Tanong
Bakit ipinagutos ng Diyos ang pagpatay sa lahat ng mga Cananeo, kasama ang mga babae at bata?
Sagot
Sa 1 Samuel 15:2-3, inutos ng Diyos kay Saul at sa mga Israelita, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Aking tinandaan yaong ginawa ng Amalec sa Israel, kung paanong siya'y humadlang sa kaniya sa daan, nang siya'y umahon mula sa Egipto. Ngayo'y yumaon ka at saktan mo ang Amalec, at iyong lubos na lipulin ang buo nilang tinatangkilik, at huwag kang manghinayang sa kanila; kundi patayin mo ang lalake at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.'” Sinabi din ng Diyos ang parehong utos noong sinasakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako (Deuteronomio 2:34; 3:6; 20:16-18). Bakit iniutos ng Diyos sa mga Israelita ang paglipol sa isang buong lahi ng tao, kasama ang mga babae at bata?
Ito ay isang mahirap na isyu. Hindi natin lubos na mauunawaan kung bakit ito iniutos ng Diyos, ngunit nagtitiwala tayo na ang Diyos ay makatarungan – at kinikilala natin na hindi natin kayang lubos na maunawaan ang isang Diyos na walang hanggan at makapangyarihan sa lahat. Kung sinusuri natin ang mahihirap na isyu na gaya nito, dapat nating tandaan na ang kaparaanan ng Diyos ay higit kaysa ating kaparaanan, at ang Kanyang kaisipan ay hindi maaabot ng ating kaisipan (Isaias 55:9; Roma 11:33-36). Dapat na handa tayong magtiwala sa Diyos at manampalataya sa Kanya kahit na hindi natin nauunawaan ang Kanyang mga kaparaanan.
Hindi gaya sa atin, alam ng Diyos ang hinaharap. Alam ng Diyos kung ano ang magiging resulta kung hindi ganap na pinuksa ng mga Israelita ang mga Amalekita. Kung hindi susundin ng mga Israelita ang utos na ito ng Diyos, babalik ang mga Amalekita sa hinaharap upang guluhin sila. Sinabi ni Saul na pinatay niya ang lahat ng mga Amalekita maliban kay Haring Agag (1 Samuel 15:20). Ngunit ang totoo, nagsinungaling si Saul dahil pagkatapos lamang ng dalawampung taon, mayroon na namang sapat na bilang ng mga Amalekita na nakipagdigma kay David na siyang bumihag sa kanyang pamilya (1 Samuel 30:1-2). Pagkatapos na lusubin ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga Amalekita at iligtas ang kanilang mga pamilya, apat na raang Amalekita ang nakatakas. Kung sinunod ni Saul ang iniutos sa kanya ng Diyos, hindi ito mangyayari. Ilang daang taon pa ang nakalipas, isang lalaki mula sa lahi ni Agag na nagngangalang Haman ang tinangkang lipulin ang lahat ng mga Israelita (tingnan ang aklat ni Esther). Kaya nga ang hindi kumpletong pagsunod ni Saul ang muntik ng magbunga sa pagkalipol ng buong Israel. Alam ng Diyos na magaganap ito kaya Niya inutos ang pagpuksa sa mga Amalekita noon pa lamang.
Tungkol sa mga lahing naninirahan sa Canaan, iniutos ng Diyos, “Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buhay. Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh” (Deuteronomio 20:16-18). Nabigo din ang mga Israelita sa misyong ito at naganap ang eksaktong sinabi ng Diyos na magaganap (Hukom 2:1-3; 1 Hari 11:5; 14:24; 2 Hari 16:3-4). Hindi inutos ng Diyos ang pagpuksa sa mga taong ito para lamang maging malupit kundi upang pigilan ang mas matinding kasamaan na magaganap sa hinaharap.
Maaaring ang pinakamahirap na aspeto ng utos na ito mula sa Diyos ay ang kamatayan din ng mga bata at mga sanggol. Bakit kaya iuutos ng Diyos ang pagpatay sa mga bata? (1) Hindi inosente o walang kasalanan ang mga bata (Awit 51:5; 58:3). (2) Ang mga batang ito ay maaring lumaki na tagasunod ng mga hidwang relihiyon at sanayin ang karumaldumal na gawain ng kanilang mga magulang. (3) Sa pagkitil ng buhay ng mga batang ito, pinahintulutan ng Diyos ang mga batang ito na pumasok sa langit. Lubos naming pinaniniwalaan na ang mga batang namatay na bata ay tinatanggap sa langit sa biyaya at habag ng Diyos (2 Samuel 12:22-23; Markos 10:14-15; Mateo 18:2-4).
Muli, ang sagot na ito ay hindi kumpletong sumasagot sa lahat ng isyu. Ang ating atensyon ay dapat na nakatuon sa pagtitiwala sa Diyos bagama’t hindi natin lubos na nauunawaan ang Kanyang mga kaparaanan. Dapat din nating tandaan na tinitingnan ng Diyos ang lahat ng bagay mula sa isang walang hanggang perspektibo at ang Kanyang isipan ay hindi natin isipan. Ang Diyos ay makatarungan, makatwiran, banal, puno ng pag-ibig, mahabagin at mapagbiyaya. Kung paanong nagkakasundo ang lahat ng Kanyang mga katangiang ito ay maaaring misteryo para sa atin – ngunit hindi ito nangangahulugan na sumasalungat Siya sa pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili sa Bibliya.
English
Bakit ipinagutos ng Diyos ang pagpatay sa lahat ng mga Cananeo, kasama ang mga babae at bata?