang totoo, ang Diyos ay hindi ginawa ng tao. Sa halip, ang Diyos ang lumikha sa tao. Kahit ang mga mapag-alinlangan ay sumasangayon na may pasimula ang lahat ng nilikha, kabilang ang tao. Upang ang tao ay magkaroon ng simula, kinakailangang mayroong "pangunahing sanhi" na nauna nang umiral kaysa sa kanya. Ang mga naniniwala sa ebolusyon ay nangangatuwiran na ang unang sanhi ay isang impersonal na puwersa--ang "big bang" -- na nagpasimula ng kalawakan. Subalit, ang mga paliwanag ng teoryang ito ay nagiiwan pa rin ng mga hindi masagot na katanungan. Ang lohikal na tugon sa kaisipang ito ay, "Ano ang sanhi o pinagmulan ng Big Bang? Ano o sino ang nagpagalaw ng puwersang iyon?" Ngunit walang sapat na sagot ang masusumpungan sa labas ng Biblia.

Makikita natin na ang salaysay sa Biblia ay nagumpisa sa pagkilos ng Diyos sa Genesis 1:1, "Sa pasimula ay nilikha ng Diyos..." Kung isasantabi natin ang ating mga sariling opinyon o ideya, makikita natin na ang Biblia ay mayroong mas lohikal na paliwanag tungkol sa unang sanhi. Sa pasimula ay naroon na ang Diyos. Siya ay hindi nilikha, kaya't hindi Siya nangangailangan ng unang sanhi. Siya ay laging naroroon na bago pa ang pasimula at Siya ay nananatili at hiwalay sa panahon at espasyo (Awit 90:2). Ipinakilala niya ang kanyang sarili kay Moises bilang si AKO NGA (Exodo 3:14). at ang kahulugan ng kanyang pangalan ay tumutukoy sa walang hanggang aspeto ng kanyang kalikasan. Siya ay mananatiling Isang umiiral na walang hanggan (Pahayag 1:8; 4:8).

Ang isa pang bagay na dapat isa alang-alang kung ang Diyos ba ay ginawa ng tao o hindi ay ang kalikasan ng Diyos at kung paano niya inihayag ang kanyang sarili sa bawat pahina ng kanyang Banal na Kasulatan. Karamihan sa mga katangian ng Diyos ay hindi naman talaga maiisip ng tao kung sila ay mag iimbento ng Diyos. Sapagkat kabilang sa mga katangian ng Diyos ang kaalaman sa lahat ng bagay (Isaias 46:9-10), ang pagiging nasa lahat ng lugar (2 Samuel 22:3; Awit 18:2), mapagtimpi (2 Pedro 3:9), hindi nagbabago (Malakias 3:6), mapagmahal (Awit 25:10), matapat (Awit 31:23), at naghahangad na magkaroon ng relasyon sa tao (Jeremias 29:13; Santiago 4:8). Ngunit Siya rin ay ganap na makatarungan, at ang katarungang iyan ay humihingi ng kabayaran sa pagtataksil na ginawa ng tao laban sa kanyang Manlilikha (Sofonias 3:5; Roma 6:23). Kaya naman, sa halip na ibigay Niya sa atin ang talaan ng mga bagay na dapat nating gawin upang matamo ang kanyang pagsangayon (kagaya ng ginagawa ng ibang relihiyon), ang Diyos ng Biblia ay nagkatawang tao, nakipamuhay sa atin at hinayaan niyang pahirapan Siya ng mga taong kanyang nilikha hanggang sa siya ay mamatay upang kanyang mapatawad ang kanilang mga kasalanan (Lucas 23:34; Filipos 2:5-11). Ang hindi makasarili at mapagsakripisyong uri ng pagmamahal na iyan ay hindi kayang gawin ng tao at hindi makikita sa anumang relihiyong nilikha ng tao. sapagkat ang kagandahang loob ay masusumpungan lamang sa Diyos na nagpakahayag sa Biblia.

Ang diyos na gawa-gawa lamang ng tao ay kalimitang inanyuan sa wangis ng tao. Ang diyos ng mga pagano ay puno ng mga kapintasan, pabagu-bago, at may mga kahinaang tulad ng tao. Sila ay walang saysay, makasarili, malupit, at kapritsoso; sa madaling salita, ang ikinikilos nila ay kagaya ng sa diyos na ginawa lamang ng taong makasalanan at puno ng paninibugho sa puso. Dahil dito, masasabi natin na kung ang Diyos ay nilikha lang ng tao, dapat din nating makita na ang kanyang kalikasan ay hindi hihigit sa imahinasyon ng tao. Ngunit ang larawan ng Diyos sa Biblia ay higit pa sa kayang abutin ng ating pangunawa. Gayunman, Siya ay nag iwan ng mga bakas o palatandaang espirituwal sa atin na maaari nating sundin habang lumalapit tayo sa Kanya.

Ang ikatlong punto na dapat nating isa alang-alang kung ang Diyos ba ay ginawa lang ng tao o hindi ay ang katangiang espirituwal ng tao. Bawat isa ay nagtataglay ng naiibang pagkatao. Mayroon tayong likas na pagkaunawa sa walang hanggan (Mangangaral 3:11) at nararamdaman natin na mayroon pang ibang dako sa kabila ng daigdig na ito. Sinasabi sa Genesis 1:27 na ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos; at itinuturo din ng Colosas 1:16 na tayo ay nilikha ayon sa kanyang layunin at kasiyahan. Totoong nilikha Niya tayo ayon sa kanyang wangis, ngunit hindi nangangahulugang tayo ay katulad na niya (Bilang 23:19). Maraming katanungan ang lilitaw, kung ang Diyos ay gawa-gawa lamang: halimbawa, ano ang pinagkaiba ng tao sa hayop? Saan niya nakuha ang ideya ng katarungan, kabutihan, pagsasakripisyo, at pag-ibig---mga katangiang hindi makikita sa mga hayop? Ang mga katangiang iyan na makikita sa lahat na kultura sa daigdig ay hindi maaaring manatili sa proseso ng ebolusyon. Gayunman, kung ang mga katangiang iyan ay nakikita natin sa Diyos, saka pa lamang natin mauunawaan kung bakit tayo ay nagtataglay ng mga iyon.

Ang isa pang pagsasa alang-alang kung ang Diyos ba ay ginawa lang ng tao o hindi ay ang pagiging totoo ng Biblia. Kung ipaglalaban natin na walang Diyos na umiiral, kailangan nating harapin ang katumpakan ng Aklat na ito na nagpapahayag tungkol sa kanya, Sa bawat pahina ng Biblia ay mababasa ang kapahayagan sa atin ng Diyos ng kanyang sarili sa pamamagitan ng mga halimbawa ng pakikipag-ugnayan niya sa mga tao sa loob ng maraming siglo. Karamihan sa mga matapang na tumututol sa katotohanan ng Diyos ay mga nabubulagan sa kanilang kamangmangan sa Biblia. Sapagkat malimit na pinaniniwalaan nila na ito ay "sinaunang aklat lang na isinulat ng mga Judio." Ngunit sa mga ganitong pahayag ay makikitang mabuway ang pundasyon ng kanilang mga argumento. Ang totoo, ang Biblia ay kalipunan ng mga aklat na isinulat ng mahigit 40 magkakaibang may akda sa loob ng mahigit 1,500 taon mula sa tatlong kontinente sa tatlong magkakaibang lengguwahe. Ngunit pinagtatagpi-tagpi nito ang bawat bahagi ng iisang kwento katulad ng isang jigsaw puzzle. Ang Biblia ay kwento ng walang sawang pagkilos ng Diyos upang tubusin ang nagkasalang nilikha.

Kailangang isaalang-alang ng mga naniniwala sa ideyang ang Diyos ay ginawa lamang ng tao kung paano inilalarawan ng Biblia ang sangkatauhan, lalo na ang mga Judio. Isang nakakalungkot na kabiguan para sa mga Judio kung ang Biblia ay isinulat lamang nila upang parangalan ang kanilang sarili. Kahit ang Panginoon ay malinaw na nagsabi na pinili niya ang Israel para sa kanyang sariling layunin at hindi dahil may espesyal na pagturing ang Diyos sa kanila (Deuteronomio 7:7). Paulit-ulit na ipinapakita ang pagkabigo ng mga Israelita hanggang sa mapako ang Anak ng Diyos sa krus (Isaias 65:2; Mark 15:9-15). Ang sangkatauhan ay inilalarawan bilang makasalanan, mapaghimagsik, at nakatakdang parusahan kaya't walang grupo o indibidwal na niluwalhati. Ngunit, ang katanungan ay: Ano ang motibo ng tao kung ginawa lamang niya ang ideya ng Diyos? Makikita natin na sa buong Lumang Tipan at Bagong Tipan ay mayroon lamang iisang bayani at iyon ay walang iba kundi ang Diyos. Ang itinuturo ng Biblia ay pagsasakripisyo at pagsusuko ng sarili. Hindi tayo nito tinuturuan kung ano ang dapat gawin upang matamo ang pabor ng Diyos, bagkus ipinapahayag nito sa atin na walang sinumang matuwid kahit isa (Roma 3:10, 23). Matututunan din natin sa buong kasaysayan na ang mga nagpapahayag ng katotohanan sa Biblia ay naging mga martir, sila'y pinagbabato, itinaboy hanggang mapilitang magtago (1 Hari 19:10; Gawa 7:58; 2 Corinto 11:25).

Kung ang ideya ng Diyos ay gawa-gawa lang ng tao, masasabi natin na wala talagang Diyos. Subalit ang pinakamalaking katanungan ay may kaugnayan sa kumplikadong disenyo ng kalawakan. Ang isang hibla ng DNA ay nagpapakita ng isang kumplikadong katalinuhan na hindi maipapaliwanag ng magkakahalong pagkakataon. Maliban pa riyan ay ang perpektong pagkakasabay-sabay ng bilyun-bilyong atom, molekula, mga sistema, at mga kalawakan na sumisigaw sa atin na mayroon talagang nag disenyo sa mga ito. Kaya't kung aalisin natin ang Diyos sa mga posibleng paliwanag ay lalo lamang tayong magkakaroon ng mga katanungang hindi kayang sagutin dahil wala tayong ibang maibibigay na makabuluhang paliwanag. Sa kabila ng maraming teorya ay wala pa ring makapagsasabi ng tumpak na katibayang siyensya tungkol sa nakakamanghang pagkakasundo o kaayusan ng kumplikadong kalawakan. Kahit si Charles Darwin ay nagpahayag ng ganito, "Inaamin ko na sa pinakamataas na antas ay tila walang saysay kung ang mata sa natatanging kakayahan nitong iayon o iangkop ang tingin sa magkakaibang layo, sa pagtanggap ng magkakaibang dami ng liwanag, at ang kakayahan nitong itama ang kulay na nakikita niya ay ipapalagay ko na ito ay nabuo lamang dahil sa natural na pagpili" (The Origin of Species, J.M. Dent & Sons, Ltd., London, 1971, p. 167).

Sa pagtatapos, hindi natin maaaring alisin ang ideya ng Diyos ng walang mas katanggap-tanggap na paliwanag dahil kahit na tanggihan natin ang posibilidad na may Diyos ay hindi pa rin mawawala ang mga katanungan. Gayunman, kahit isantabi natin ang mga opinyon at palagay na tumatangging isaalang-alang ang Diyos, Siya pa rin ang nananatiling tanging lohikal na paliwanag tungkol sa kamangha-manghang daigdig na ito. Yaon namang mga naninindigan na ang Diyos ay hindi umiiral ay bumubuo ng kanilang pananaw ayon sa ideyang ito at nagkukunwaring mapupunan ng kanilang maling sagot ang mga patlang na naghahanap ng kasagutan. Matatag ang kanilang pagtanggi sa Diyos na tila halos isa ring palagay na panrelihiyon at pinagtatakpan ito ng tinatawag nilang "pagsasaliksik sa katotohanan." Gayunman, ang mga tunay na bukas ang isipan ay ang mga totoong naghahanap ng katotohanan, at aakayin sila ng kanilang pagsasaliksik patungo sa mga katibayan hanggang sa masumpungan nila ang Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang Diyos ba ay ginawa lang ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries