settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ang nagkakaloob?

Sagot


May mahigit sa 169 na mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa mga paraan ng pagkakaloob ng Diyos sa atin ng ating mga pangangailangan. Simpleng sinasabi sa Filipos 4:19, “At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.” Habang ang mga naniniwala sa Ebanghelyo ng pagpapala (Prosperity Gospel) ay laging naghihintay sa mahimalang pagbibigay sa kanila ng Diyos ng pinansyal na pangangailangan at mga ariarian, dapat nating alamin mula sa Bibliya kung ano talaga ang ninanais na ipagkaloob sa atin ng Diyos.

Gaya ng sinumang mabuting magulang, hindi sa atin ipagkakaloob ng Diyos ang anumang bagay na alam Niyang makakasama sa atin. Ang Kanyang layunin ay hubugin tayo upang maging kagaya ni Kristo at maging asin at ilaw tayo sa mundong ito (Mateo 5:13-14). Hindi nais ng Diyos na atin Siyang ituring na pinanggagalingan ng mga materyal lamang na mga bagay. Hindi ang pagkakaroon ng mga ari-arian sa mundong ito ang pangunahing layunin ng ating buhay (Lukas 12:15).

Pinagbubukod ng Diyos ang ating mga pangangailangan at kagustuhan dahil alam Niya na kung nasaan ang ating kayamanan ay naroon din ang ating puso (Mateo 6:21). Nais Niyang malaman natin na hindi natin tunay na tahanan ang mundong ito at ang tunay nating kailangan ay ituon ang ating pansin sa buhay na walang hanggan habang nabubuhay sa mundong ito.

Nagmamalasakit ang Diyos sa bawat bahagi ng ating pagkatao: sa ating espiritu, kaluluwa at katawan. Dahil ang pagiging walang hanggan ang isa sa Kanyang mga katangian kaya ang paraan ng Kanyang pagkakaloob sa atin ay higit pa sa maaari nating hilingin at isipin (Efeso 3:20). Mapagtitiwalaan natin ang Kanyang kabutihan, paggabay at pagaalaga sa atin bilang ating pastor at gagawin Niya para sa atin ang higit pa sa maaari nating makamtan sa ating sariling lakas. Binigyan tayo ng Diyos ng pamamaraan upang magkaroon ng malapit at mabungang relasyon sa Kanya upang madala natin ang ating sarili at ang iba sa isang buhay na ayon sa Awit 23. Ang mga taong ang Panginoon ang itinuturing na pastol ay tunay na makakapagsabi, “hindi ako magkukulang” (Awit 23:1).

Sa panalangin ng Panginoong Hesus, itinuro Niya sa Kanyang mga alagad na humingi ng kanilang pangangailangan at ang kanilang pagtitiwala sa Panginoon ay napagtitibay sa tuwing sila’y mananalangin na “Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw na ito” (Mateo 6:11). Sa Mateo 6:24-25, sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na huwag mabalisa tungkol sa kanilang kakainin o dadamtin. Alam ng Ama ang ating mga pangangailangan. Ninanais Niya na magkaroon tayo ng pakikipagtipan sa Kanya at kinapapalooban ito ng pagtitiwala sa Kanya na kakatagpuin Niya ang ating mga pangangailangan sa araw araw at sa paghahanap una sa lahat, sa Kanyang kaharian at katuwiran (Mateo 6:33).

Sinasabi sa Awit 84:11, “Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.” Ang talatang ito ay nagpapaalala sa atin na may papel tayong ginagampanan sa pagkakaloob ng Diyos ng ating mga pangangailangan. Dapat tayong lumakad sa katuwiran.

Ang Santiago 4:3 ay isang sagot sa ating mga katnaungan kung bakit minsan hindi dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin: “At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.” Nakikita ng Diyos ang motibo ng ating mga puso at mahalaga sa Kanya ang ating motibo sa pananalangin.

Maraming mga talata sa Bibliya tungkol sa probisyon ng Diyos na may kaugnayan sa ating kakainin at daramtin at sa pangaraw araw nating mga pangangailangan. Tinutukoy ito ng iba na mga pangangailangan ng ating kaluluwa at espiritu. Pinagkakalooban Niya tayo ng kapayapaan (Juan 14:27), kasiyahan (2 Corinto 1:4), at “kapangyarihan, pag-ibig at disiplina sa sarili” (2 Timoteo 1:7). Sa katotohanan, “Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.” (Efeso 1:3). Sa anumang ating kalagayan, maaari tayong makuntento sa Panginoon (Filipos 4:12).

Ang mga talata gaya ng Galacia 1:15 at Jeremias 1:5 ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang pag-ibig at pangunguna sa atin ng Diyos ay nagumpisa bago pa man tayo isilang. Anong galak ang malaman na ang Diyos ay sangkot na sa ating buhay mula pa sa simula! Ang Kanyang pag-ibig sa atin ay itinutulak ng Kanyang layunin na pagkalooban tayo ng pinakamabuting bagay. Tunay na Siya ang ating Jehovah Jireh, ang Panginoon na sa ati’y nagkakaloob.

Ang probisyon ng Diyos ay Kanyang ipinagkakaloob sa lahat ng Kanyang mga nilikha na lubusang umaasa sa Kanya (Awit 104:21). Sa tuwina, winawalang halaga natin na ang pagpatak ng ulan, ang pagsikat ng araw sa umaga, ang pag-ihip ng sariwang hangin at ang alon na lumilinis sa dalampasigan at nagbibigay sigla sa ating malawak na karagatan. Dapat nating alalahanin sa tuwina na ang lahat ng mga bagay na ito ay nasa kamay ng ating mapagmahal na Diyos, na nagbibigay ng lahat ng ating mga pangangailangan ayon sa Kanyang mayamang biyaya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ang nagkakaloob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries