Tanong
Nakikipag-usap pa ba ang Diyos sa panahon natin ngayon?
Sagot
Nasusulat sa Bibliya na nakipag-usap ang Diyos sa mga tao ng maraming beses (Exodo 3:14; Joshue 1:1; Hukom 6:18; 1 Samuel 3:11; 2 Samuel 2:1; Job 40:1; Isaias 7:3; Jeremias 1:7; Gawa 8:26; 9:15, ito'y ilang halimbawa lamang). Sa daan-daang beses na pakikipag usap ng Diyos sa tao sa iba't-ibang kaparaanan na itinala sa Bibliya, dapat nating tandaan na naganap ang mga pakikipagusap na ito ng Diyos sa tao sa loob ng apat na libong taon sa kasaysayan. Ang malinaw na pagsasalita ng Diyos ay isang natatanging karanasan ngunit hindi ito kinakailangang mangyari sa mga Kristiyano. Kahit na ang mga naitalang pangyayari sa Bibliya kung saan nagsasalita ang Diyos ay hindi maliwanag kung sa pamamagitan ba ng tinig buhat sa labas o sa loob, o impresyon ng kaisipan.
Totoo namang nangungusap pa ang Diyos sa mga tao sa kasalukuyan. Una, Nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang salita, ang Bibliya (1 Timoteo 3: 16-17). Sinasabi rin sa aklat ng Isaias 55: 11, “Ganyan din ang Aking mga salita, magaganap nito ang lahat Kong nasa.” Nakasulat sa Bibliya ang mga Salita ng Diyos at ang lahat ng kinakailangan nating malaman upang tayo'y maligtas at makapamuhay ng ayon sa Kanyang kalooban. Sinasabi din sa 2 Pedro 1:3-4, “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.”
Pangalawa, nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng kumbiksyon ng Banal na Espiritu, sa mga pangyayari sa ating buhay at sa ating puso at isip. Tinutulungan tayo ng Diyos na malaman ang tama at mali sa pamamagitan ng ating konsensiya at espiritu na pinananahanan ng Banal na Espiritu (1 Timoteo 1:5; 1 Pedro 3:16). Ang mga mananampalataya ay nasa proseso ng paghubog ng Diyos sa kanilang isipan upang umayon sa Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga salita (Roma 12: 2). Pinahihintulutan din minsan ng Diyos ang mga pangyayari sa ating mga buhay upang tayo ay gabayan, baguhin, at tulungang lumago sa ating buhay espiritwal (Santiago 1: 2-5; Hebreo 12: 5-11). Ipinapaalala sa atin ng 1 Pedro 1: 6-7 na, “Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”
Walang direktang sinabi sa Bibliya na maaari pang makipagusapsa pamamagitan ng naririnig na tinig ang Diyos sa mga tao ngayon. Kaduda-duda kung palagian itong nangyayari gaya ng inaangkin ng iba. Muli, sa Bibliya, ang malinaw na pangungusap ng Diyos ay isang bukod tangi at hindi isang ordinaryong pangyayari. Kung ang sinuman ay nagaangkin na nakipag-usap diumano sa kanya ang Diyos, laging dapat niyang ikumpara kung ano ang “sinabi sa kanya ng Diyos” sa sinasabi ng Bibliya dahil kung magsasalita man ang Diyos ngayon, ang Kanyang sasabihin ay tiyak na lubusang sumasang-ayon sa sa Kanyang sinasabi sa Bibliya. Kailanman, hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang sarili. Sinasabi sa 2 Timoteo 3: 16-17, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”
English
Nakikipag-usap pa ba ang Diyos sa panahon natin ngayon?