Tanong
Bakit pakakawalan ng Diyos si Satanas pagkatapos ng 1,000 taon ng Kanyang paghahari?
Sagot
Sinasabi sa Pahayag 20:7–10, “Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.” Sa mga talatang ito, inihula ng Bibliya ang isang mawalak at huling rebelyon na pangungunahan ng Diyablo at ang tagumpay ng Diyos laban sa rebelyong ito.
Sa paguumpisa ng 1,000 taon ng paghahari ni Kristo sa lupa, ang mga mananampalataya lamang ang mabubuhay (Pahayag 19:17–21) — ito ang mga dumaan sa kapighatian at ang mga kasama ni Hesus mula sa langit sa Kanyang muling pagparito. Ito ay panahon ng kapayapaan na walang katulad sa kasaysayan ng mundo (Isaias 2:4; Joel 3:10; Mikas 4:3). Uupo si Hesus sa trono ni David at maghahari sa lahat ng Kanyang nilikha. Titiyakin ni Hesus na magkakaroon ang bawat isa ng kanyang pangangailangan, at hindi Niya pahihintulutan ang kasalanan na gaya ng nagaganap sa mundo sa kasalukuyan (Awit 2:7–12; Pahayag 2:26–29; 19:11–16). Pinapangarap natin ang ganitong panahon sa mundo kung kailan magiging katulad ng langit ang lupa.
Masasabing makakaranas pa rin ng kamatayan ang mga mananampalataya na dumaan sa kapighatian at muli silang manganganak at magpapadami sa mundo sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo. Dahil hindi na makakaranas ang tao ng kahirapan na gaya ng dati, magiging mabilis ang kanilang pagdami sa mundo sa panahong ito. Ang mga isisilang sa panahon ng paghahari ni Kristo ay makakaranas ng mga pakinabang at pagpapala ng paghahari ni Kristo sa lupa. Gayunman, isisilang pa rin sila na may makasalanang kalikasan at kailangan nilang malayang magsisi at manampalataya sa Ebanghelyo at personal na tanggapin si Kristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas.
Sa pagtatapos ng isanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa banging walang hangganan ang lalim. Dadayain niya ang napakaraming tao upang sumunod sa kanya sa isang huling pagaaklas laban kay Kristo. Tila habang nalilimutan ng tao ang kapighatiang naganap sa mundo sa pagdaan ng kasaysayan, mas lalong hindi sila magkakaroon ng kasiyahan sa pagkakaroon ng mapayapang buhay at muli nilang pagdududahan ang kabutihan ng Diyos. Bagama’t ang bilang ng mga sasama kay Satanas at magrerebelde laban kay Kristo ay “gaya ng buhangin sa dalampasigan,” (Pahayag 20:8), mas kakaunti pa rin sila kumpara sa bilang ng mga hindi magrerebelde laban kay Kristo.
Kung alam ng Diyos ang kaguluhan na muling isasagawa ni Satanas sa mundo, bakit Niya ito hahayaang makawala? Hindi sa atin ibinigay ng Kasulatan ang malinaw na sagot. Gayunman, maaaring ang isa sa mga dahilan ay upang bigyan ang sangkatauhan ng isang huling pagsubok. Sa loob ng 1,000 taon, ikukulong ang Diyablo at nakararaming mortal sa mundo ang hindi makakaranas ng panlabas na pagtukso mula sa demonyo. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan na may kalayaang magpasya, at papayagan Niya na muli silang subukin. Ang mga isisilang sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa ay dapat pa ring gumawa ng desisyon ayon sa kanilang malayang pagpapasya kung sino ang kanilang susundin – ang Diyos ba o si Satanas. Ang pagpapakawala ng Diyos sa Diyablo ang magbibigay sa kanila ng oportunidad na pumili ayon sa kanilang sariling pagpapasya.
Ang isa pang posibleng dahilan sa pagpapakawala ng Diyos kay Satanas ay upang ipakita ang lawak ng minanang kasalanan na likas sa lahat ng tao (tingnan ang Jeremias17:9). Kahit na pagkatapos ng 1,000 taon ng makalangit na kasiyahan sa mundo, magkakaroon pa rin ang sangkatauhan ng nakatagong pagnanais na magrebelde laban sa Diyos. Maaaring ang isa pang dahilan sa pagpapakawala kay Satanas ay upang turuan ang tao kung gaano sila kadaling madaya. Gaya ng kung paanong tinanggihan nina Adan at Eba ang paraiso dahil sa ilang salita ng Manunukso, gayundin naman kadaling madadaya ang napakaraming tao na nagmula sa lahi ni Adan at Eba sa panahong ito. Ang tao ay laman at dugo at madaling nadadaya ng Diyablo.
Sa pagpapakawala ng Diyos kay Satanas mula sa banging walang hangganan ang lalim, maaaring intensyon din ng Diyos na ipakita ang isang bagay tungkol sa Kanyang kalikasan. Sa loob ng isanlibong taon, ang Kanyang biyaya at kabutihan ay patuloy na makikita, ngunit sa katapusan ng panahong iyon, wala na Siyang pagtitiis laban sa rebelyon. Babagsak ang Kanyang hatol at hindi na Siya magbibigay pa ng “ikalawang pagkakataon” para sa mga pipiliin na lumaban sa Kanya.
Ang pagpapalaya ng Diyos kay Satanas sa katapusan ng 1,000 taon ay nagpapakita din na si Satanas ay laging kaaway ng sangkatauhan. Habang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang pag-big, malaking pagkamuhi lamang ang tanging mayroon si Satanas para sa atin. Mula ng bumagsak si Satanas sa pagkakasala (Isaias 14, Ezekiel 28), siya na ang kaaway ng mga mananampalataya at angkop sa kanya ang paglalarawan bilang “ang mandaraya ng sangkatauhan” (Juan 8:44). Ang tangi niyang maibibigay at maipapangako sa tao ay kamatayan at pagkawasak (Juan 10:10). Ipinakita din sa Pahayag 20 na si Satanas ay isang kaaway na ganap ng tinalo at tiyak ang kanyang huling hantungan kasama ng mga sumusunod sa kanya. Si Satanas ay isang nilikha na walang laban sa kapangyarihan ng Diyos.
Bakit palalayain ng Diyos si Satanas sa pagtatapos ng 1,000 taon ng paghahari ni Kristo sa lupa? Maaaring mas madali nating itanong sa Diyos kung bakit Niya hinayaan na magkaroon si Satanas ng kalayaan kahit sa ngayon. Ang sagot ay matatagpuan sa walang hanggang plano ng Diyos na nagpapakita ng kapuspusan ng Kanyang kaluwalhatian. Sakop ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos si Satanas, at kaya ng Diyos gamitin ang anuman o sinuman – maging ang masasamang gawa ni Satanas – upang ganapin ang Kanyang banal na layunin para sa Kanyang sangnilikha (tingnan ang 1 Timoteo 1:20 at 1 Corinto 5:5).
English
Bakit pakakawalan ng Diyos si Satanas pagkatapos ng 1,000 taon ng Kanyang paghahari?