Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay hindi nagbabago?
Sagot
Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay hindi nagbabago. Halimbawa, sinabi ng Diyos sa Malakias 3:6, “Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago...” (Makikita rin sa Bilang 23:19; 1 Samuel 15:29; Isaias 46:9-11; at Ezekiel 24:14.)
Itinuturo din sa Santiago 1:17 na hindi nagbabago ang Diyos: “Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.” Ang “anino ng pag-iiba” ay tumutukoy sa ating pagkaunawa sa araw: ang eklipse nito, mga galaw, at ang pagbibigay nito ng anino. Ang araw ay sumisikat at lumulubog, lumilitaw at nawawala araw-araw; ito'y lumalabas at pumapasok sa isang dako sa isang tiyak na oras. Ngunit ang Diyos, sa espiritwal na paglalarawan, ay ang mismong liwanag, at walang kahit anong kadiliman; walang pagbabago sa Kanya, o kahit anong tulad niyon. Ang Diyos ay hindi nagbabago sa Kanyang katangian, sa Kanyang pagka-Diyos, sa Kanyang mga layunin, mga pangako, at mga biyaya. Ang Diyos na banal, ay hindi gagawa ng masama; Ni Siya, na bukal ng liwanag, ay magiging sanhi ng kadiliman. Dahil “Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba (Santiago 1:17). Malinaw na itinuturo ng Bibliya na hindi nagbabago ang isip ng Diyos, ang Kanyang mga katangian, at ang Kanyang pagka-Diyos.
May iba't ibang lohikal na dahilan kung bakit ang Diyos ay hindi nagbabago, at kung bakit imposible sa Diyos ang magbago. Una, kung anuman ang magbabago, kinakailangan na ito'y maganap na may pagkakasunod-sunod. Kinakailangan na mayroong punto ng panahon bago ang pagbabago at punto ng panahon pagkatapos ng pagbabago. Kung gayon, upang maganap ang isang pagbabago, ito'y dapat na mangyari sa loob ng mga hangganan ng oras; datapuwat, ang Diyos ay walang hanggan at hindi nasasakop ng mga hangganan ng oras (Awit 33:11; 41:13; 90:2-4; Juan 17:5; 2 Timoteo 1:9).
Pangalawa, ang hindi pagbabago ng Diyos ay kinakailangan sa Kanyang pagka-Diyos. Kung may magbago, dapat na ito'y para sa mas mabuti o mas masama. Sapagkat ang pagbabago na wala namang pagkakaiba ay hindi talaga pagbabago. Para maganap ang pagbabago, maaaring may bagay na kinakailangang idagdag, na siyang pagbabago para sa mas mabuti; o kaya naman ang isang bagay na kinakailangan ay mawala, na pagbabago naman na hindi sa ikabubuti. Ngunit dahil ang Diyos ay perpekto, hindi Niya kailangan ang kahit ano. Ibig sabihin, hindi Siya magbabago para sa mas ikabubuti. Kung ang Diyos ay mawawalan ng kahit ano, hindi na Siya magiging perpekto; samakatuwid, hindi Siya magbabago para sa mas malubha.
Pangatlo, ang hindi pagbabago ng Diyos ay nakaugnay sa Kanyang walang hanggang karunungan. Kapag may isang taong nagbago ang isip, ito'y kadalasan na may mga bagong impormasyon na dating hindi hindi niya alam ay kanyang nalaman o kaya nama'y ang mga bagay-bagay ay nagbago at nangangailangan ng bagong aksyon. Dahil walang hanggan ang karunungan ng Diyos, hindi Siya maaaring magkaroon ng bagong kaalaman na hindi pa Niya nalalaman. Kaya, kapag sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa pagbabago ng isip ng Diyos, dapat maunawaan na ang mga pangyayari o mga sitwasyon ang nagbago, hindi ang Diyos. Noong sinabi sa Exodo 32:14 at 1 Samuel 15:11-29 ang tungkol sa pagbabago ng isip ng Diyos, ito'y naglalarawan sa pagbabago sa Kanyang pamamalakad o sa Kanyang panlabas na pakikitungo sa tao.
Malinaw na ipinapakita sa Bilang 23:19 ang hindi pagbabago ng Diyos. “Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?”Hindi, hindi nagbabago ang isip ng Diyos. Ang mga talatang ito ay nagpapatunay sa doktrina ng hindi pagbabago ng Diyos. Siya'y hindi nagbabago at hindi nababago.
English
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay hindi nagbabago?