Tanong
Nagbabago ba ang isip ng Diyos?
Sagot
Idineklara ng Malakias 3:6, “Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.” Sinasabi din sa Santiago1:17, “Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.” Ang deklarasyon ng Bilang 23:19 ay napakaliwanag: “Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?” Hindi nagbabago ang isip ng Diyos. Ang mga talatang ito ang nagpapatunay sa katotohanang ito.
Paano ngayon natin ipaliliwanag ang talatang gaya ng Genesis 6:6 kung saan sinasabi, “At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso?” Gayundin ang Jonas 3:10 kung saan mababasa ang ganito, “At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.” Sinabi din sa Exodo 32:14, “At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan.” Ang mga talatang ito ay nagpapahiwatig na ang Panginoon ay “nagsisisi” at tila sinasalungat ang doktrina na hindi nagkakamali ang Diyos. Gayunman, ang isang masusing pagaaral sa mga talatang ito ay magpapakita na ang ito ay hindi indikasyon na ang Diyos ay nagbabago ng isip. Ang orihinal na salitang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya na isinalin sa “nagsisi” at “nagbago” ay ang ekpresyon sa salitang Hebreo na nangangahulugan na “nalungkot tungkol sa isang bagay.” Ang pagkalungkot tungkol sa isang bagay o pangyayari ay hindi nangangahulugan na may nangyaring pagbabago. Ipinahihiwatig lamang ng mga talatang ito ang pagkalungkot ng Diyos sa isang pangyayari.
Tingnan natin ang Genesis 6:6 “At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso.” Binanggit sa dulo ng talata na nalumbay ang puso ng Diyos. Sinasabi ng talatang ito na nalungkot ang Diyos sa ginawa ng tao. Gayunman, hindi Niya binago ang Kanyang desisyon. Sa halip sa pamamagitan ni Noe, pinayagan niya na magpatuloy ang lahi ng tao. Ang katotohanan na buhay tayo ngayon ay katibayan na hindi nagbabago ang isip ng Diyos sa paglikha Niya sa tao. Gayundin, ang konteksto ng talatang ito ay ang paglalarawan ng makasalanang kalagayan ng tao na nagdulot ng kalumbayan sa Diyos, hindi ng pagkakaroon ng tao. Tingnan naman natin ang Jonas 3:10 “At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.” Muli ang salitang Hebreo na ginamit sa talatang ito ay “nalungkot tungkol sa isang bagay.” Bakit nalungkot ang Diyos para sa mga taga Niniveh? Dahil nagbago ang kanilang puso at dahil doon sila ay nagbago mula sa pagsuway patungo sa pagsunod. Hindi sinasalungat ng Diyos ang Kanyang sarili. Parurusahan ng Diyos ang Niniveh dahil sa kanilang masamang gawa. Gayunman, nagsisi ang mga taga Niniveh at nagbagong buhay ang mga tao roon. Dahil dito, nahabag ang Diyos sa Niniveh at ang kanyang aksyong ito ay sumasang ayon sa Kanyang karakter bilang mahabaging Diyos.
Itinuturo ng Roma 3:23 na lahat ay nagkasala at walang sinuman ang nakaabot sa pamantayan ng Diyos. At ayon sa Roma 6:23, ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayang pisikal at espiritwal. Kaya nga ang mga tao sa Niniveh ay karapatdapat parusahan. Lahat tayo ay nahaharap sa parehong sitwasyon; pinili ng tao ang magkasala at iyon ang nagpahiwalay sa kanya sa Diyos. Hindi masisisi ng tao ang Diyos sa kanyang sasapitin. Kaya salungat sa karakter ng Diyos na hindi parusahan ang mga taga Niniveh kung nagpatuloy sila sa kanilang kasamaan. Nagsisi ang mga taga Nineveh at sumunod sa Diyos at dahil doon hindi na NIya sila pinarusahan gaya ng Kanyang plano. Ang pagbabago ba ng mga taga Nineveh ang nagpabago sa isip ng Diyos? Hindi! hindi kailanman mababago ng tao ang desisyon ng Diyos. Ang Diyos ay mabuti at makatarungan at inibig Niya na hindi na sila parusahan ayon sa kanyang mabiyayang kalooban. Ang itinuturo talaga ng mga talatang ito ay hindi nagbabago ang Diyos, dahil kung hindi Niya kinahabagan ang mga taga Nineveh, sasalungatin Niya ang kanyang pagiging mahabagin.
Ang mga talata sa Kasulatan na tila ipinahihiwatig na nagbago ang isip ng Diyos ay mga pigura ng salita na tinatawag na “anthropopathism” (pagbibigay sa Diyos ng damdamin na tulad ng damdamin ng tao) na ginagamit ng manunulat sa kanilang pagtatangka na ipaliwanag ang damdamin ng Diyos. Ito ay ang mga talata na nagpapakita na may isang bagay na gagawin ang Diyos ngunit sa halip na gawin ang bagay na iyon ay iba ang kanyang ginawa. Sa ating palagay bilang mga tao, iyon ay pagbabago. Ngunit sa Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay at makapangyarihan sa lahat, ang mga salitang ito ay hindi nangangahulugan na nagbabago nga ang Kanyang isip. Perpekto ang kapangyarihan at kaalaman ng Diyos sa Kanyang gagawin. Sa katunayan, ang Diyos din ang gumagawa at nagtakda sa tao upang ganapin ang Kanyang perpektong plano. “Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan. Oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin (Isaias 46:10, 11). Nagbabala ang Diyos sa napipintong paggunaw Niya sa Niniveh at alam Niya na ito ang magiging dahilan ng kanilang pagsisisi. Binalaan Niya ang Israel na lilipulin Niya sila at alam Niya na mamamagitan si Moises para sa kanila. Hindi kailanman pinagsisihan ng Diyos ang Kanyang mga ginawa ngunit nalulungkot Siya sa mga ginagawa ng tao. Hindi nagbabago ang isip ng Diyos kundi sumasang-ayon lamang Siya sa Kanyang salita at katangian dahil sa ating pagtugon sa Kanyang mga gawa.
English
Nagbabago ba ang isip ng Diyos?