Tanong
Ang Diyos ba ay lalaki o babae?
Sagot
Sa pagsusuri sa Banal na Kasulatan, dalawang bagay ang malinaw. Una ang Diyos ay Espiritu at hindi siya nagtataglay ng katangian na gaya ng tao na may limitasyon. Pangalawa, lahat ng ebidensya sa Kasulatan ay sumasang-ayon na ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili na gaya ng isang lalaki. Upang maunawaan ito, dapat nating munang malaman ang tunay na katangian ng Diyos. Ang Diyos ay isang persona, dahil ang Diyos ay nagpapakita ng mga katangian na gaya ng may isang personalidad: ang Diyos ay may isip, may kalooban, may karunungan at may emosyon. Ang Diyos ay nakikipag usap at ang personal na pagkilos ng Diyos ay makikitang maliwanag sa buong Kasulatan.
Sinasabi sa Juan 4:24 na “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” Dahil ang Diyos ay Espiritu, hindi Siya nagtataglay ng pisikal na anyo o katangian. Gayunman, minsan ay gumagamit ang mga manunulat ng Kasulatan ng mga mabulaklak na salita o hindi literal na pananalita upang maunawaan ng tao ang ginagawa ng Diyos. Ang paglalarawan sa Diyos na tila may katangian ng tao ay tinatawag na “Antropomorpismo.” Ang simpleng kahulugan ng antropomorpismo ay “pagbibigay ng katangian sa Diyos na tulad sa isang tao” upang ipaunawa ang isang katotohanan ng Kanyang kalikasan sa sangkatuhan, na mga pisikal na katangian. Dahil ang sangkatauhan ay materyal o pisikal, limitado ang ating pangunawa sa mga espiritwal na bagay; kaya nga, ang antropomorpismo sa Kasulatan ay nakatutulong upang maunawaan natin kung sino ang Diyos at ano ang Kanyang ginagawa.
Ang ilan sa mga bagay na mahirap maunawaan ay ang katotohanan na ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos. Sinasabi sa Genesis 1:26-27 “At sinabi ng Dios, lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.”
Parehong nilikha sa wangis ng Diyos ang lalaki at ang babae. Ito'y nangangahulugan na sila ay mas mataas ang antas kaysa sa ibang mga nilikha ng Diyos dahil sila ay may isip, kalooban, katalinuhan, emosyon at may moralidad na gaya ng Diyos. Ang mga hayop ay hindi nagtataglay ng moralidad at wala silang espiritwalidad na gaya ng tao. Ang wangis ng Diyos na nasa tao ay ang espiritwal na sangkap na tanging ang mga tao lamang ang nagtataglay. Nilikha ng Diyos ang tao upang magkaroon ng relasyon sa Kanya. Ang sangkatauhan lamang ang dinisenyo ng Diyos para sa ganitong layunin.
Kaya nga ang lalaki at ang babae ay iginaya lamang sa wangis ng Diyos. Ang katotohanan na may lalaki at babaeng tao ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay may katangiang gaya ng sa babae at lalaki. Dapat nating unawain na ang pagiging “ayon sa wangis ng Diyos” ay hindi sa pisikal na katangian.
Alam nating ang Diyos ay espiritwal na persona at wala siyang pisikal na katangian at anyo. Gayunman, hindi nito nililimitahan kung paano magpapakilala ang Diyos sa sangkatauhan. Ang Bibliya ay nagtataglay ng lahat ng kapahayagan ng Diyos na Kanyang ibinigay sa tao tungkol sa Kanyang sarili, kaya ito lamang ang obhektibong pinanggagalingan ng impormasyon tungkol sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagalam kung ano ang sinasabi sa atin ng Banal na Kasulatan, may mga ilang obserbasyon tungkol sa kung paano ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa tao.
Ang Kasulatan ay nagtataglay ng may 170 pagbanggit sa Diyos bilang isang “Ama.” Sa esensya, hindi maaaring ang sinuman ay maging ama malibang siya ay isang lalaki. Kung pinili ng Diyos na ipahayag ang Kanyang sarili bilang isang babae, ang salitang “ina” bilang pagtukoy sa Diyos ang tiyak na makikita sa Kasulatan at hindi ang salitang “Ama.” Sa Luma at Bagong Tipan, ang personal na panghalip na panlalaki ay ginamit ng paulit ulit kung tinutukoy ang Diyos.
Ipinakilala ni Hesu Kristo ang Diyos bilang “Ama” ng maraming beses at sa ibang mga pagkakataon ay ginamit Niya ang personal na panghalip na panlalaki. Sa apat na Ebanghelyo, ginamit ni Hesus ang salitang “Ama” ng may 10 beses bilang direktang pagpapakilala sa Diyos. Isa sa mga kapansin pansin na pangungusap ni Hesus ay ang Juan 10:30 kung saan sinabi Niya, “Ako at ang Ama ay iisa.” Hindi mapapasubalian na si Hesus ay nagtungo sa lupa bilang isang lalaki upang mamatay sa krus para sa kabayaran ng ating mga kasalanan. Gaya ng Ama, si Hesus ay nagpakilala sa tao bilang isang lalaki at hindi bilang isang babae. Itinala ng Banal na Kasulatan ang maraming mga pagkakataon na ginamit ni Hesus ang pangngalan at panghalip na panlalaki sa tuwing tinutukoy Niya ang Diyos.
Ang mga sulat ng mga Apostol (mula sa aklat ng Mga Gawa hanggang Pahayag) ay naglalaman din ng may siyam na raang (900) mga talata na binabanggit ang salitang “theos,” isang pangngalang panlalaki sa wikang Griyego na ginamit na pantukoy sa Diyos. Sa hindi mabilang na mga talata sa Kasulatan, napakalinaw at walang pagkakasalungatan ang mga banggit sa Diyos sa titulong panlalaki, pangangalang panlalaki at panghalip na panlalaki. Habang ang Diyos ay hindi tao, pinili Niya ang pangngalang panlalaki upang ipakilala ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Gayundin naman, ang Panginoong Hesu Kristo ay laging ipinapakilala ang Kanyang sarili sa parehong pamamaraan noong Siya ay nabubuhay pa sa lupa. Ang mga propeta sa Lumang Tipan at ang mga apostol sa Bagong Tipan ay laging ipinakikilala ang Diyos Ama at ang Panginoong Hesu Kristo sa panglalaking pangalan at titulo. Pinili ng Diyos na ipahayag ang Kanyang sarili sa ganitong pamamaraan upang mas madali Siyang maunawaan ng tao. Habang binibigyan ng Diyos ang tao ng kalayaan upang atin Siyang maunawaan, mahalaga na hindi natin pipiliting “ikahon” ang Diyos sa paglalagay ng limitasyon kung ano ang gusto Niyang pagpapakilala sa Kanyang sarili ayon sa Kanyang kalikasan.
English
Ang Diyos ba ay lalaki o babae?