settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ba ay Diyos sa anyong laman? Bakit mahalaga na si Hesus ay Diyos sa anyong laman?

Sagot


Mula ng ipaglihi si Hesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa sinapupunan ng birheng si Maria (Lukas 1:26-38), ang tunay Niyang pagkakakilanlan ay laging kinukwestyon ng mga taong mapagduda. Nagsimula ito ng si Jose na kasintahan ni Maria ay matakot na pakasalan siya ng kanyang ipagtapat ang tungkol sa kanyang pagdadalantao (Mateo 1:18-24). Pinakasalan ni Jose si Maria matapos lamang na magpakita sa kanya ang isang anghel at kumpirmahin sa kanya na ang batang ipinagbubuntis ng kanyang asawa ay ang Anak ng Diyos.

Daan-daang taon bago Siya isilang, inihula na ni Isaias ang pagdating ng Anak ng Diyos: “Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6). Nang kausapin si Jose ng anghel at ibalita ang nalalapit na pagsilang ni Hesus, inulit ng anghel ang hula ni Isaias: “Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios” (Mateo 1:23). Hindi ito nangangahulugan na pangangalanan si Hesus ng Emmanuel; nangangahulugan ito na ang pagkakakilanlan sa Kanya ay “sumasaatin ang Diyos.” Dumating si Hesus bilang Diyos sa anyong tao.

Alam ni Hesus ang mga haka-haka ng mga tao tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Tinanong Niya ang Kanyang mga alagad, “Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino Ako?” (Mateo 16:13; Markos 8:27). Iba iba ang kanilang naging sagot gaya din naman sa kasalukuyan. Pagkatapos, tinanong silang muli ni Hesus, “Sino ako para sa inyo?” (Mateo 16:15). Ibinigay ni Pedro ang tamang sagot: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay” (Mateo 16:16). Sinang-ayunan ni Hesus ang sagot ni Pedro at ipinangako na sa ibabaw ng katotohanang iyon, itatayo Niya ang Kanyang Iglesya (Mateo 16:18).

Ang kaalaman sa totoong kalikasan at pagtanggap sa pagkakakilanlan ni Hesu Kristo ay may eternal na kahalagahan. Dapat na sagutin ng bawat taong nabubuhay sa mundo ang parehong tanong ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Sino ako para sa inyo?”

Ibinigay Niya sa atin ang tamang sagot sa maraming kaparaanan. Sa Juan 14:9-10, sinabi ni Hesus, “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.”

Malinaw ang turo ng Bibliya tungkol sa kalikasan ni Hesu Kristo bilang Diyos (tingnan ang Juan 1:1-14). Sinasabi sa Filipos 2:6-7 na “bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao.” Sinasabi naman sa Colosas 2:9, “Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman.”

Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao, at ang katotohanan ng Kanyang pagkakatawang tao ay napakahalaga. Namuhay Siya bilang isang karaniwang tao ngunit hindi Siya nagtataglay ng makasalanang kalikasan na gaya natin. Tinukso Siya sa lahat ng paraan ngunit hindi Siya nagkasala kailanman (Hebreo 2:14-18; 4:15). Pumasok ang kasalanan sa sanlibutan sa pamamagitan ni Adan. At naisalin sa lahat ng sanggol na isinilang sa mundo ang kanyang makasalanang kalikasan (Roma 5:12)—maliban kay Hesus. Dahil walang ama sa laman si Hesus, hindi Siya nagmana ng makasalanang kalikasan. May kalikasan si Hesus ng Diyos mula sa Kanyang Ama sa langit.

Kinailangan na katagpuin ni Hesus ang lahat na hinihingi ng banal na Diyos bago maging katanggap- tanggap ang Kanyang handog para sa ating mga kasalanan (Juan 8:29; Hebreo 9:14). Kailangan Niyang ganapin ang mahigit sa tatlong daang (300) hula tungkol sa Tagapagligtas na Diyos din naman, na inihula sa Kasulatan sa pamamagitan ng mga propeta (Mateo 4:13-14; Lukas 22:37; Isaias 53; Mikas 5:2).

Mula ng bumagsak ang tao sa kasalanan, (Genesis 3:21-23), ang tanging daan upang maging matuwid ang tao sa harapan ng Diyos ay sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo ng walang malay na handog na hayop (Levitico 9:2; Bilang 28:19; Deuteronomio 15:21; Hebreo 9:22). Si Hesus ang huli at perpektong handog na nagbigay kasiyahan sa Diyos at pumawi sa Kanyang poot sa kasalanan magpakailanman (Hebreo 10:14). Ang Kanyang kalikasan bilang Diyos ang dahilan upang magampanan ni Hesus ang gawain ng pagtubos; ang Kanyang katawang tao naman ang naging daan upang maibuhos Niya ang Kanyang banal na dugo na hinihingi ng Diyos para sa ikatutubos ng ating mga kasalanan. Walang sinumang karaniwang tao na may kasalanan ang makababayad sa ating utang sa Diyos. Walang sinumang karaniwang tao ang maaaring makaabot sa pamantayang hinihingi ng Diyos bilang handog para sa kasalanan ng buong sanlibutan (Mateo 26:28; 1 Juan 2:2). Kung si Hesus ay isa lamang karaniwang tao gaya ng pagkakilala sa Kanya ng ilan, lalabas na mayroon Siyang makasalanang kalikasan at hindi Siya perpekto. Kung magkagayon, walang kapangyarihan ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli na iligtas ang sinuman.

Dahil si Hesus ang Diyos na naging tao, Siya lamang ang makababayad sa ating utang sa Diyos. Ang Kanyang tagumpay laban sa kamatayan at kasalanan ang magbibigay ng tagumpay sa sinumang maglalagak ng tiwala sa Kanyang ginawa (Juan 1:12; 1 Corinto 15:3-4, 17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ba ay Diyos sa anyong laman? Bakit mahalaga na si Hesus ay Diyos sa anyong laman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries