Tanong
Ang Diyos ba ang lumikha sa kasamaan?
Sagot
May nagsasabi, kung ang Diyos ang siyang gumawa ng lahat ng bagay kung gayon siya rin ang gumawa sa kasamaan. Ang konseptong ito ay kailangang bigyang linaw. Ang kasamaan ay hindi isang “bagay” na gaya ng bato o kuryente. Hindi pwedeng magkaroon ng isang banga ng kasamaan! Sa halip, ang kasamaan ay isang bagay na ginagawa o isang aksyon na nanggagaling sa nilalang, kagaya ng pagtakbo. Ang kasamaan ay hindi lumabas sa ganang kanyang sarili. Ang kasamaan ay ang kawalan ng kabutihan. Nang lumikha ang Diyos, tinawag Niya ang lahat ng kanyang nilalang na “mabuti.” Isa sa mga mabubuting bagay na ginawa ng Diyos ay ang kalayaang pumili o magdesisyon ng kanyang nilalang. Upang magkaroon ng totoong kalayaan sa pagpili, pinahintulutan ng Diyos na may mapagpipilian ang tao hindi lang ang kabutihan. Kaya pinahintulutan ng Diyos ang mga anghel at ang tao na pumili sa pagitan ng kabutihan o kasamaan. Kung mayroong hindi magandang relasyon sa pagitan ng dalawang mabuting bagay tinatawag natin itong kasamaan, subalit hindi ito maituturing na isang “bagay.”
Ito pa ang isang halimbawa. Kung tatanungin ko ang isang tao “mayroon bang tinatawag na “lamig”? Maaaring ang kanyang magiging kasagutan ay oo. Gayon man, ito hindi ito tama. Dahil ang totoo wala talagang bagay na tinatawag na “lamig.” Ang lamig ay kawalan ng init. Gayon din, wala talagang kadiliman. Ang kadiliman ay ang kawalan ng liwanag. Gayon din, ang kasamaan ay ang kawalan ng kabutihan, o sa isang salita ang Kasamaan ay kawalan ng Diyos. Hindi nilalang ng Diyos ang kasamaan subalit pinahintulutan Niya ang kawalan ng kabutihan.
Halimbawa ay si Job sa aklat ng Job 1-2. Nais ni Satanas na durugin si Job, at pinayagan ng Diyos si Satanas na gawin ang lahat ng kanyang gustong gawin huwag lang niyang patayin si Job. Pinayagan ito ng Diyos upang patunayan kay Satanas na si Job ay isang matuwid na tao at mahal niya ang Diyos, at hindi dahil pinagpapala siya ng Diyos at ginawang mayaman. Ang Diyos ay makapangyarihan at Siyang may hawak sa lahat ng mga bagay. Walang magagawa si Satanas kung hindi siya pahihintulutan ng Diyos. Hindi nilalang ng Diyos ang kasamaan, subalit pinahintulutan ng Diyos ang pagkakaroon ng kasamaan. Kung hindi pinahintulutan ng Diyos ang pagkakaroon ng kasamaan, kapwa ang sangkatauhan at mga anghel ay maglilingkod sa Diyos bilang isang obligasyon, at hindi ayon sa kanilang kalayaang pumili. Hindi nais ng Diyos ang mga “robot” na susunod na lang sa Kanyang mga kagustuhan dahil sila ay naka “programa” na. Pinahintulutan ng Diyos ang posibilidad na magkaroon ng kasamaan upang magkaroon tayo ng lubos na kalayaang pumili kung paglilingkuran ba natin Siya o hindi.
Hindi natin lubos na mauunawan ang kasagutan sa tanong. Tayo, bilang limitadong mga nilalang, ay hindi lubusang mauunawaan ang walang hanggang Diyos (Roma 11: 33-34). Kung minsan nag-iisip tayo na tila nauunawaan natin ang ginagawa ng Diyos, subalit malalaman lamang natin sa huli na iba ang layunin ng Diyos kumpara sa ating iniisip. Tinitingnan ng Diyos ang mga bagay sa walang hanggang pananaw. Tinitingnan naman natin ang mga bagay sa makamundong pananaw. Bakit inilagay ng Diyos ang tao sa mundo kung nalalaman Niyang magkakasala din lang si Adan at Eba at magdadala ng kasamaan, kamatayan, at kahirapan sa sangkatauhan? Bakit hindi Niya tayo nilalang at inilagay sa kalangitan kung saan tayo ay magiging perpekto at hindi na makakaranas pa ng kasalanan at kahirapan? Ang pinakamainam na kasagutan na maibibigay ko tungkol dito ay ito: Hindi tayo ginawang robot ng Diyos na walang kalayaang pumili. Pinahintulutan ng Diyos ang posibilidad ng pagkakasala upang magkaroon tayo ng kalayaang pumili kung sasamba ba tayo sa Kanya o hindi. Kung hindi na tayo maghihirap at hindi na tayo makakaranas ng kasalanan, paano natin maiintindihan ang kapatawaran ng Diyos at mararanasan ang kagandahan ng kalangitan? Hindi nilalang ng Diyos ang kasalanan at kasamaan, subalit pinahintulutan Niya ito. Kung hindi Niya pinahintulutan ang kasamaan at kasalanan, sasambahin natin Siya dahil sa ito'y ating obligasyon, at hindi dahil sa ito ay ating kagustuhan.
English
Ang Diyos ba ang lumikha sa kasamaan?