settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay liwanag?

Sagot


“Ang Diyos ay liwanag,” ito ang sinasabi sa 1 Juan 1:5. Ang liwanag ay isang karaniwang simbolo na ginagamit sa Bibliya. Sa Kawikaan 4:18, ginamit na simbolo para sa katuwiran ang “liwanag ng bukang-liwayway.” Inihalintulad naman sa Filipos 2:15 ang mga anak ng Diyos na “matuwid at walang kapintasan” sa “maningning na tala sa kalangitan.” Ginamit ni Hesus ang liwanag bilang simbolo ng mabubuting gawa: “Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16). Sinasabi sa Awit 76:4 patungkol sa Diyos, “O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal [maningning] higit pa sa matatag na kabundukan.”

Ang katotohanan na ang Diyos ay liwanag ang nagpapahiwatig ng natural Niyang pagkakaiba sa kadiliman. Kung ang liwanag ang simbolo ng katuwiran at kabutihan, ang kadiliman naman ang sumisimbolo sa kasamaan at kasalanan. Sinasabi sa Unang Juan 1:6, “Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan.” Sinasabi naman sa Unang Juan 1:5, “ang Dios ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman.” Pansinin na hindi sinabi na ang Diyos ay “isang liwanag” kundi Siya ay liwanag. Ang liwanag ay bahagi ng Kanyang esensya, gaya din naman ng pag-ibig (1 Juan 4:8). Ang mensahe: Ang Diyos ay sakdal, ganap, walang reserbasyon, banal, walang bahid ng kasalanan, walang bahid ng kasamaan at walang bahid ng kawalang katarungan.

Kung wala sa atin ang liwanag, hindi natin nakikilala ang Diyos. Ang mga nakakakilala sa Diyos ay lumalakad na kasama Niya, nasa liwanag at lumalakad sa liwanag. Ginawa silang tagapagmana ng banal na kalikasan ng Diyos, “Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita” (2 Pedro 1:4).

Ang Diyos ay liwanag at gayundin ang Anak. Sinabi ni Hesus, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12). Ang salitang “paglakad” ay nangangahulugan ng paglago. Kaya nga, nauunawaan natin mula sa talatang ito na kinakailangang lumago ang mga Kristiyano sa kabanalan at maging matibay sa pananampalataya habang sumusunod sila kay Hesu Kristo (tingnan ang 2 Pedro 3:18).

Ang Diyos ay liwanag at layunin Niya na ang mga mananampalataya ay maging repleksyon ng Kanyang liwanag at maging kagaya ni Kristo araw-araw. “Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim” (1 Tesalonica 5:5). Ang Diyos ang lumikha sa pisikal na liwanag at Siya din ang nagbibigay ng espiritwal na liwanag na siyang dahilan upang makita natin ang katotohanan. Inilalantad ng pisikal na liwanag ang mga nakatago sa kadiliman; ipinapakita nito kung ano ang tunay na anyo ng mga bagay. Ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan ng pagkilala sa Diyos, pagkaunawa sa katotohanan at pamumuhay sa katuwiran.

Dapat na ipahayag ng mga mananampalataya ni Kristo ana anumang kadiliman na nasa kanila – ang kanilang mga kasalanan at pagsalangsang – at hayaan na ang liwanag ng Diyos ang magningning sa kanilang pagkatao.

Hindi dapat na maging tamad ang mga Kristiyano at panoorin ang iba na nagpapatuloy sa kadiliman ng kasalanan habang nalalaman na ang mga nasa kadiliman ay nakatalaga para sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Ninanais ng Liwanag ng Sanlibutan na maglaho ang kadiliman at ipagkaloob ang Kanyang karunungan sa lahat ng dako (Isaias 9:2; Habakuk 2:14; Juan 1:9). Sa pagdadala ng liwanag ng Ebanghelyo sa mundo, dapat nating ipakita sa mga tao ang mga bagay na kanilang itinatago sa kadiliman. Ang liwanag ay hindi kasiyasiya sa mga nasanay na sa kadiliman (Juan 3:20).

Si Hesus, ang walang salang Anak ng Diyos ay ang “tunay na liwanag” (Juan 1:9). Bilang mga inaring anak ng Diyos, dapat na masalamin sa atin ng mga tao ang Kanyang liwanag sa isang mundo na pinagdilim ng kasalanan. Ang ating layunin sa pagpapatotoo sa mga hindi mananampalataya ay “upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos” (Gawa 26:18).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay liwanag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries