Tanong
Ano ang ibig sabihin na omnisyente ang Diyos?
Sagot
Ang ominisyente ay nangangahulugan na “estado ng pagkakaroon ng buong kaalaman, ang katangian ng kaalaman sa lahat ng bagay.†Ang kaalaman ng Diyos sa lahat ng bagay ang dahilan kung bakit may kapamahalaan Siya sa lahat ng bagay nakikita man o hindi nakikita. Ang walang hanggang kaalaman ay taglay ng tatlong persona, ng Ama, Anak at Banal na Espiritu. Ang bawat persona sa Trinidad ay omnisyente o nalalaman ang lahat ng bagay.
Alam ng Diyos ang lahat ng bagay (1 Juan 3:20). Hindi lamang Niya nalalaman ang pinakamaliliit na detalye ng ating buhay kundi maging ang lahat ng mga nangyayari sa ating paligid. Nalalaman Niya kung ang isang maya ay nahuhulog sa lupa o kung mabunot ang kahit isang hibla ng ating buhok (Mateo 10:29-30). Hindi lamang Niya nalalaman ang lahat ng magaganap sa kasaysayan (Isaias 46:9-10), kundi Kanya ring nalalaman ang ating bawat iniisip, bago pa man natin iyon sabihin (Awit 139:4). Alam Niya ang nilalaman ng ating puso; at nakita na Niya tayo habang nasa tiyan pa tayo ng ating ina (Awit 139:1-3; 15-16). Perpektong inihayag ang katotohanang ito ni Solomon ng kanyang sabihin, “Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at ikaw ay magpatawad at gumawa, at gumanti ka sa bawa't tao ayon sa lahat niyang mga lakad na ang puso ay iyong natataho; sapagka't ikaw, ikaw lamang ang nakakataho ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao†(1 Hari 8:39).
Sa kabila ng pagpapakababa ng Anak ng Diyos at ang paghubad Niya sa Kanyang pagka Diyos at gawin ang Kanyang sarili na tulad sa tao (Filipos 2:7), Ang Kanyang walang hanggang kaalaman ay malinaw na makikita sa mga Kasulatan ng Bagong Tipan. Ang unang panalangin ng mga apostol sa Aklat ng mga Gawa 1:24 na, “Ikaw, Panginoon, na nakatataho ng mga puso ng lahat ng mga tao, ay ipakilala mo kung alin sa dalawang ito ang iyong hinirang,†ay nagpapahiwatig ng walang hanggang kaalaman ni Hesus kung kaya't may kakayahan Siyang tanggapin ang kanilang mga panalangin sa Kanyang pagiging tagapamagitan sa mga tao sa Diyos Ama. Dito sa lupa, malinaw din ang pagkakaroon Niya ng walang hangggang kaalaman. Sa maraming tala sa Ebanghelyo, sinabi na alam Niya ang iniisip ng Kanyang mga tagapakinig (Mateo 9:4, 12:25; Markos 2:6-8; Lukas 6:8). Alam Niya ang buhay ng mga tao bago Niya sila natagpuan. Nang magkita sila ng isang babae na umiigib ng tubig sa balon ng Sicar, Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan†(Juan 4:18). Sinabi din Niya sa Kanyang mg alagad na ang kanilang kaibigang si Lazaro ay patay na, kahit na may 25 milya ang layo Niya sa bahay ni Lazaro (Juan 11:11-15). Pinayuhan Niya ang Kanyang mga alagad na humayo at ihanda ang Huling Hapunan, at Kanyang inilarawan ang ginagawa ng lalaki na kanilang makikita at susundan (Markos 14:13-15). Maaaring ang pinakamagandang halimbawa sa lahat ay ng sabihin Niya kay Natanael na nakita na Niya ito bago sila magkita at alam niya ang nilalaman ng puso nito (Juan 1:47-48).
Malinaw na makikita natin ang pagkakaroon ng walang hanggang kaalaman ng Panginoong Hesus noong Siya ay narito pa sa lupa, ngunit dito rin makikita ang isang palaisipan. Nagtanong si Hesus sa mga tao na nagpapahiwatig ng Kanyang kawalan ng kaalaman, ngunit nagtanong Siya para sa kapakinabangan ng mga nakikinig hindi para sa Kanyang sarili. Gayunman, may isa pang aspeto ng Kanyang walang hanggang kaalaman na nagmula sa kanyang limitasyon bilang isang tunay na tao. Mababasa natin “lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao†(Lukas 2:52) at natutuhan Niyang sumunod sa pamamagitan ng pagpapakasakit (Hebreo 5:8). Mababasa rin natin na hindi Niya alam kung kailan magaganap ang Kanyang muling pagparito (Mateo 24:34-36). Kaya nga dapat nating tanungin, bakit hindi ito alam ng Panginoong Hesus kung alam Niya ang lahat ng mga bagay? Sa halip na ipalagay na isa lamang itong limitasyon ni Hesus bilang tao, ituring natin ito na isang sinadyang kawalan ng kaalaman. Ito ay isang pagkukusa para sa Kanya ng lubusang pagpapakumbaba upang makabahagi ng buong buo sa ating kalikasan bilang tao (Filipos 2:6-11; Hebreo 2:17) at upang maging pangalawang Adan.
Sa huli, walang mahirap para sa isang omnisyenteng Diyos, at ito ang basehan ng ating pananampalataya kaya tayo ay panatag sa Kanya dahil nalalaman natin na hindi Niya bibiguin ang Kanyang mga pangako sa atin habang tayo ay nananatili sa Kanya. Kilala na Niya tayo mula pa noong walang hanggan, bago pa man nilikha ang sanlibutan. Kilala ka Niya at ako, kung kailan tayo lalabas sa mundong ito at kung sinu sino ang ating magiging kapamilya, kaibigan at kakilala dito sa lupa. Nakita na rin Niya ang ating mga kasalanan at ang kapangitan nito at ang ating kawalan ng kakayahan na makipag-ugnayan sa Kanya. Ngunit sa Kanyang pag-ibig, tinatakan Niya tayo at inilapit kay Hesu Kristo (Efeso 1:3-6). Makikita natin Siya ng mukhaan, ngunit hindi pa rin magiging ganap ang ating kaalaman tungkol sa Kanya kahit naroon na tayo sa langit. Ang ating pagkamangha, pag-ibig at pagpupuri sa Kanya ay magpapatuloy sa walang hanggan habang naglulunoy tayo sa Kanyang makalangit na pag-ibig, nag-aaral at patuloy na humahanga at namamangha sa ating Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay.
English
Ano ang ibig sabihin na omnisyente ang Diyos?