settings icon
share icon
Tanong

Paano ko maaalis sa aking isipan ang imahe ng Diyos bilang isang Diyos na nakakatakot at Diyos na nagagalit?

Sagot


Maaaring makatulong ang pagalaala sa isa sa pinakamalalim na katotohanan sa Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig” (1 Juan 4:8). Wala ng mas mahalaga pang deklarasyon kaysa rito – ang Diyos ay pag-ibig. Ito ay isang malalim na pananalita. Hindi lamang umiibig ang Diyos; Siya ay pag-ibig. Ang Kanyang kalikasan at esensya ay pag-ibig. Ang pag-ibig ay sumasaklaw sa Kanyang buong persona at kasama ng lahat ng Kanyang iba pang mga katangian, kahit ang Kanyang poot at galit. Sa tuwing sinasabi sa Bibliya na nagagalit ang Diyos, dapat nating maunawaan na ang Kanyang galit ay sinasala sa pamamagitan ng Kanyang dakilang pag-ibig.

Makakatulong din ang maunawaan na hindi na nagagalit ang Diyos sa Kanyang mga anak, sa Kanyang mga inilapit kay Hesus sa pananampalataya para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ang lahat ng Kanyang galit ay Kanya ng ibinuhos sa Kanyang sariling Anak na si Hesus doon sa krus, at hindi na Siya kailanman muling magagalit pa sa mga kinamatayan ng Kanyang Anak. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang “Diyos ay isang hukom na makatarungan, at nagpaparusa sa masama sa bawat araw” (Awit 7:11), ngunit ang mga kay Kristo ay hindi masama. Banal na tayo sa paningin ng Diyos, dahil ang nakikita Niya sa atin ay ang katwiran ni Kristo. “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:21). Ang lahat ng galit ng Diyos laban sa ating kasalanan ay Kanyang ibinuhos kay Hesus doon sa krus, at hindi na Siya muli pang magagalit sa atin kailanman kung inilagak natin ang ating pananampalataya kay Kristo. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa Kanyang mga hinirang.

Ang katotohanan na ang Diyos ay umiibig ay hindi nagpapawalang halaga sa Kanyang banal na kundisyon na perpektong kabanalan. Gayunman, dahil Siya ay pag-ibig, ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesus upang bigyang kasiyahan ang Kanyang kundisyong ito. Dahil Siya ay pag-ibig, nagkaloob ang Diyos ng daan upang ang kanyang mga hinirang ay hindi na mahiwalay pa sa Kanya dahil sa kasalanan at binigyan Niya sila ng pribilehiyo na magkaroon ng relasyon sa Kanya bilang bahagi ng Kanyang pamilya sa pamamagitan ng natapos na gawain ng pagliligtas ni Hesus sa krus (Juan 1:12; 5:24).

Kung pagkatapos nating malaman ang lahat ng mga bagay na ito, at nakikita pa rin natin ang Diyos na Diyos na nakakatakot at nagagalit, ito ay maaaring hindi pa tayo tiyak sa ating relasyon sa Kanya. Hinihimok tayo ng Bibliya na “subukin ang ating mga sarili kung tayo ay nasa pananampalataya” (2 Corinto 13:5). Kung nagdududa tayo na tayo ay kabilang sa mga kinamatayan ni Kristo, ang kailangan lamang ay magsisi tayo sa ating mga kasalanan at hilingin sa Kanya na iligtas tayo. Patatawarin Niya ang ating mga kasalanan at ipagkakaloob Niya sa atin ang Kanyang Banal na Espiritu na Siyang mananahan sa ating mga puso at siyang magbibigay sa atin ng katiyakan na tayo ay mga anak ng Diyos. Matapos nating matiyak na tayo ay sa Kanya, makalalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabasa at pagaaral ng Kanyang Salita at sa pagdalangin na ipakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin. Ang pag-ibig ng Diyos ay para sa bawat isa sa atin at Kanyang ninanais na kilalanin natin Siya sa pamamagitan ng isang personal na relasyon sa Kanya. Tiniyak Niya sa atin na kung hahanapin natin Siya ng ating buong puso, ay ating Siyang matatagpuan (Jeremias 29:13). Pagkatapos, tunay natin Siyang makikilala hindi bilang isang Diyos na nakakatakot at nagagalit, kundi bilang isang Diyos na umiibig at bilang isang mahabaging Ama.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko maaalis sa aking isipan ang imahe ng Diyos bilang isang Diyos na nakakatakot at Diyos na nagagalit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries