settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng salitang 'pagkakatawang tao?' Paanong si Jesus ang Diyos na nagkatawang tao?

Sagot


Ang salitang Latin na "incarnare" ay nangangahulugang "gawing tao." Sa tuwing sinasabi natin na si Jesus ang Diyos na nagkatawang tao, ang ibig nating sabihin ay ang Anak ng Diyos ay naging laman at buto, at nagkaroon ng katawang tao (Juan 1:14). Gayunman, nang maganap ito sa sinapupunan ni Maria, ang ina ni Jesus bilang tao sa lupa, hindi tumigil ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama't naging tunay na tao si Jesus (Hebreo 2:17), nanatili ang Kanyang kalagayan bilang Diyos (Juan 1:1, 14). Kung paanong nagawa ni Jesus na maging tunay na tao at tunay na Diyos sa parehong pagkakataon ay isa sa mga dakilang misteryo ng Kristiyanismo. Gayun pa man, ito ay isang pagsubok sa pagiging tama ng isang pananampalataya (1 Juan 4:2; 2 Juan 1:7). May dalawang magkaibang kalikasan si Jesus. Siya ay tunay na Diyos at tunay na tao. "Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko" (Juan 14:11).

Malinaw na itinuturo ng Biblia ang tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang pagtupad sa maraming mga hula sa Biblia (Isaias 7:14;Awit 2:7), ang Kanyang walang hanggang pagiral (Juan 1:1–3; Juan 8:58), ang Kanyang mahimalang pagsilang sa pamamagitan ng isang birhen (Mateo 9:24–25), ang Kanyang mga himala (Mateo 9:24–25), ang Kanyang kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan (Mateo 9:6), ang pagtanggap Niya sa pagsamba ng mga tao (Mateo 14:33), ang Kanyang kakayahan na hulaan ang magaganap sa hinaharap (Mateo 24:1–2), at ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay (Lukas 24:36–39). Sinasabi sa atin ng manunulat ng Hebreo na higit si Jesus kaysa sa mga anghel (Hebreo 1:4–5) at sinasamba Siya ng mga ito (Hebreo 1:6).

Itinuturo din sa atin ng Biblia ang Kanyang pagkakatawang tao—si Jesus ay naging tunay na tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng laman ng tunay na tao. Ipinaglihi si Jesus sa sinapupunan ni Maria at ipinanganak (Lukas 2:7), naranasan Niya ang likas na pagtanda (Lukas 2:40), nagkaroon Siya ng mga likas na pangangailangang pisikal (Juan 19:28) at emosyon ng tao (Mateo 26:38), natuto Siya (Lukas 2:52), nakaranas ng pisikal na kamatayan (Lukas 23:46), at nabuhay na mag-uli sa isang pisikal na katawan (Lukas 24:39). Naging tao si Jesus sa lahat ng kaparaanan maliban sa kasalanan; nabuhay siya sa lupa na walang kahit anong kasalanan (Hebreo 4:15).

Nang maging tao si Jesus, hindi nagbago ang Kanyang kalikasan kundi ang kanyang posisyon. Sa Kanyang orihinal na kalikasan, si Jesus ay Espiritu, ngunit nagpakababa Siya at hindi ginamit ang lahat ng Kanyang kapangyarhan at pribilehiyo bilang Diyos (Filipos 2:6–8). Ang Diyos ay hindi maaaring tumigil sa pagiging Diyos dahil Siya ay hindi nagbabago (Hebreo 13:8) at walang hanggan (Pahayag 1:8). Kung tumigil si Jesus sa pagiging ganap na Diyos kahit sa loob ng isang segundo, mamamatay ang lahat ng may buhay (tingnan ang Gawa 17:28). Isinasaad ng doktrina ng pagkakatawang tao na si Jesus, habang nananatiling ganap na Diyos ay naging isang ganap na tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng salitang 'pagkakatawang tao?' Paanong si Jesus ang Diyos na nagkatawang tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries