Tanong
Ang Diyos ba ay makapangyarihan sa lahat o ang tao ba ay may malayang pagpapasya?
Sagot
Kapag pinag uusapan ang tungkol sa malayang pagpapasya (free will), agad sumasagi sa ating isipan ang tungkol sa kaligtasan. Nais nating malaman kung sino ba talaga ang komokontrol o may hawak ng ating walang hanggang hantungan.
Sa bawat pagtalakay tungkol sa malayang pagpapasya kailangan muna nating maunawaan ang kalikasan ng tao sapagkat siya ay nagpapasya ayon sa kanyang kalikasan. Ang isang bilanggo ay may kalayaang kumilos o gumalaw sa loob ng kanyang selda, ngunit siya ay sa loob lamang ng selda maaaring kumilos, nasain man niyang gawin ang kanyang nais kahit sa labas ng bilangguan ay hindi niya ito magagawa dahil may pader na humahadlang sa kanya. Ganito ang kalagayan ng lahat ng tao. Dahil sa kasalanan, ang tao ay nakabilanggo sa selda ng pagkasira at kasamaaang laganap hanggang sa kaibuturan ng kanyang pagkatao Lahat ng bahagi ng tao ay naka gapos sa kasalanan--ang ating katawan, ang ating isip, at ang ating mga pagpapasya. Sinasabi sa Jeremias 17:9 ang kalagayan ng puso ng tao: ito ay "mandaraya at walang katulad ang kasamaan." Sa ating natural at hindi binagong kalagayan, ang ating pag-iisip ay makalaman, at hindi espirituwal. "Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos at sadyang hindi niya ito magagawa (Roma 8:6-7). Nakasaad sa mga talatang ito na tayo ay mga kaaway ng Diyos bago pa tayo maligtas, hindi tayo nagpapasakop sa Diyos at sa kanyang mga tuntunin o kautusan, dahil hindi natin kaya. Malinaw ang sinasabi sa Biblia na, sa kanyang likas na kalagayan, ang tao ay walang kakayahang magpasya upang piliin kung ano ang mabuti at banal. Sa madaling salita tayo ay walang "kalayaang magpasya" upang piliin ang Diyos. Ang ating pagpapasya ay nakasalalay lamang sa ating kalikasan, katulad ng isang bilanggo na sa loob lamang ng selda maaaring kumilos.
Kung ganun, paano ba maliligtas ang isang tao? Inilalarawan sa Efeso 2:1-5 ang paraan. "Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at kasalanan." Tayo'y binuhay kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Ang isang patay ay walang kakayahang buhayin ang kanyang sarili dahil wala siyang kapangyarihan upang gawin ito. Maging si Lazaro na apat na araw na sa libingan ay walang nagawa upang buhayin ang kanyang sarili, kaya't dumating si Cristo at iniutos Niyang bumangon si Lazaro ay nabuhay ito (Juan 11). Ganito rin ang ating kalagayan. Tayo ay mga patay sa espiritu, walang kakayahang buhayin ang sarili. "Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa (Roma 5:8 MBB). Tinawag niya tayo mula sa ating espirituwal na kamatayan at binigyan niya ng bagong pagkatao, isang taong binago at wala na ang kasalanan ng lumang pagkatao (2 Corinto 5:17). Nakita ng Diyos ang kawalan ng pag-asa at kahabag-habag na kalagayan ng ating kaluluwa, kaya naman dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig at habag, ay buong habag siyang nagpasya na isugo ang kanyang Anak, si Jesus ay napako sa krus upang tayo ay tubusin sa kasalanan. Dahil sa Kanyang kagandahang loob tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalatayang kaloob Niya sa atin upang sumampalataya tayo kay Jesus. Ang Kanyang kagandahang loob at ang pananampalataya ay walang bayad na kaloob, at ang kaligtasan ay ibinibigay na walang bayad sa mga pinili ng Diyos "bago pa likhain ang sanlibutan" (Efeso 1:4). Bakit gayon ang pagpili ng Diyos? Dahil ito ay "ayon sa kanyang kalooban at layunin, upang papurihan at luwalhatiin ang kanyang kagandahang loob" (Efeso 1:5-6). Mahalagang maunawaan na ang plano ng pagliligtas ng Diyos ay naka disenyo para sa kanyang kaluwalhatian, hindi sa tao. Ang ating tugon ay papurihan Siya dahil sa "kaluwalhatian ng Kanyang kagandahang loob." Kung tayo ang magpapasya sa ating sariling kaligtasan, sino ang maluluwalhati? Maaaring tayo, Subalit nilinaw ng Diyos na hindi Niya kailanman ibibigay sa iba ang kanyang kaluwalhatian (Isaias 48:11).
Marahil ay mayroong magtatanong ng ganito, paano natin malalaman kung sino ang mga inligtas "bago pa likhain ang sanlibutan?" Hindi natin alam. Kaya nga ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo ay dapat nating ipangaral sa buong sanlibutan, ituro sa kanila ang pagsisisi sa kasalanan upang kanilang matamo ang biyaya at kagandahang loob ng Diyos. Sinasabi sa 2 Corinto 5:20 na kailangan nating makiusap sa mga tao sa pamamagitan ng Ebanghelyo upang makipagkasundo sila sa Diyos bago mahuli ang lahat. Hindi natin batid kung sinu-sino ang pinili ng Diyos upang palayain sa pagkabilanggo sa kasalanan. Ipaubaya natin sa Kanya ang pagpili habang tayo naman ay nangangaral ng Mabuting Balita sapagkat sinabi ni Jesus na ang lumalapit sa Kanya ay "kailanman ay hindi Niya itataboy" (Juan 6:37).
English
Ang Diyos ba ay makapangyarihan sa lahat o ang tao ba ay may malayang pagpapasya?