Tanong
Nagkakamali ba ang Diyos?
Sagot
Nagkakamali ba ang Diyos? Ang Kanyang kabanalan at kadakilaan ay hindi nagpapahintulot sa anumang pagkakamali: “Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin; at ang kaniyang kadakilaan ay hindi masayod” (Awit 145:3). Sa orihinal na wika, ang salitang “masayod” o “maarok” ay maiuugnay sa kaisipang “posibleng matagpuan o maibilang.” Sa ibang salita, ang kadakilaan ng Diyos ay walang hangganan. Ang pahayag na ito ay hindi maaaring tumukoy sa isang nagkakamaling persona, sa kadahilanang kahit na isang pagkakamali lamang ay magiging hindi na perpekto at may hangganan na ang Kaniyang kadakilaan.
Ang kakayahan ng Diyos na gawin ang lahat ng bagay at kaalaman sa lahat ng pangyayari ang siya ring nagpipigil sa Kanya upang magkamali: “Dakila ang ating Panginoon, at makapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang hanggan” (Awit 147:5). Muli, ipinapakita ng Bibliya na ang Diyos ay hindi nagkakamali. Ang limitadong kaalaman ang dahilan ng mga pagkakamali, ngunit ang Diyos ay walang hanggan ang kaalaman at hindi nagkakamali kailanman.
Hindi nagkamali ang Diyos nang likhain Niya ang mundo. Ang walang hanggang karunungan, walang hanggang kapangyarihan, at walang hanggang kabutihan ng Diyos ay gumagawang magkakasama sa paglikha ng isang perpektong mundo. Sa ika-anim na araw ng paglikha ng mundo, tiningnan ng Diyos ang lahat ng Kaniyang nilikha at sinabing ang mga ito ay “mabuti” (Genesis 1:31). Walang halong pagkiling sa isa o pagpuri sa iba at pagkadismaya sa iba. Tanging ang salitang “mabuti” lamang.
“Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?” (Bilang 23:19). Hindi tulad ng tao, ang Diyos ay hindi nagkakamali at hindi nagdadalawang-isip. Ang Diyos ay hindi gumagawa ng kautusan at pagkatapos ay babawiin iyon dahil hindi Niya nakita ang mga kahihinatnan o kaya nama'y hindi sapat ang Kaniyang kapangyarihan para bigyan iyon ng katuparan. Bukod dito, ang Diyos ay hindi katulad ng tao na makasalanan na nararapat sa paghuhukom. “...ang Dios ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman (1 Juan 1:5b). “Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan, at mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa” (Awit 145:17).
Itinuturo ng ilan na sinasabi sa Kasulatan na nagdalawang-isip ang Diyos tungkol sa Kanyang mga nilikha: “At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso. At sinabi ng Panginoon, lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila” (Genesis 6:5-7).
Dapat maintindihan ang salitang “nagsisi” sa mga tekstong ito. Nang gamitin ng Diyos ang salitang pagsisisi, nagsasaad ito ng kaisipan ng mahabaging kalungkutan. Hindi ito nagpapakita ng kahinaan ng Diyos, pag-amin sa pagkakamali, o pagsisisi sa isang pagkakamali. Sa halip, nagpapakita ito ng pangangailangan na gumawa ng tiyak at mabilis na hakbang upang hadlangan ang kasamaan ng sangkatauhan: “At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati” (Genesis 6:5). Ang katotohanang hindi itinuturing ng Diyos na isang pagkakamali ang paglikha sa mundo ay napatutunayan sa patuloy na pananatili ng mundo. Naririto pa rin tayo at nabubuhay, kahit na makasalanan. Purihin ang Diyos sa Kaniyang biyaya: “...datapuwa't kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya” (Roma 5:20b) at “si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon” (Genesis 6:8).
Hindi kailanman nakagawa ng mali ang Diyos. Mayroon Siyang layunin sa lahat ng bagay, at ang kinahihinatnan ng mga ito ay hindi makakagulat sa Kaniya sapagkat ipinahahayag Niya ang umpisa hanggang wakas: “Sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko; Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay titindig, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan” (Isaias 46:9-10).
Maaaring isipin ng iba na ang Diyos ay nakagawa ng mali sa kanilang mga personal na buhay. Mayroon tayong mga karanasan at kalagayan na hindi natin kayang kontrolin na naguudyok sa atin na magtanong kung ang Diyos ba ay nagkamali. Yamang, “Nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa” (Roma 8:28). Kinakailangan ng pananampalataya upang matanggap ito, dahil ngunit “Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (Corinto 5:7). Sa lahat ng panahon, dapat nating maunawaan na ang mga bagay sa mundo ay nauubos at nagagamit para sa ating gantimpala sa langit ayon sa karunungan Niya na “makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian” (Judas 1:24). Tayo'y nagagalak sapagkat ang ating Panginoong Diyos ay hindi nagkakamali sa ating mga buhay at mayroon Siyang mabuting layunin sa lahat ng bagay na Kaniyang pinahihintulutan.
Walang mali sa ating Diyos; walang mali sa Kaniyang mga ginagawa. At wala ring mali sa Kaniyang bugtong na Anak; hindi nagkasala si Hesus sa isip, salita, o sa gawa man (Hebreo 4:15). Ginawa ni Satanas ang lahat upang makahanap ng kahit isang mali kay Hesus, ngunit siya’y nabigo (Mateo 4:1-11). Si Hesus ay nanatiling Kordero ng Diyos na walang kapintasan (1 Pedro 1:19). At sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus dito sa lupa, si Pilato na Kanyang naging hukom ay nagsabi, “Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito” (Lucas 23:4).
Lagi tayong nakagagawa ng mga pagkakamali, malaki o maliit, minsan ay walang nasasaktan, minsan ay mapaminsala, at nasasanay tayong gumawa ng mga iyon. Ngunit naglilingkod tayo sa isang hindi nagkakamaling Diyos na ang kadakilaaan ay hindi masayod, “Marami, Oh Panginoon kong Dios, ang mga kagilagilalas na mga gawa na iyong ginawa, at ang iyong mga pagiisip sa amin: hindi malalagay na maayos sa harap mo; kung ako'y magpapahayag at sasalitain ko sila, sila'y higit kay sa mabibilang” (Awit 40:5). Ang kaalaman na ang Diyos ang Siyang may kapamahalaan sa lahat at hindi nakagagawa ng pagkakamali ay isang kahanga-hangang kaalaman at makasasapat para sa atin.
English
Nagkakamali ba ang Diyos?