Tanong
Bakit tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili sa pangngalang pangmaramihan sa Genesis 1:26 at 3:22?
Sagot
Sinasabi sa Genesis 1:26, "Pagkatapos, sinabi ng Diyos: "Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit" at sa Genesis 3:22 naman ay ganito ang nakasaad: "Pagkatapos, sinabi ng PANGINOONG Yahweh, "Katulad na natin ngayon ang tao..." Marami pang ibang talata sa Lumang Tipan ang mababasa kung saan tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili gamit ang pangngalang pangmaramihan. Mahalaga ring tandaan na ang Elohim na isa sa mga pangunahing titulo ng Diyos sa Lumang Tipan (binanggit ng mahigit 2,500 beses) ay nasa maramihang anyo.
Ang mga talatang ito ay ginagamit ng iba upang ipagpalagay na ang Diyos ay higit sa isa. Ganun pa man, magagawa nating isantabi ang politeismo (paniniwala sa maraming diyos) dahil ang haka-hakang iyan ay sumasalungat sa iba pang hindi mabilang na mga talata sa Banal na Kasulatan na nagsasabing mayroon lamang iisang Diyos. Sa Isaias pa lamang ay tatlong ulit nang sinasabi ng Diyos na, "Ako lamang ang PANGINOON at wala ng iba; walang ibang DIYOS maliban sa akin" (mga talatang 5, 6, at 8).
Ang isa pang paliwanag kung bakit tinutukoy ng Diyos ang Kanyang sarili sa pangngalang pangmaramihan ay dahil kinakausap diumano ng Diyos ang mga anghel. Ayon sa kanila, ang mga anghel sa langit ang kausap ng Diyos nang sabihin niya ang mga katagang "tayo" at "natin." Gayon pa man, walang nakasaad saan man sa Biblia na ang mga anghel ay "kawangis" o "katulad" ng Diyos (tingnan ang Genesis 1:26), dahil ang pagiging kawangis ng Diyos ay isang paglalarawan na tanging sa tao lamang ibinigay.
Yamang ang Biblia, lalung-lalo na sa Bagong Tipan ay ipinakikilala ang Diyos bilang Trinidad (tatlong Persona ngunit iisang Diyos), masasabi natin na ang Genesis 1:26 at 3:22 ay kumakatawan lamang sa paguusap sa pagitan ng mga miyembro ng Trinidad. Ibig sabihin, ang Diyos Ama ay "nakikipag usap" sa Diyos Anak at sa Diyos Espiritu Santo. Ang Lumang Tipan ay nagbigay sa atin ng pahiwatig sa pagiging maramihan ng iisang Diyos at binigyang linaw ito ng Bagong Tipan sa pamamagitan ng doktrina ng Trinidad. Maliwanag na walang ibang sapat na paraan upang lubos natin itong maunawaan subalit binigyan tayo ng Diyos ng sapat na kaalaman upang malaman natin na Siya ay umiiral sa tatlong Persona--ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo.
English
Bakit tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili sa pangngalang pangmaramihan sa Genesis 1:26 at 3:22?