Tanong
Ano ang ibig sabihin na omnipotente ang Diyos?
Sagot
Ang salitang “omnipotente” ay nagmula sa salitang “omni” na nangangahulugan na “lahat” at “potent” na nangangahulugan na “kapangyarihan.” Gaya ng katangian ng Diyos na omnisyente at omnipresente, natural lamang na kung ang Diyos ay walang hanggan, at kung Siya ay may ganap na kapamahalaan, Siya ay omnipotente rin naman. Dahil Siya ay omnipotente, nagtataglay Siya ng walang hanggang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa lahat ng panahon.
Binanggit ni Job ang kapangyarihan ng Diyos sa Job 42:2: “Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na mapipigil.” Kinikilala ni job ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga plano. Pinaalalahanan din ng Diyos si Moises na may ganap Siyang kapangyarihan upang ganapin ang Kanyang layunin patungkol sa mga Israelita, “at sinabi ng Panginoon kay Moises, umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi” (Bilang 11:23).
Ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos ay makikitang malinaw sa kanyang paglikha sa lahat ng mga bagay. Sinabi ng Diyos, “Magkaroon,” at nagkaroon nga (Genesis 1:3, 6, 9, atbp). Kailangan ng tao ang mga kagamitan at materyales upang lumikha; ang Diyos ay simpleng nagsalita lamang, at sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ang lahat ay nalikha mula sa wala. “Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; At lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig” (Awit 33:6).
Ang kapangyarihan ng Diyos ay malinaw na makikita rin sa pagiingat Niya sa Kanyang sangnilikha. Ang lahat ng may buhay sa mundo ay mamamatay kung hindi dahil sa patuloy na pagiingat ng Diyos at pagbibigay ng mga bagay na kinakailangan nila upang mabuhay gaya ng pagkain, damit at tirahan. Siya ang tagapagingat ng mga tao at maging ng mga hayop (Awit 36:6). Maging ang dagat na wala tayong magagawa kung tatakpan tayo ay kanyang tinakdaan ng hangganan upang ingatan tayo sa pinsalang maaaring idulot nito sa atin, “O sinong nagsara ng mga pinto sa dagat, nang magpumiglas na gaya ng pagpiglas mula sa bahay-bata; nang gawin ko ang alapaap na bihisan niyaon, at ang salimuot na kadiliman na pinakabalot niyaon, at aking itinatag doon ang aking pasiya, at nilagyan ko ng mga halang at mga pinto, at aking sinabi, Hanggang dito ay darating ka, nguni't hindi ka na lalagpas: at dito'y titigil ang iyong mga palalong alon (Job 38:8-11).
Sakop ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos ang mga pamahalaan at mga pinuno ng lahat ng bansa (Daniel 2:21), habang pinipigilan Niya sila o pinahihintulutan na gawin ang kanilang nais na ayon sa Kanyang mga plano at layunin. Walang limitasyon ang Kanyang kapangyarihan laban kay Satanas at sa kanyang mga demonyo. Ang pag-atake ni Satanas kay Job ay limitado lamang hanggang sa kung saan siya pinahintulutan ng Diyos. Pinigilan siya ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan (Job 1:12, 2:6). Ipinaalala ni Hesus kay Pilato na wala siyang anumang kapangyarihan laban sa Kanya malibang pahintulutan siya ng Diyos (Juan 19:11).
Bilang Diyos na makapangyarihan sa lahat, kaya ng Diyos gawin ang lahat ng bagay. Gayunman, hindi nangangahulugan na nawawala ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan ng sabihin ng Bibliya na hindi Niya kayang gawin ang ilang mga bagay. Halimbawa, sinasabi sa Hebreo 6:18 na hindi Siya maaaring magsinungaling. Nangangahulugan ito na pinili ng Diyos na hindi magsinungaling sang-ayon sa Kanyang kabanalan. Sa parehong paraan, sa kabila ng pagiging omnipotente at pagkamuhi ng Diyos sa kasalanan, pinahintulutan Niya ang kasamaan dahil mayroon Siyang magandang layunin sa kabila noon. Ginagamit Niya ang mga masasamang pangyayari upang matupad ang Kanyang layunin, katulad ng pinakamasamang pangyayari sa lahat ng panahon, ang pagpatay sa Kanyang Anak na si Hesu Kristo, ang perpekto, banal, at walang dungis na Kordero ng Diyos para sa katubusan ng sanlibutan.
Bilang Diyos na nagkatawang tao, si Hesus ay nagtataglay din ng walang hanggang kapangyarihan. Ang kanyang kapangyarihan ay nasaksihan sa mga himala na Kanyang ginawa, sa napakaraming pagpapagaling sa mga may sakit, pagpapakain sa limang libo (Markos 6;30-44), pagpapatahimik sa bagyo (Markos 4:37-41), at sa pagbuhay sa namatay na si Lazaro at sa anak na babae ni Jairo (Juan 11:38-44, Markos 5:35-43), na patunay ng kanyang kapangyarihan laban sa buhay at kamatayan. Ang kamatayan ang pangunahing dahilan ng pagpunta ni Hesus sa lupa, upang tuluyang wasakin ang kapangyarihan nito (1 Corinto 15:22, Hebreo 2:14) at upang ilapit ang mga makasalanan at magkaroon sila ng tamang relasyon sa Diyos. Ipinaliwanag na malinaw ng Panginoong Hesu Kristo na may kapangyarihan Siyang ibigay ang kanyang buhay at muli itong kunin, isang katotohanan na kanyang ipinahiwatig ng sabihin Niya na itatayo Niya muli ang Templo sa loob ng tatlong araw kung gigibain ito (Juan 2:19). Mayroon Siyang kapangyarihan na tumawag ng labindalawang pulutong ng mga anghel upang iligtas siya sa kamay ng mga Hudyo at sundalong Romano kung kinakailangan (Mateo 26:53). Ngunit inialay Niya ang kanyang sarili ng buong kapakumbabaan para sa kaligtasan ng sinumang sasampalataya sa Kanya (Filipos 2:1-11).
Ang pinakamalalim na misteryo ay maaaring makabahagi sa kapangyarihang ito ng Diyos ang mga mananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Sinabi ni Pablo, “At siya'y nagsabi sa akin, ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka't ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (2 Corinto 12:9). Ang kapangyarihan ng Diyos ay nahahayag sa atin kung nasa kasukdulan tayo ng ating kahinaan “ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin” (Efeso 3:20). Ang kapangyarihan ng Diyos ang patuloy na nagiingat sa atin upang manatili tayo sa kanyang biyaya sa kabila ng ating mga kasalanan (2 Timoteo 1:12), at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, iniingatan Niya tayo upang huwag tuluyang tumalikod sa Kanya (Judas 24). Ang Kanyang kapangyarihan ay pinapupurihan ng mga anghel sa langit sa buong walang hanggan (Pahayag 19:1). Nawa, ito ang ating maging walang humpay na naisin!
English
Ano ang ibig sabihin na omnipotente ang Diyos?