Tanong
Bakit kakaiba ang Diyos sa Lumang Tipan kaysa sa kaparehong Diyos sa Bagong Tipan?
Sagot
Naniniwala ako na ang katanungang ito ay nag-ugat sa maling pagkaunawa kung ano ang ipinapahayag ng Luma at Bagong Tipan tungkol sa katangian ng Diyos. Ang katanungang ito ay kapareho ng kaisipang ito: “Ang Diyos sa Lumang Tipan ay Diyos ng poot samantalang ang Diyos naman sa Bagong Tipan ay Diyos ng pag-ibig.” Ang katotohanang ang Bibliya ay nagpapahayag sa progresong pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan at sa Kanyang relasyon sa mga tao sa buong kasaysayan ay maaaring makapag-ambag upang maunawaan ng tao kung ano ba ang Diyos sa Lumang Tipan kung ikukumpara sa Diyos ng Bagong Tipan. Gayon man, kung babasahin ng tao ang Luma at Bagong Tipan, magiging malinaw sa kanya na ang Diyos sa Lumang Tipan ay hindi kakaiba sa Diyos ng Bagong Tipan. Ang poot at pag-ibig ng Diyos ay parehong nabanggit sa dalawang Tipan.
Halimbawa, ang buong Lumang Tipan, ay nagpapakilala na ang Diyos ay “maawain at mapagbiyaya, hindi madaling magalit at puspos ng pagmamahal at katotohanan” (Exodo 34: 6; Mga Bilang 14: 18; Deuteronomio 4: 31; Nehemias 9: 17; Mga Awit 86: 5; Mga Awit 86: 15; Mga Awit 108: 4; Mga Awit 145: 8; Joel 2: 13). Sa Bagong Tipan naman, ang kabutihan, pagmamahal at kahabagan ng Diyos ay ipinakita ng mas malinaw sa pamamagitan ng kanyang Anak. “Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Sa kabuuan ng Lumang Tipan, makikita rin natin ang pagdidisiplina ng Diyos sa Israel kagaya ng pagdidisiplina ng isang mapagmahal na ama sa kanyang anak. Noong tahasan silang nagkasala sa Diyos at sumamba sa mga diyus-diyosan, pinarusahan sila ng Diyos, subalit iniligtas naman sila ng magsisi na sila sa kanilang mga naging kasalanan. Kagaya din nito ang nakikita natin kung papaano dinidisiplina ng Diyos ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan. Halimbawa, sinasabi sa atin ng aklat ng Hebreo 12:6 ang ganito: “Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga iniibig Niya, pinapalo ang bawat tinatanggap Niya bilang anak.”
Sa parehong paraan, sa kabuuan ng Lumang Tipan nakikita natin ang paghatol ng Diyos at ang pagbuhos ng Kanyang poot sa mga makasalanan na ayaw magsisi. Gayon din sa Bagong Tipan, nakikita rin nating ang poot ng Panginoon ay patuloy na “ipinahayag mula sa kalangitan tungo sa mga hindi maka-Diyos at hindi mabubuting gawain ng sangkatauhan” (Roma 1: 18). Kahit sa isang madaliang pagbabasa sa Bagong Tipan ay makikita na binanggit ni Hesus ng mas maraming beses ang impiyerno kumpara sa langit. Kaya nga maliwanag na hindi magkaiba ang Diyos sa Lumang Tipan at ang Diyos sa Bagong Tipan. Ang Diyos ay hindi nagbabago. Habang maaaring makita natin ang ilang aspeto ng Kanyang katangian na mas inihayag ng malinaw sa ilang partikular na talata sa Kasulatan, Siya ay hindi nagbabago kailanman.
Kung ang isang tao ay magsimulang magbasa at magaral ng Bibliya, magiging maliwanag sa kanya na ang Diyos ng Luma at Bagong Tipan ay hindi magkaibang Diyos. Kahit na binubuo ang Bibliya ng animnaput-anim (66) na iba't-ibang aklat, na sinulat sa dalawa (o posibleng tatlong) kontinente, sa tatlong magkakaibang wika, sa loob ng isang libo at limang daang (1,500) taon, ng mahigit apatnapung mga may-akda (na nagmula sa iba't-ibang antas ng buhay), nananatili pa rin itong nagkakaisa mula umpisa hanggang sa huli at walang pagkakasalungatan. Sa Bibliya nakikita natin kung papaano nakikitungo ang mapagmahal, maawain at walang kinikilingang Diyos sa mga makasalanang tao sa lahat ng uri ng sitwasyon. Tunay na ang Bibliya ay liham ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga nilikha, lalong lalo na sa mga tao, ay maliwanag na makikita sa lahat ng bahagi ng Bibliya. Sa Kabuuan ng Kasulatan, nakikita natin na may buong pagmamahal na tinatawag ng Diyos ang mga tao upang magkaroon ng espesyal na relasyon sa Kanya, hindi dahil karapat-dapat sila kundi dahil Siya ay mahabagin at mapagbiyayang Diyos, hindi madaling magalit at puspos ng pagmamahal at katotohanan. Subalit nakikita rin natin ang isang Banal at Matuwid na Diyos na siyang hukom ng lahat ng mga sumusuway sa Kanyang mga salita at hindi sumasamba sa Kanya at sa halip ay sumasamba sa mga diyus-diyosan na sila mismo ang may gawa, sa halip na sumamba sa iisa at tunay na Diyos (Roma 1).
Dahil sa ang Diyos ay matuwid at banal, ang lahat ng kasalanan sa nakaraan, sa kasalukuyan at darating ay kinakailangang hatulan. Dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos binayaran Niya mismo ang ating mga kasalanan upang maiwasan natin ang Kanyang poot sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Makikita natin ang napakagandang katotohanang ito sa 1 Juan 4:10 “Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan.” Sa Lumang Tipan, nagtakda ang Diyos ng sistema ng paghahandog kung saan sa pamamagitan nito maaaring pansamantalang mapatawad ang kasalanan. Subalit ang sistemang ito ng paghahandog ay panandalian lamang at anino lamang ng pagdating ni Hesu Kristo na Siyang namatay sa krus para sa lubos na ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang Tagapagligtas na ipinangako sa Lumang Tipan ay lubusang inihayag sa Bagong Tipan, at ang engrandeng paghahayag ng pag-ibig ng Diyos, ang pagpapadala ng Kanyang Anak na si Hesus, ay inihayag sa lahat ng buong kabanalan. Ang Luma at Bagong Tipan ay kapwa isinulat upang, “makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 3:15). Kung pag-aaralan natin ang mga katotohanang ito ng masinsinan, napakaliwanag na ang Diyos ng Luma at Bagong Tipan ay walang pagkakaiba.
English
Bakit kakaiba ang Diyos sa Lumang Tipan kaysa sa kaparehong Diyos sa Bagong Tipan?