Tanong
Ang Diyos ba ay isang persona?
Sagot
Oo, ang Diyos ay isang persona. Ngunit kung sinasabi namin na ang Diyos ay isang “persona,” hindi namin sinasabi na Siya ay isang tao o tulad sa isang tao. Ang ibig naming sabihin ay nagtataglay Siya ng personalidad, na Siya ay isang matalinong persona na may kamalayan sa Kanyang sarili. Kadalasang ipinapaliwanag ng mga teologo ang salitang persona bilang “isang indibidwal na may pagiisip, emosyon at kalooban.” Ang Diyos ay may angking katalinuhan (Awit 139:17), emosyon (Awit 78:41), at kalooban (1 Corinto1:1). Kaya nga, ang Diyos ay isang Persona.
Hindi pinagdududahan ng sinuman na may personalidad ang tao dahil siya ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26–27). Sa buong kasulatan, personal na pantanging panlalaki ang laging ginagamit kapag tinutukoy ang Diyos.
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay may tatlong persona: Ang Ama. Anak at Banal na Espiritu. Ang pagkakaisa ng Trinidad ay isang konsepto na mahirap maunawaan, ngunit ang mga katibayan ay nasa Bibliya. Sa Isaias 48:16 at 61:1, ang Anak ang nagsasalita habang tinutukoy ang Ama at ang Banal na Espiritu (tingnan din ang Lukas 4:14–19). Inilalarawan ang pagbabawtismo kay Hesus sa Mateo 3:16–17. Bumaba sa Diyos Anak ang Banal na Espiritu habang ipino-proklama naman ng Diyos Ama ang Kanyang kasiyahan sa Kanyang Anak. Binabanggit din sa Mateo 28:19 at 2 Corinto 13:14 ang tatlong magkakaibang Persona ng Trinidad.
Ang Diyos Ama ay isang Persona na may pagiisip (Isaias 55:8–9), emosyon (Awit78:40), at kalooban (1 Pedro 2:15). Ang Diyos Anak ay isang Persona na may pagiisip (Lukas 2:52), emosyon (John 11:35), at kalooban (Lukas 22:15). Ang Banal na Espiritu ay isang Persona na may pagiisip (Roma 8:27), emosyon (Efeso 4:30), at kalooban (Galatia 5:17). Ang bawat isa sa tatlong persona ng Trinidad ay nagtataglay ng lahat ng katangian ng Diyos (Juan 6:37-40; 8:17-25; Colosas 1:13-20; Awit 90:2; 139:7–10; Job 42:2; 26:13; 1 Corinto 2:9–11; Hebreo 9:14).
Ipinakikita ng Diyos ang Kanyang personal na kalikasan sa pamamagitan ng Kanyang galit (Awit 7:11), pagkagalak (Awit 2:4), kaawaan (Psalm 135:14), pag-ibig (1 Juan 4:8), poot (Awit 11:5), pagtuturo (Juan 14:25), pagtutuwid (Juan 16:8), at pangunguna (Roma 8:14). Ipinakikita ng lahat ng mga katangian at gawang ito ng Diyos ang katotohanan na Siya ay isang persona.
English
Ang Diyos ba ay isang persona?