Tanong
Bakit pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang bayang hinirang?
Sagot
Tungkol sa bansang Israel, sinabi ng Diyos sa Deuteronomio 7:7-9 "Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan: kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto. Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi."
Pinili ng Diyos ang bansang Israel upang panggalingan ng Panginoong Hesu Kristo - ang tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan (Juan 3:16). Unang ipinangako ng Diyos ang manunubos pagkatapos na magkasala si Adan at Eba (Genesis kabanata 3). Ilang panahon ang nakaraan, kinumpirma ng Diyos na ang manunubos ay manggagaling mula sa lahi ni Abraham, Isaac at Jacob (Genesis 12:1-3). Si Hesu Kristo ang pangunahing dahilan kung bakit pinili ng Diyos ang Isarel upang maging Kanyang tanging bayan. Hindi kailangan ng Diyos pumili ng Kanyang sariling bayan ngunit nagdesisyon Siya na si Hesus ay manggagaling sa isang kalipunan ng mga tao at pinili ng Diyos ang Israel upang maging bansang Kanyang panggagalingan.
Gayunman, ang dahilan ng Diyos sa pagpili sa bansang Israel ay hindi lamang upang panggalingan ng Manunubos. Ang nais din ng Diyos para sa bansang Israel ay sila ang maging tagapagsalita at tagapagturo Niya sa mundo tungkol sa Kanyang mga kamangha-manghang mga gawa. Ang Israel ay magiging bansa ng mga saserdote, propeta at mga misyonero sa buong mundo. Ang nais ng Diyos ay maging bukod-tangi ang Israel sa lahat ng bansa, isang bansa na magtuturo sa lahat ng daan patungo sa Diyos at sa Kanyang ipinangakong Tagapagligtas at Manunubos. Nabigo ang Israel sa maraming tungkulin nito ngunit ang pinaka-layunin ng Diyos para sa Israel ay upang panggalingan ng Manunubos para sa buong sanlibutan at ito ay perpektong nangyari sa persona ng Panginoong Hesu Kristo.
English
Bakit pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang bayang hinirang?