settings icon
share icon
Tanong

Paano huhukuman ng Diyos ang mga taong isinilang sa mga kulturang hindi Kristiyano?

Sagot


Ipinahihiwatig ng katanungang ito na ang kaligtasan ay nakasalalay sa kung saan ipinanganak ang isang tao, kung paano siya pinalaki at kung ano ang naituro sa kanya. Ang ideyang ito ay maliwanag na sinasansala ng buhay ng milyon-milyong tao na lumabas sa kanilang mga huwad na relihiyon – at ng mga taong walang relihiyon – patungo sa Kristiyanismo sa pagdaan ng mga siglo. Ang langit ay hindi isang walang hanggang tahanan para sa mga naging mapalad na pinalaki sa mga Kristiyanong tahanan sa malalayang bansa, kundi yaong mga lumapit kay Kristo "mula sa lahat ng tribo, at wika at bansa" (Pahayag 5:9). Naligtas ang mga tao sa lahat ng kultura sa bawat bahagi ng kasaysayan sa parehong paraan – sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa mga hindi karapatdapat na makasalanan, hindi dahil sa ating lahing pinanggalingan at nalalaman, kung saan tayo ipinanganak o kung paano tayo nadoktrinahan, kundi dahil "ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin" (Roma 5:5).

Habang maaaring walang alam ang iba sa mga nilalaman ng Kasulatan at sa mga katuruan ni Kristo, hindi maaaring wala silang kaalaman tungkol sa mabuti at masama, o wala silang kaalaman tungkol sa pag-iral ng Diyos. Sinasabi sa atin sa Roma 1:20, "Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa." Sa realidad, ang dahilan ay hindi dahil sa hindi nakarinig ang tao patungkol kay Kristo. Sa halip, ang problema ay tinanggihan nila ang kanilang mga narinig at ang mga ipinapahayag sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng kalikasan. Inihayag sa Deuteronomio 4:29, "Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin." Itinuturo ng talatang ito ang isang mahalagang prinsipyo: ang sinumang tunay na maghahanap sa katotohanan ay makakatagpo nito. Kung buong katapatang ninanais ng isang tao na makilala ang tunay na Diyos, ipapakilala ng Diyos sa taong iyon ang Kanyang sarili.

Laging itinuturo ng mga huwad na relihiyon ang katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Kung naniniwala sila na kaya nilang bigyang kasiyahan ang isang banal at perpektong Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa Kanyang mga alituntunin at Kautusan, hahayaan sila ng Diyos na magpatuloy sa pagpapawalang sala sa kanilang sarili hanggang sa hukuman Niya sila sa huli sa makatuwirang paraan. Gayunman, kung tutugon sila sa paguusig ng kanilang budhi na ginigising ng Diyos at tumawag sa Kanya gaya ng ginawa ng maniningil ng buwis sa templo na nagsabi, "Panginoon mahabag kayo sa akin na isang makasalanan" (Lukas 18:9-14), tutugon ang Diyos sa Kanyang biyaya at katotohanan.

Tanging sa pamamagitan lamang ng pagsampalataya kay Kristo mapapalaya ang tao sa paguusig ng kanilang budhi, kasalanan at kahihiyan. Tanging sa isang pundasyon lamang maaaring itatag ang tamang katayuan sa harapan ng ating Hukom: sa natapos na gawain ni Kristo na ipinako sa krus at Siyang nagtigis ng Kanyang dugo upang magkaroon tayo ng buhay (Juan 19:30). Pinalaya tayo mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo (Colosas 1:22). Dinala ni Jesus ang ating mga kaslaanan sa Kanyang sariling katawan doon sa krus upang sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat ay magsigaling tayo (1 Pedro 2:24). Pinapaging banal tayo sa pamamagitan ng paghahandog ni Jesus ng Kanyang katawan bilang handog na minsan para sa lahat (Hebreo 10:10). Nagpakita si Jesus ng minsanan upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog Niya ng Kanyang sarili (Hebreo 9:26). Ipinadala ng Diyos ang Kanyang sariling Anak upang pawiin ang poot na karapatdapat nating danasin (1 Juan 4:10). Ang kabayaran ng kasalanan na nararapat para sa atin ay pinawi ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya hindi sa pamamagitan ng ating sariling mabubuting gawa (Efeso 2:8-9).

Ang huling habilin ni Jesus para sa Kanyang mga tagasunod ay ipamalita ang Ebanghelyo sa mga makasalanan sa buong mundo, hanggang sa katapusan ng salibutan kung kalian Siya muling babalik upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay (Mateo 28:18-20; 2 Timoteo 4:1). Kung saan naroroon ang mga pusong binubuksan ng Banal na Espiritu, doon sinusugo ng Diyos ang Kanyang mga mensahero upang punuin ng Kanyang katotohanan ang kanilang bukas na puso. Kahit na sa mga bansang ipinagbabawal ng batas ang pangangaral tungkol kay Kristo, laging naipaparating ng Diyos ang Kanyang katotohanan sa mga tunay na naghahanap sa Kanya kahit na sa pamamagitan ng internet. Ang mga kuwento tungkol sa mga lumalagong bahay sambahan sa China, ang pagsampalataya ng mga tao kay Kristo sa Iran at iba pang bansang Muslim, at ang pagmimisyon sa mga liblib na lugar sa mundo ay mga ebidensya ng walang hanggang kapangyarihan, pag-ibig at kahabagan ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano huhukuman ng Diyos ang mga taong isinilang sa mga kulturang hindi Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries