settings icon
share icon
Tanong

Bakit nagpakahayag ang Diyos sa panahon ng Bibliya ngunit tila lubhang “nakatago” Siya sa kasalukuyan?

Sagot


Itinala sa Bibliya ang pagpapakita ng Diyos sa mga tao, ang Kanyang paggawa ng mga kahanga-hanga at hindi matatanggihang himala, pagsasalita ng naririnig ng tainga at maraming iba pang mga gawa na hindi na natin nakikita sa kasalukuyan. Ano kaya ang dahilan? Bakit handa ang Diyos na ipakita at patunayan ang Kanyang sarili sa panahon ng Bibliya ngunit tila “nakatago” at tahimik Siya sa kasalukuyan?

Ang isang dahilan na tila “nakatago” Siya sa kasalukuyan ay ang simpleng katotohanan ng sinasadyang pagkakasala ng tao at mga kasalanang hindi pinagsisisihan. “Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa” (Mikas 3:4; cf. Deuteronomio 31:18; 32:20). Gayundin, imposible na malugod ang Diyos sa tao kung walang pananampalataya (Hebreo 11:6). Minsan, hindi napapansin ng tao ang ebidensya ng pagkakaroon ng Diyos dahil sa tahasang pagtanggi sa Kanya at sa kawalan ng pananampalataya (tingnan ang Markos 6:1-6)— napakahirap makakita kung tumatanggi kang buksan ang iyong mga mata.

Malayo sa pagigiging “nakatago,” kinumpleto ng Diyos ang plano ng Kanyang progresibong kapahayagan sa sangkatauhan. Sa buong panahon ng mahabang proseso ng Kanyang pakikipagugnayan sa sangkatauhan, may mga panahon na gumamit ang Diyos ng mga himala at direkta Siyang nakipagusap sa mga tao upang ipahayag ang Kanyang katangian, mga utos at ang Kanyang mga plano. Sa gitna ng ng pangungusap ng Diyos sa tao, may mga panahon din ng katahimikan kung kailan ang Kanyang kapangyarihan ay hindi nakikita at walang bagong kapahayagan ang dumarating (tingnan ang 1 Samuel 3:1).

Ang unang himala ng Diyos– ang Kanyang sangnilikha – ay hindi kailanman “nakatago” sa anumang kaparaanan. Ang Kanyang sangnilikha ay pangunahing katibayan ng pagkakaroon ng Diyos at ang Kanyang pamamaraan upang ipakita ang marami sa Kanyang mga katangian. Sa pamamagitan ng mga bagay na Kanyang nilikha, nauunawaan ng tao na ang Diyos ay makapangyarihan, may walang hanggang kapamahalaan at walang hanggan (Roma 1:20). Ang sangnilikha ang unang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili sa sangkatauhan. “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!” (Awit 19:1). Pagkatapos ng paglikha, nakipagusap ang Diyos sa mga tao upang mas lalo pag ipakilala ang Kanyang sarili at upang ipaalam sa kanila ang Kanyang kalooban. Una Siyang nakipagusap kina Adan at Eba, binigyan sila ng isang utos na dapat sundin at ng sila’y sumuway, ipinahayag Niya ang Kanyang sumpa. Tiniyak din Niya sa kanila at sa buong sangkatauhan na magpapadala Siya ng isang Tagapagligtas upang tubusin sila sa kanilang mga kasalanan.

Pagkatapos na ilipat si Enoc sa langit, tila “nagtago” muli ang Diyos. Ngunit di kalaunan, nakipagusap Siya kay Noe upang iligtas ito at ang kanyang pamilya. Pagkatapos nakipagusap Siya kay Moises at ibinigay ang Kautusan upang sundin ng Kanyang bayan. Gumawa ang Diyos ng mga himala upang pagtibayin ang Kanyang pagpili kay Moises bilang Kanyang propeta (Exodo 4:8) at upang palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto. Gumawa muli ang Diyos ng mga himala sa panahon ni Josue upang itatag ang bansang Israel sa Lupang Pangako at muli, gumawa Siya ng mga himala sa panahon ni Elias at Eliseo upang pagtibayin ang kanilang pagiging propeta at pigilan ang pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus diyusan. Sa gitna ng mga panahong iyon ng malinaw na pagkilos ng Diyos, may ilang henerasyon ang lumipas na hindi gumawa ang Diyos ng mga himala o hindi narinig ninuman ang Kanyang tinig. Maaaring marami ang nagisip ng panahong iyon, “Bakit nagtatago ang Diyos?” “Bakit hindi Niya ipakita ang Kanyang sarili?”

Nang dumating si Hesus sa mundo, pagkatapos ng apat na raang taon (400) ng “katahimikan” ng Diyos, gumawa Siya ng mga himala upang patunayan na tunay na Siya ang Anak ng Diyos at upang hikayatin ang mga tao na sumampalataya sa Kanya (Mateo 9:6; Juan 10:38). Pagkatapos ng Kanyang mahimalang pagkabuhay na mag-uli, binigyan Niya ng kakayahan ang mga apostol na gumawa ng mga himala upang patunayan na tunay na sinugo Niya sila, muli upang sumampalataya ang mga tao kay Hesus at tanggapin ang Bagong Tipan na isinulat ng mga apostol.

May ilang kadahilanan kung bakit pagkatapos ng panahon ng mga apostol, hindi na nakipagusap ang Diyos sa paraang naririnig ng tao ang Kanyang tinig o ipinakita ang Kanyang sarili. Gaya ng nasabi sa itaas, nagsalita na ang Diyos. Ang Kanyang mga salita ay buong katapatang isinulat ng mga propeta at mga apostol at mahimalang Kanyang iningatan sa pagdaan ng mga panahon. Tapos na ang Bibliya. Tapos na ang progresibong kapahayagan ng Diyos ng Kanyang sarili (Pahayag 22:18). Ngayon, mayroon na tayo ng kumpletong canon ng Kasulatan, at hindi na natin kailangan pa ang iba pang mga himala upang pagtibayin ang Bibliya na pinagtibay na ng mga apostol. Sa perpektong Salita ng Diyos, matatagpuan natin ang lahat na ating kinakailangan para sa “pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay” (2 Timoteo 3:16). Ang Bibliya ay perpektong sapat na upang ituro sa atin ang “daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 3:15). Ito ay isang mas tiyak na “pahayag ng mga propeta [na mas tiyak kaysa sa mga mahimalang karanasan] at makakabuting ito'y pag-ukulan natin ng pansin (2 Pedro 1:19). Hindi na natin kailangan pa ang ibang kapahayagan ng Diyos, at hindi tayo dapat na maghanap pa ng mga kapahayagan ng Diyos na wala sa Bibliya. Ang paghahanap ng iba pang kapahayagan ng Diyos bukod sa Kanyang ipinahayag sa Bibliya tungkol sa Kanyang sarili ay pagtutol sa kasapatan ng Kasulatan na idineklara ng Diyos na sapat na.

Ngunit hindi ba’t nangungusap sa atin ngayon ang Banal na Espiritu? Oo, Siya ang ating Mangaaliw sa mundong ito (Juan 14:16). At upang gabayan tayo, maaari Siyang kumilos sa ating konsensya. Ngunit mahalagang maunawaan na hindi na nagbibigay pa ng mga bagong kapahayagan ang Banal na Espiritu sa panahon ngayon. Sa halip, nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng nasulat na Salita ng Diyos, na siyang “tabak ng Espiritu” (Efeso 6:17). Sa tuwina, laging ang Espiritu ang nagpapaalaala sa ating isipan ng mga Salita ng Diyos sa mga oras na kailangang kailangan natin ang mga iyon (Juan 14:26); binibigyan Niya tayo ng pangunawa upang maunawaan natin ang Salita ng Diyos at binibigyan Niya tayo ng kalakasan upang ipamuhay ito. Ngunit walang sinuman ang dapat na magsabi, “Ipinahayag sa akin ng Banal na Espiritu ang isang bagong katotohanan tungkol sa langit na hindi makikita sa Bibliya!” Ito ay pagdadagdag sa Kasulatan at isang mapangahas na pagpapalagay.

Ang isa pang dahilan sa pagiging “nakatago” ng Diyos sa kasalukuyan ay tinukoy ng Propetang si Habakuk: “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya” (Habakuk 2:4). Hindi binigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng nagpapatuloy na mahimalang nga tanda; hindi Niya ito kailanman ipinangako. Sa halip, inaasahan Niya na pagtitiwalaan natin ang Kanyang dati ng mga ginawa, sasaliksikin ang Kasulatan araw-araw, at mabubuhay sa pananampalataya; hindi sa nakikita (Mateo 16:4; Juan 20:29; 2 Corinto 5:7).

Panghuli, ating pakatandaan na kahit sa kabila ng mga panahon na tila walang ginagawa ang Diyos, Siya pa rin ang Panginoon na may walang hanggang kapamahalaan sa Kanyang mga nilikha, at patuloy Siya sa paggawa at sa pagbibigay ng katuparan sa Kanyang perpektong plano. Ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng “nakatagong” paggawa ng Diyos ay makikita sa Aklat ni Ester kung saan hindi nabanggit ang pangalan ng Diyos ngunit malinaw na ipinapakita sa aklat ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan na gumagawa mula sa simula hanggang wakas.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit nagpakahayag ang Diyos sa panahon ng Bibliya ngunit tila lubhang “nakatago” Siya sa kasalukuyan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries