Tanong
Kung Diyos si Jesus, bakit Niya sinabi na 'walang mabuti kundi ang Diyos lamang?
Sagot
Laging inaangkin ng mga tutumutol sa pagiging Diyos ni Cristo na itinanggi diumano ni Jesus sa Markos 10:17-22 ang Kanyang pagiging Diyos dahil sa pagtanggi Niya na Siya ay mabuti. Ganito ang mababasa sa nasabing mga talata:
"Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, "Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?" Sumagot si Jesus, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos ng Diyos, 'Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.'" Sumagot ang lalaki, "Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan." Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, "May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin." Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman."
Sinasaway ba ni Jesus ang lalaki sa pagsasabi nito sa Kanya na Siya ay mabuti at sa gayon ay tinatanggihan ang Kanyang pagka-Diyos? Hindi. sa halip, gumagamit Siya ng isang tanong na magtutulak sa lalaki para isipin ang implikasyon ng Kanyang sinabi upang maunawaan nito ang konsepto ng kabutihan sa pananaw ni Jesus at lalo't higit, para makita ng lalaki ang kawalan niya ng kabutihan. Umuwi ang binata na "malungkot" (Markos 10:22) dahil nalaman niya na bagama't itinalaga niya ang sarili sa pagsunod sa mga utos, nabigo siya sa pagsunod sa una at sa pinakadakilang utos—ang pag-ibig sa Diyos ng buong puso, ng buong kaluluwa at ng buong lakas (Mateo 22:37-38). Mas mahalaga sa lalaki ang kanyang kayamanan kaysa sa Diyos, kaya nga hindi siya "mabuti" sa paningin ng Diyos.
Ang pangunahing itinuturo ni Jesus sa mga pananalitang ito ay hndi nanggagaling sa mga gawa ng tao ang kabutihan sa halip, nanggagaling ito sa Diyos mismo. Inaanyahan ni Jesus ang lalaki na sumunod sa Kanya, ang tanging paraan sa paggawa ng kabutihan sa pamantayan ng Diyos. Inilalarawan ni Jesus sa lalaking ito kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Kanya—at ito ay maging handang isuko ang lahat upang unahin ang Diyos sa lahat ng bagay. Kung isasaalang-alang ng tao ang pagbibigay ni Jesus ng kaibahan sa pagitan ng pamantayan ng tao sa kabutihan at sa pamantayan ng Diyos, nagiging mas malinaw ang pagsunod kay Jesus. Ang utos na sumunod kay Cristo ay isang malinaw na proklamasyon ng kabutihan ni Cristo. Kaya nga sa mismong pamantayan na gusto ni Jesus na ipagawa sa lalaki, makikitang si Jesus ay mabuti. At kaya nga kung si Jesus ay mabuti ayon sa pamantayang ito, ipinapahiwatig ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos.
Kaya ang tanong ni Jesus sa lalaki ay sinadya hindi para itanggi ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos, sa halip ay upang ilapit ang lalaki sa Kanya at kilalanin ang Kanyang pagka-Diyos. Ang ganitong interpretasyon ay sinusuportahan ng mga talatang gaya ng Juan 10:11 kung saan idineklara n Jesus ang Kanyang sarili bilang ang "Mabuting Pastol." Gayundin, itinanong ni Jesus sa Juan 8:46, "Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala??" Siyempre ang sagot ay "wala." Si Jesus ay "walang kasalanan" (Hebreo 4:15), banal at walang dungis (Hebreo 7:26), ang nagiisang "hindi nakaranas kung paano magkasala" (2 Corinto 5:21).
Ang lohika ay maaaring buudin sa mga sumusunod:
1: Inangkin ni Jesus na ang Diyos lamang ang mabuti.
2: Inangkin ni Jesus na Siya ay mabuti.
3: Kaya nga inangkin ni Jesus na Siya ay Diyos.
Ang ganitong pagaangkin ay naaayon sa daloy ng salaysay ni Markos patungkol sa unti-unting kapahayagan ni Jesus sa Kanyang tunay na pagkakakilanlan. Tanging sa harap lamang ng Punong Saserdote malinaw na nahayag ang pagkakakilanlan ni Jesus. Ang kuwento tungkol sa lalaking mayaman ay isa sa mga kuwento na sinadya upang ituro sa mga mambabasa na si Jesus ang walang hanggan, banal at ang nagkatawang-taong Anak ng Diyos.
English
Kung Diyos si Jesus, bakit Niya sinabi na 'walang mabuti kundi ang Diyos lamang?