settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay gumagawa sa mahiwagang paraan?

Sagot


Ang Diyos ay kumikilos o gumagawa sa mga paraan na inaakala nating "mahiwaga" o "misteryoso"--dahil madalas na ang mga paraan ng Diyos ay nagdudulot sa atin ng ganap na kalituhan. Bakit nga ba inutusan ng Diyos si Josue at ang mga Israelita na magmartsa sa paligid ng lungsod ng Jerico sa loob ng isang linggo (Josue 6:1-4)? Ano ba ang kabutihang dala ng pagkakahuli at paghagupit kina Pablo at Silas (Gawa 16:22-24)?

Ang mga prosesong ginagamit ng Diyos, ang kalayaan ng tao, ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, at ang kabuuan ng Kanyang ginagawa ay higit pa sa kayang abutin ng pangunawa ng tao. Makikita natin na ang Biblia at ang patotoo ng mga Kristiyano mula pa noon ay punung-puno ng mga totoong kwento kung paanong ang mga sitwasyon sa buhay at ang mga problema ay binabaliktad ng Diyos--at kalimitang ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng mga hindi inaasahan, nakakagilalas, at hindi maipaliwanag na mga paraan.

Ang buhay ni Jose ay isang magandang halimbawa ng mahiwagang pagkilos ng Diyos (Genesis 37:1--50:26). Sa Genesis 50:20, sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na, "Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon." Sa mga pangungusap na ito ay binuod ni Jose ang mga naganap sa kanyang buhay mula sa masamang ginawa sa kanya ng kanyang mga kapatid na nauwi sa pagkilala na ang lahat ay bahagi ng kapaki-pakinabang na plano ng Diyos upang iligtas ang Bayan ng Kanyang Tipan (Genesis 15:13-14).

Nagkaroon ng taggutom noon sa Canaan, kung saan ang mga Hebreo na inapo ni Abraham ay naninirahan (Genesis 43:1). Kaya't lahat sila ay dinala ni Jose sa Ehipto (Genesis 46:26-27). Nagawang ipagkaloob ni Jose sa kanila ang kanilang mga pagkain dahil si Jose ang gobernador ng Ehipto noon at siyang namamahala sa pamimili at pagbebenta ng mga pagkain (Genesis 46:6). Bakit napunta si Jose sa Ehipto? Dahil ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid upang maging alipin dalawampung taon ang nakakaraan at sila ngayon ay umaasa sa kanya para sa kanilang pagkain (Genesis 37:28). Ang kabalintunaang ito ay maliit na bahagi lang ng kaganapan sa buhay ni Jose; Ang balintunang pagkilos ng Diyos ay kapansin-pansin sa buong kasaysayan ng buhay ni Jose. Kung hindi siya naging gobernador ng Ehipto at hindi nailipat ang kanyang mga kababayan doon, malamang walang kwento tungkol kay Moises at walang magaganap na pagtakas sa Ehipto sa sumunod na apat na raang taon (Exodo 6:1-8).

Kung nagkaroon lamang sana si Jose ng kakayahang pumili upang hindi siya ipagbili ng kanyang mga kapatid bilang alipin, makatwiran lamang na isipin natin na ang sasabihin ni Jose ay "hindi" o "ayaw niya." At kung mabibigyan lamang siya ng pagkakataon na pumili noon na mabilanggo o hindi dahil sa maling paratang (Genesis 39:1-20), marahil ang sasabihin niya ay, "hindi" o "ayaw" niya. Sapagkat sino bang tao ang magnanais na piliin ang ganoong maling pagtrato ng kapwa tao? Ngunit dahil sa Ehipto, nagawa niyang iligtas ang kanyang sambahayan at ang pagkakabilanggo niya ang nagbukas ng pintuan sa kanya patungo sa palasyo.

Ang Diyos ang "nagpapahayag ng simula at wakas" (Isaias 46:10-11) at natitiyak natin na ang bawat pangyayari sa buhay ng mga mananampalataya ay nagaganap ayon sa kabuuang plano ng Diyos (Isaias 14:24; Roma 8:28). Sa ating isipan, ang mga paraan ng pagkilos ng Diyos sa mga pangyayari ay maaaring isipin nating ilohikal at hindi kayang abutin ng ating pangunawa. Gayunman, tayo ay nabubuhay sa pananampalataya hindi sa mga bagay na nakikita (2 Corinto 5:7). Alam natin bilang mga Kristiyano na ang isipan ng Diyos ay higit sa ating mga pag iisip at ang Kanyang mga paraan ay di hamak na mas mataas kaysa ating mga paraan, "kung paanong ang langit ay mataas kaysa lupa" (Isaias 55:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay gumagawa sa mahiwagang paraan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries