Tanong
Bakit ipinahihintulot ng Diyos ang mabubuting bagay na mangyari sa masasama?
Sagot
Ang tanong na ito ay may pagkakatulad sa kasalungat na tanong: “Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?” Ang parehong tanong ay tumatalakay sa tila kawalan ng hustisya na ating nasasaksihan araw araw. Ang Awit 73 ang aming sagot sa parehong tanong na bumagabag din sa Mangaawit. Sa gitna ng kaguluhan at paghihirap ng kanyang kaluluwa, kanyang isinulat, “Ngunit ang sarili'y halos bumagsak, sa paghakbang ko'y muntik nang madulas! Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga, at sa biglang yaman ng mga masama” (Awit 73:2-3).
Ang manunulat ng Awit na ito ay si Asaph, isang tagapanguna ng mga mangaawit sa templo. Hindi siya mayaman kundi isang taong itinalaga ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos (tingnan ang 1 Cronica 25). Ngunit, gaya natin, nakaranas siya ng mga kahirapan at kinwestyon ang kawalang katarungan ng lahat ng ito. Nasaksihan niya na may mga tao sa kanyang paligid na nabubuhay sa kanilang sariling pamamaraan, at nakakamit ang lahat ng kayamanan at nararanasan ang kasiyahan sa mundong ito. Sinabi niya sa kanyang pagmamaktol, “Ni hindi nagdanas ng anumang hirap, sila'y masisigla't katawa'y malakas. Di tulad ng ibang naghirap nang labis, di nila dinanas ang buhay na gipit” (Awit 73:4-5).
Nasaksihan ni Asaph ang mga taong ito na hindi nakaranas ng maraming problema. Nababayaran nila ang kanilang mga bayarin. Marami silang kinakain at sagana sa lahat ng mga bagay. Ang mahirap na si Asaph ay nagtalaga ng kanyang buhay sa pangunguna sa mga mangaawit at nagsisikap na maging matuwid sa Diyos. Ngunit ang masaklap, ang kanyang pagpapasya na maglingkod sa Diyos ay tila hindi nakatulong sa kanya upang umangat sa buhay. Nagumpisa siyang mainggit sa mga mayayaman hanggang sa punto na kwestyonin Niya ang Diyos kung bakit Niya hinahayaan ang ganitong mga pangyayari!
Gaano kadalas na naiisip natin ang katulad ng iniisip ni Asaph? Itinalaga natin ang ating sarili sa paglilingkod sa Diyos. Pagkatapos nasasaksihan natin ang masasama at mga taong walang kinikilalang Diyos sa ating paligid na nagkakamal ng salapi, nagkakaroon ng maraming ari-arian, ng magagarang bahay, tumataas ang ranggo sa lipunan at nakakapagdamit ng mamahaling damit habang tayo naman ay may pisikal na karamdaman at nahihirapan sa pinansyal. Ang sagot ay matatagpuan sa huling bahagi ng Awit. Nainggit si Asaph sa masasamang tao hanggang sa matanto niya ang isang napakahalagang bagay. Nang pumasok siya sa santuaryo ng Panginoon, ganap niyang naunawaan ang kanilang hantungan: “kaya't sinikap kong ito'y saliksikin, mahirap-hirap mang ito'y unawain. Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas, na ang masasama ay mapapahamak; dinala mo sila sa dakong madulas, upang malubos na, kanilang pagbagsak; walang abug-abog sila ay nawasak, kakila-kilabot yaong naging wakas! Parang panaginip nang ako'y magising, pati anyo nila'y nalimutan na rin” (Awit 73:16-20). Ang mga taong may pansamantalang kayamanan sa mundo ngunit walang relasyon sa Diyos ay literal na pulubi sa espiritwal dahil wala sila ng tunay na kayamanan – ang buhay na walang hanggan.
Napakaraming beses na hindi natin nauunawaan kung ano ang nangyayari sa atin o nauunawaan man kung paanong gumagawa ang probidensya ng Diyos. Nang pumasok si Asaph sa santuaryo ng Diyos, noon niya natanto na hindi siya dapat mainggit sa kayamanan ng masasama dahil ilusyon lamang ang kanilang kasaganaan. Naunawaan niya na ginamit ni Satanas ang lahat ng pandaraya upang hindi niya makita ang katotohanan ng Diyos. Pagpasok niya sa santuaryo, naunawaan ni Asaph na panandalian lamang ang kasiyahang idinudulot ng kayamanan, gaya sa isang magandang panaginip na isa lamang pansamantalang ilusyon ngunit natatapos sa oras na tayo ay magising. Itinuwid ni Asaph ang kanyang sarili dahil sa kanyang kahangalan. Inamin niya na ang kanyang “kawalan ng katwiran at kahangalan” upang kainggitan ang masasama at manibugho sa mga mapapahamak. Pagkatapos, itinuon niyang muli ang kanyang isip sa kasiyahan sa Diyos matapos niyang maunawaan na higit ang taglay niyang kagalakan, kasiyahan, kasapatan at tunay na espiritwal na kayamanan sa Manlilikha.
Maaaring hindi natin makamit ang lahat ng bagay na gusto natin sa mundong ito, ngunit isang araw matatamasa natin ang kasaganaan sa walang hanggan sa pamamagitan ni Hesu Kristo na ating Panginoon. Sa tuwing matutukso tayo na piliin ang ibang daan, dapat nating tandaan na ang ibang daan ay putol at walang patutunguhan (Mateo 7:13). Ngunit ang makipot na daan na nasa ating harapan sa pamamagitan ni Hesus ang tanging daan na humahantong sa buhay na walang hanggan. Ito ang dapat nating pagkunan ng kagalakan at kaginhawahan. Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan? Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay, at ang nagtataksil wawasaking tunay. Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako! Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag, ang kanyang ginawa'y aking ihahayag” (Awit 73:25, 27-28).
Hindi tayo dapat na mabahala o magisip ng kawalang katarungan kung tila nangyayari ang mabubuting bagay sa masasamang tao. Ang nararapat ay ituon natin ang ating pansin sa ating Manlilikha at manahan sa Kanyang presensya araw araw sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Salita. Doon, matatagpuan natin ang katotohanan, kasapatan, espiritwal na kayamanan at walang hanggang kagalakan.
English
Bakit ipinahihintulot ng Diyos ang mabubuting bagay na mangyari sa masasama?