settings icon
share icon
Tanong

Kung ang Diyos ay sumasalahat ng dako, nangangahulugan bang ang Diyos ay nasa impiyerno?

Sagot


Ang pagiging omnipresente ng Diyos ay isa sa Kanyang pinakamahalagang katangian, gayon din ang Kanyang katarungan at dahil diyan, nararapat lang na parusahan Niya ang mga makasalanang hindi nagtiwala kay Jesus para sa kanilang kaligtasan. Ipinapakita nito na mayroong Diyos na sumasalahat ng dako subalit Siya rin ang Diyos na gumawa ng isang lugar na tinatawag na impiyerno, isang lugar kung saan ang mga tao ay malayo sa presensya ng Diyos (tingnan ang Mateo 25:41).

May tatlong partikular na mga talata sa Biblia na mahalagang tingnan natin sa pagtalakay na ito. Ang una ay ang Awit 139:7-12, kung saan sinabi ni David ang ganito: "Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan? Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon!.." ang Sheol ay isang simpleng kahulugan lamang ng Hebreong pangalan na ang ibig sabihin ay "libingan" o "lugar ng mga patay." Isang malawak na termino ang Sheol subalit ito ay hindi kasing kahulugan ng impiyerno na kadalasan ay tumutukoy sa lugar ng walang hanggang kaparusahan.

Sinasabi sa Ikalawang Tesalonica 1:7-9 na yaong mga hindi nakakakilala o walang kaugnayan sa Panginoon ay "parurusahan ng walang hanggang pagkawasak, malayo sa presensya at kaluwalhatian ng Panginoon." Sa Pahayag 14:10 naman ay sinasabi na ang mga sumamba sa anticristo ay: "Pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero." Ang dalawang talatang ito ang nagdudulot ng kalituhan tungkol sa usaping ito dahil sa kanilang tila malinaw na pagkakasalungatan. Gayunman, ang simpleng paliwanag tungkol dito ay makikita natin sa orihinal na Griyego.

Ang salitang "presensya" na binabanggit sa Pahayag 14:10, ay literal na salin ng salitang griyegong enopion, na ang ibig sabihin ay, "sa presensya o sa harapan ng." Ito ay tumutukoy sa hugis, lapit at literal na agwat o distansya. Samantalang ang salitang "presensya" naman na mababasa sa Ikalawang Tesalonica ay mula sa orihinal na griyegong wika na prospon, na kalimitang tumutukoy sa mukha o panlabas na anyo ng isang tao. Lumalabas na direktang kinuha ni Pablo ang pananalitang ito mula sa Isaias 2:10 na matatagpuan sa Septuagint. May iba pang mga talata sa Biblia ang tumutukoy sa "pagkakahiwalay" ng Diyos at ng Kanyang bayan. Isang halimbawa nito ay ang sigaw at daing ni Jesus habang Siya ay nagdurusa sa krus (Mateo 27:46; Marcos 15:34).

Itinuturo naman ng Teologong si Louis Berkhof na ang tinutukoy ni Pablo sa mga talatang iyon sa Ikalawang Tesalonica ay ang "ganap na pagkawala ng biyaya o pabor ng Diyos." Ang paglalarawan sa impiyerno ay nagpapakita ng eksaktong kabaliktaran ng langit dahil nasa langit ang kumpletong pagpapala ng Diyos hindi dahil literal na malapit sa Diyos, kundi dahil may kumpleto at ganap na kaugnayan sa Kanya. Kaya't masasabi natin na ang impiyerno ay tumutukoy sa ganap na kawalan ng pabor at biyaya dahil sa kawalan ng kaugnayan sa Diyos.

Sa huli, lumalabas na totoong ang Diyos ay nasa impiyerno, o kaya'y ang impiyerno ay nasa Kanyang presensya depende pa rin kung paano natin ito tinitingnan. Ang katotohanan ay sumasalahat ng dako ang Diyos hanggang sa walang hanggan. Nalalaman Niya magpakailanman ang lahat ng mga nagaganap sa impiyerno. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang mga kaluluwang nakabilanggo doon ay may relasyon at pakikipag-ugnayan sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung ang Diyos ay sumasalahat ng dako, nangangahulugan bang ang Diyos ay nasa impiyerno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries