settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na omnipresente ang Diyos?

video
Sagot


Ang unlapi na “omni” ay nagmula sa salitang latin na nangangahulugan na “lahat.” Kaya ang sabihin na ominipresente ang Diyos ay nangangahulugan na ang Diyos ay sumasalahat ng dako sa lahat ng panahon. Sa maraming relihiyon, pinaniniwalaan na ang Diyos ay nasa lahat ng dako, samantalang sa Judaismo at Kristiyanismo, ang paniniwalang ito ay nahahati sa dalawa: ang Diyos ay nasa lahat ng kanyang nilikha (immanence) ngunit Siya rin ay hiwalay sa lahat ng Kanyang nilikha (transcendence). Bagamat ang Diyos ay hindi kalakip sa lahat ng Kanyang nilikha (o panteismo: ang paniniwala na ang lahat ng bagay ay Diyos), Siya ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon.



Ang presensya ng Diyos ay nasa Kanyang sangnilikha, bagama't hindi pare-pareho ang kapahayagang ito sa lahat ng tao sa lahat ng lugar. May mga panahon na mapapansin na aktibo Siya sa isang sitwasyon, habang maaaring hindi Niya ihayag ang kanyang presensya sa ibang pagkakataon sa ibang lugar. Ipinakita sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay maaaring magpahayag sa isang tao sa isang paraang nakikita (Awit 46:1; Isaias 57:15) at maaaring nasa lahat Siya ng sitwasyon sa lahat ng sangnilikha sa isang partikular na panahon (Awit 33:13-14). Ang pagiging omnipresente ng Diyos ay ang dahilan kung bakit Siya nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon. Bagama't ang Diyos ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon, hindi Siya limitado sa isang lokal na oras o lugar. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako at nasa lahat ng bawat ngayon. Walang molekula o piraso ng atom ang napakaliit na wala doon ang Diyos o napakalaking galaxy na hindi kayang punan ng presensya ng Diyos. At kung maglalaho man ang lahat ng sangnilikha, hindi pa rin mawawala ang presensya ng Diyos.

Ang Diyos ay natural na nasa lahat ng aspeto ng kalikasan, sa lahat ng kaparanaan, panahon at lugar (Isaias 40:12; Nahum 1:3). Ang presensya ng Diyos ay aktibo sa iba't ibang kaparaanan sa bawat pangyayari sa kasaysayan at Siyang nasa likod ng lahat ng nangyayari sa buhay ng tao (Awit 48:7; 2 Cronica 20:37; Daniel 5:5-6). Ang Diyos ay nakikinig sa isang espesyal na kaparaanan sa lahat ng tumatawag sa Kanya, sa mga nananalangin para sa iba, sumasamba sa kanya, dumadaing sa kanya araw at gabi at taimtim na humihingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan (Awit 46:1). Ang pinakamataas na antas na pagpapakita ng Diyos ng Kanyang presensya ay sa persona ng kanyang Anak, ang Panginoong Hesu Kristo (Colosas 2:19), at gayundin sa kanyang presensya sa pangkalahatang iglesiya sa lahat ng panig ng mundo kung saan maging ang pintuan ng impiyerno ay hindi makapananaig.

Kung paanong ang walang hanggang kaalaman ng Diyos ay hindi kayang maunawaaan at tila salungat sa pangangatwiran ng tao dahil sa limitasyon at kahinaan ng kanyang pagiisip, gayundin naman hindi kaya ng tao na ganap na maunawaan ang walang hanggang presensya ng Diyos. Ang isa sa mga mahihirap na unawain tungkol sa walang hanggang presensya ng Diyos ay ang Kanyang presensya sa impiyerno, ang lugar kung saan ang masama ay nagdaranas ng walang hanggang poot ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan. Marami ang nangangatwiran na ang impiyerno ay ang lugar kung saan ang tao ay hiwalay sa Diyos (Mateo25:41). Gayunman ang masasama sa impiyerno ay nagdaranas ng kanyang walang hanggang poot. Sinasabi sa Pahayag 14:10 na ang masama ay pinarurusahan sa presensya ng Kordero. Ang presensya ng Diyos sa lugar ng pagkahiwalay sa Kanya ng mga makasalanan ay isang bagay na kakilakilabot at hindi natin kayang maunawaan. Gayunman, ang pagkakasalungatang ito ay maaaring ipaliwanag ng katotohanan na ang Diyos ay nasa lahat ng dako at puno ng kanyang presensya ang lahat ng bagay (Colosas 1:17) ngunit hindi Siya naaapektuhan ng anumang bagay dahil hiwalay Siya sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha at iniingatan ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita (Hebreo 1:3). Hindi rin Siya nasa lahat ng dako upang magpala lamang kundi upang magparusa din naman.

Kung paanong sinasabi minsan sa Bibliya na ang Diyos ay hiwalay sa Kanyang mga anak dahil sa kanilang mga kasalanan (Isaias 52:9), at Siya ay malayo mula sa masasama (Kawikaan 15:29) at inuutusan ang mga kampon ng kadiliman na umalis sa kanyang harapan sa pagwawakas ng panahon para sa walang hanggang kaparusahan, ang Diyos ay nasa kanila ring kalagitnaan. Alam Niya ang parusang dinaranas ngayon ng mga kaluluwang nasa impiyerno; alam Niya ang kanilang paghihirap, ang kanilang panaghoy upang magaanan, ang kanilang mga luha at kalungkutan dahil sa walang hanggang pagdurusa na kanilang kinalalagyan. Naroroon ang Diyos sa kanilang kalagitnaan at Siyang nagpapaalaala sa kanila sa kanilang kasalanan na siyang naging dahilan upang hindi nila maranasan ang Kanyang mga pagpapala. Nasa impiyerno ang Diyos ngunit hindi Niya ipinadadama sa mga tao roon ang iba Niyang katangian maliban sa Kanyang hustisya at poot.

Gayundin naman, nasa langit din ang Diyos at ipinakikita ang bawat pagpapala na hindi natin kayang lubos na maunawaan kahit dito pa lamang sa lupa; Siya ay naroroon at ipinapahayag ang Kanyang mayamang pagpapala, walang hanggang pag-ibig at walang hanggang kabutihan; at ang lahat ng iba pa Niyang katangian maliban sa kanyang poot. Ang walang hanggang presensya ng Diyos sa lahat ng dako sa lahat ng panahon ay nararapat na magpaalala sa atin na hindi natin maaaring itago sa Diyos ang ating mga kasalanan (Awit 139:11-12), ngunit maaari tayong manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kahit saan mang dako tayo naroroon (Isaias 57:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na omnipresente ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries