settings icon
share icon
Tanong

Sinasagot ba ng Diyos ang panalangin ng makasalanan / hindi mananampalataya?

video
Sagot


Idineklara sa Juan 9:31, “Nalalaman naming hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan: datapuwa't kung ang sinomang tao'y maging mananamba sa Dios, at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya'y pinakikinggan niya.” Dahil sa talatang ito, may ilang naniniwala na hindi pinakikinggan o sinasagot ng Diyos ang panalangin ng mga hindi mananampalataya. Ngunit ang konteksto ng Juan 9:31 ay tungkol sa paggawa ng Diyos ng himala hindi tungkol sa panalangin. Sinasabi sa Juan 5:14-15 na ang ang Diyos ay tumutugon sa panalangin kung ang panalangin ay ayon sa Kanyang kalooban. Ang prinsipyong ito ay maaaring ilapat sa mga hindi mananampalataya. Kung ang isang hindi mananampalataya ay humingi ng isang bagay ayon sa kalooban ng Diyos, walang makahahadlang sa Diyos upang hindi ipagkaloob ang panalanging iyon ng isang hindi mananampalataya na ayon sa Kanyang kalooban.



May mga talata sa Bibliya na inilalarawan ang pagdinig ng Diyos sa panalangin ng mga hindi mananampalataya. Sa maraming pagkakataon, ang panalangin ay nabanggit. Sa isa o dalawa, ang Diyos ay tumugon sa panaghoy ng puso (bagamat hindi sinabi kung ang dalangin ay ipinahayag ng direkta sa Diyos). Sa ibang mga halimbawa, ang panalangin ay may kasamang pagsisisi. Ngunit sa ibang pagkakataon, ang panalangin ay para sa panlupang pangangailangan kung saan ang Diyos ay tumugon dahil sa Kanyang kahabagan o kaya naman ay dahil sa tapat na pananampalataya ng isang tao. Narito ang ilang mga talata na nabanggit ang panalangin ng mga hindi mananampalataya na pinakinggan ng Diyos.

Ang mga mamamayan ng Niniveh ay nanalangin na huwag silang gunawin ng Diyos bagamat hindi sila mananampalataya (Jonas 3:5-10). Tinugon ng Diyos ang kanilang panalangin at hindi na Niya ginunaw ang kanilang lunsod.

Hiniling ni Hagar na ingatan ng Diyos ang kanyang anak na si Ismael (Genesis 21:14-19). Hindi lamang iningatan ng Diyos si Ismael. Pinagpala pa niya ito ng higit sa kanyang inaasahan.

Sa 1 Hari 17:29, si Acab ay nagayuno at nanalangin dahil sa masamang propesiya ni Elias sa kanyang angkan. Tinugon siya ng Diyos at hindi na ipinahintulot ng Diyos ang kalamidad sa kanyang angkan sa kanyang kapanahunan.

Ang babaeng hentil mula sa Tiro at Sidon ay nanalangin kay Hesus upang palayasin Niya ang demonyo sa kanyang anak (Markos 7:24-30). At pinalayas ni Hesus ang demonyo mula sa kanyang anak.

SA aklat ng Mga Gawa kabanata 10, Ipinadala ng Diyos si Apostol Pedro kay Cornelio, isang senturyon ng mga sundalong Romano dahil sa ito ay “taong matuwid.” Sinabi sa Gawa 10:2 na si Cornelio ay “nananalangin sa Diyos sa tuwina.”

May mga pangako ang Diyos sa Bibliya para sa lahat ng tao (ligtas man o hindi) gaya halimbawa ng Jeremias 29:13: “At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.” Ito ang nangyari kay Cornelio sa Gawa 10:1-6. Ngunit maraming mga pangako ng Diyos na ayon sa konteksto ay para lamang sa mga Kristiyano. Dahil tinanggap ng mga Kristiyano si Hesus bilang kanilang Tagapagligtas, sila ay sinasabihan na huwag mahihiyang lumapit sa trono ng biyaya ng Diyos upang makasumpong ng tulong sa oras ng pangangailangan (Hebreo 4:14-16). Tayo ay sinasabihan na humingi ng kahit anong ating maibigan ayon sa Kanyang kalooban at tayo ay Kanyang didinggin (1 Juan 5:14-15). Marami pang ibang mga pangako ang Diyos para sa mga Kristiyano tungkol sa panalangin (Mateo 21:22; Juan 14:13, 15:7). Kaya nga Oo, may mga pagkakataon na dinirinig ng Diyos ang kahilingan ng mga hindi mananampalataya. Gayundin naman, sa Kanyang biyaya at kahabagan ang Diyos ay maaaring kumilos sa buhay ng mga mananampalataya bilang sagot sa kanilang mga panalangin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sinasagot ba ng Diyos ang panalangin ng makasalanan / hindi mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries