settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na 'ang Trinidad ay Diyos sa tatlong Persona?

Sagot


Kapag pinaguusapan natin ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo bilang "persona," ito'y hindi nangangahulugang sila ay mga tao o katulad ng tao. Subalit, sa ating paggamit na salita ay ganun talaga ang pagkaunawa sa salitang "persona," kaya't nagdudulot ng kalituhan sa atin tuwing ang salitang ito ay iniuugnay sa Trinidad.

Tandaan natin na kapag pinaguusapan ang Diyos ay ginagamit natin ang salitang "persona" upang ipakita na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay may kanya kanyang personalidad. Ibig sabihin nito, ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay may kanya-kanyang talino, emosyon, at kapasyahan o pagkukusa. Alinmang umiiral na mayroong pangangatwiran, emosyon, at pagpapasya ay matatawag na persona; kaya't kung ang tao ay tinawag na persona, ganun din naman ang mga anghel at anumang umiiral na persona sa langit. Ang kahulugan ng persona ay hindi sumasaklaw sa kalagayang pisikal lamang, dahil kung ganun, kapag namatay ang isang tao ay matatapos na ang kanyang pagiging isang persona. Ang totoo, ang kanyang katawang pisikal lamang ang maiiwan sa lupa at mabubulok, ngunit ang kanyang totoong personalidad ay mabubuhay magpakailanman sa langit o impiyerno.

Kapag sinabi nating ang Diyos ay umiiral na may tatlong Persona, ito'y nangangahulugang ang Diyos ay binubuo ng tatlong magkakaibang sentro ng katalinuhan, emosyon, at pagpapasya. Bawat persona ng Trinidad ay may magkakaibang papel na ginagampanan sa paglikha at sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ang Espiritu Santo ay iba, hindi siya ang Ama o ang Anak (Siya ay nagbuhat sa Ama at sa Anak, Juan 15:26). Ang Ama at ang Anak ay magkaiba (hindi ang sarili ang kausap ni Jesus noong siya ay manalangin sa Ama, Lucas 23:24). Ang bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng buong kalikasan ng iisang Diyos, ngunit Sila ay magkakaibang "persona." Kailangan din nating tanggapin na walang angkop na salitang mauunawaan ng tao ang makakapaglarawan ng konseptong ito maliban sa salitang "persona."

Binubuo ng tatlong Persona ng Trinidad ang iisa at may ganap na pagkakaisang Diyos. Taglay ng bawat isa ang buong kalikasan ng Diyos, ngunit ang bawat personang ito ng Trinidad ay magkakaiba. Ganun pa man, ang pag iral ng Diyos sa tatlong Persona ay may ilang mahahalagang dahilan. Halimbawa, sinasabi sa 1 Juan 4:8 na ang Diyos ay pag-ibig. Ngunit, mula sa walang hanggang nakaraan, at bago pa Niya likhain ang lahat ng bagay, masasabi bang umiibig na nga Siya noon pa man, gayong wala pang umiiral upang pagukulan Niya ng pag-ibig? Subalit dahil ang Diyos ay umiiral bilang tatlong magkakapantay at makakaparehong walang hanggang Persona, masasabi nating mayroon ng pag-ibig noon pa man at ito ay makikita sa walang hanggang ugnayan ng tatlong Persona ng iisang Diyos. Ang pag-ibig ay walang hanggan dahil ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagmamahalan na bago pa ang pasimula ng lahat ng bagay.

Sa pagtatapos, mauunawaan lamang natin ng tama ang iisang Diyos na umiiral sa tatlong persona kapag nagawa na nating isantabi ang kaisipang ang "persona" ay tumutukoy lamang sa tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na 'ang Trinidad ay Diyos sa tatlong Persona?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries