Tanong
Bakit kinakailangan ng Diyos sa tao ang pananampalataya?
Sagot
Ang ating relasyon sa Diyos ay kahawig din ng ating relasyon sa ibang tao at sa lahat ng relasyon, kinakailangan ang pananampalataya. Wala tayong kakayanan na lubusang maunawaan ang ating kapwa. Hindi natin mararanasan ang kahat ng kanilang nararanasan o kayang pasukin ang kanilang isip upang malaman ang kanilang nararamdaman at iniisip. Sinasabi sa Kawikaan 14:10, “Walang makikihati sa kabiguan ng tao, gayon din naman sa ligayang nadarama nito.” Ni hindi nga natin kayang lubusang maunawaan maging ang ating sariling mga puso. Sinasabi sa Jeremias 17:9 na ang puso ng tao ay magdaraya at “sino ang makauunawa nito?” Sa ibang salita, ang puso ng tao ay napaka-mapandaya at ninanais nito na itago ang lalim ng kanyang kasamaan kahit sa mismong may-ari. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng paninisi sa iba, pagtatanggol sa isang masamang gawain o paniniwala, pagpapaliit ng ating kasalanan at iba pa.
Dahil wala tayong kakayahan na lubusang makilala ang ibang tao, kaya't sa iba't ibang antas, ang pananampalataya ay isang mahalagang sangkap ng lahat ng relasyon. Halimbawa, sumama ang isang babae sa kotse ng kanyang asawa na nagtitiwala na magmamaneho ito ng ligtas, kahit na minsan ay nagpapatakbo ito ng mabilis sa madulas na kalsada. Nagtitiwala siya na gagawin ng kanyang asawa ang pinakamaganda sa lahat ng oras. Lahat tayo ay nagbabahagi ng impormasyon tungkol sa ating sarili sa ibang tao, na nagtitiwala na hindi nila gagamitin ang kanilang nalalaman tungkol sa atin laban sa atin. Nagmamaneho tayo sa kalsada na nagtitiwala na ang ibang drayber ay susunod sa mga batas trapiko na gaya natin. Kaya, sa ating mga kasama, matatalik na kaibigan at maging sa mga taong hindi natin kilala, ang pagtitiwala ay laging mahalagang sangkap ng anumang relasyon.
Kung hindi natin kayang maunawaan ng lubos ang ating kapwa tao na may hangganan, paano natin mauunawaan ng lubusan ang Diyos na walang hanggan? Kahit na naisin pa Niya na lubusang ihayag ang kanyang sarili sa atin, napakaimposible para sa atin na lubusan Siyang maunawaan. Ito ay gaya ng pagbubuhos sa lahat ng tubig sa dagat sa isang garapon. Imposible! Gayon pa man, kung paanong nagkakaroon tayo ng makabuluhang relasyon sa iba at lumago ang ating pagtitiwala dahil sa ating pagkakilala sa kanila at sa kanilang mga katangian, inihayag din ng Diyos sa atin ang sapat na kaalaman tungkol sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng sangnilikha (Roma 1:18-21), sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita, ang Bibliya (2 Timoteo3:16-17; 2 Pedro 1:16-21), at sa pamamagitan ng Kanyang Anak (Juan 14:9). Kaya't maaari din tayong magkaroon ng makabuluhang relasyon sa Diyos. Ngunit posible lamang ito kung ang kasalanan na siyang hadlang sa pagkakaroon ng relasyon sa Diyos ay maaalis sa pamamagitan ng pagtitiwala sa persona ni Hesu Kristo at sa Kanyang gawain ng pagbabayad ng kasalanan doon sa Krus. Ito ay kinakailangan dahil imposible para sa liwanag at dilim na magsama, gayundin naman imposible para sa isang banal na Diyos na magkaroon ng pakikisama sa isang makasalanang tao malibang ang kasalanan ng taong iyo ay mabayaran at mapawi. Si Hesu Kristo, ang walang kasalanang Anak ng Diyos, ay namatay sa krus upang akuin ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan upang ang sinumang sasampalataya sa Kanya ay maging anak ng Diyos at mabuhay na kasama Niya sa walang hanggan (Juan 1:12; 2 Corinto 5:21; 2 Pedro 3:18; Roma 3:10-26).
Napakaraming beses sa nakalipas na ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga tao. Ang isa sa mga halimbawa nito ay noong lumabas ang bansang Israel mula sa Ehipto ng ipakita ng Diyos ang kanyang pagmamahal at pagiingat sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga mahimalang salot sa mga Ehipsyo hanggang sa pumayag sila na palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin. Pagkatapos, hinati ng Diyos ang dagat na pula upang makadaan sa tuyong lupa ang humigit kumulang dalawang milyong Israelita. Pagkatapos, habang hinahabol sila ng mga kawal ng Ehipto sa parehong daan na kanilang dinaanan, pinanumbalik Niya ang tubig sa dati at tinabunan ng tubig ang mga kawal Ehipsyo. (Exodo 14:22-29). Kalaunan, sa ilang, pinakain sila ng Diyos ng tinapay na galing sa langit na tinatawag na manna at ginabayan Niya sila sa pamamagitan ng haliging ulap sa araw at haliging ulap sa gabi, na mga nakikitang representasyon ng presensya ng Diyos (Exodo 15:14-15).
Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na pagpapakita ng Kanyang pag-ibig, gabay at kapangyarihan, tumanggi pa rin ang mga Israelita na magtiwala sa Diyos ng papapasukin na Niya sila sa Lupang Pangako. Mas pinili nilang magtiwala sa mga salita ng sampung espiya na tinakot sila sa pamamagitan ng kanilang mga kuwento tungkol sa mga siyudad na napapalibutan ng pader at laki ng mga taong naninirahan doon (Bilang 13:26-33). Ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita na ang mga susunod pang kapahayagan ng Diyos sa kanyang sarili ay wala ng mas malaking epekto sa ating kakayahan na magtiwala sa Kanya. Kung ang Diyos ay nagpahayag sa mga tao ngayon sa parehong paraan ng kanyang pagpapahayag ng Kanyang sarili noon, pareho ang ating magiging reaksyon gaya ng reaksyon ng mga Israelita dahil sa ating makasalanang puso na gaya rin naman ng kanilang puso.
Binabanggit din sa Bibliya ang panahon sa hinaharap kung kailan ang niluwalhating Kristo ay magbabalik sa lupa upang maghari sa Jerusalem sa loob ng isanlibong taon (Pahayag 20:1-10). Maraming tao ang isisilang sa mundo sa panahong iyon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Maghahari siya ng buong katarungan at katuwiran, ngunit sa kabila noon, sinasabi sa Bibliya na sa pagtatapos ng isanlibong taon, madaling madadaya ni Satanas ang mga tao at makakabuo siya ng sandatahang lakas na lalaban sa Kaharian ni Kristo. Ang pangyayaring ito sa hinaharap sa pagtatapos ng isanlibong taon at ang paglabas ng mga Israelita sa Ehipto ay nagpapakita na ang problema ay hindi sa kawalan ng kasapatan ng pagpapahayag ng Diyos sa kanyang sarili sa tao; sa halip, ang problema ay ang makasalanang puso ng tao na patuloy na lumalaban sa Diyos.
Sapat na ang ipinakitang kapahayagan ng Diyos sa kanyang sarili sa pamamagitan ng sangnilikha upang magtiwala tayo sa Kanya. Ipinakita Niya sa pamamagitan ng mga pangyayari sa kasaysayan, sa Kanyang mga gawa sa kalikasan, at sa pamamagitan ng buhay ng ating Panginoong Hesu Kristo na Siya ang makapangyarihan sa lahat, sumasalahat ng lugar, maalam sa lahat, puspos ng pag-ibig, banal, hindi nagbabago at walang hanggang Diyos. At sa kanyang mga kapahayagang ito, ipinakita Niya na karapat- dapat Siyang pagtiwalaan. Ngunit gaya ng mga Israelita sa ilang, ang pagpili ay nasa atin kung magtitiwala tayo sa Kanya o hindi. Kadalasan, gumagawa tayo ng mga desisyon base sa ating nalalaman tungkol sa Diyos sa halip na base sa kung ano ang Kanyang ipinahayag tungkol sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng maingat na pagaaral ng hindi nagkakamaling Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kung hindi mo pa nagagawang matiwala kay Hesus, magumpisa ka sa pagaaral ng salita ng Diyos upang makilala mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang Anak na si Hesu Kristo na nagtungo dito sa lupa upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan at upang magkaroon tayo ng matamis na relasyon sa Diyos ngayon hanggang sa makarating tayo isang araw sa Kanyang kaharian.
English
Bakit kinakailangan ng Diyos sa tao ang pananampalataya?