settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay tumitingin sa puso (1 Samuel 16:7)?

Sagot


Kalimitan ay hinuhusgahan ng tao ang halaga ng iba batay sa panlabas na anyo. Kapag ang ang isang tao ay matangkad, maganda ang hitsura, maganda ang katawan, at maayos magdamit, siya ay nagtataglay na ng mga katangiang pisikal na hinahangaan at kagalang-galang. Ito ang mga katangiang pisikal na hinahanap natin sa isang lider. Ngunit ang Diyos ay may ibang paraan, mayroon siyang kakayahan upang tingnan ang panloob na katangian ng isang tao. Kaya't batid ng Diyos ang tunay nating katangian dahil "sa puso Siya tumitingin."

Mababasa sa 1 Samuel 16, na dumating na ang takdang panahon ng pagtungo ni Samuel sa tahanan ni Jesse sa Bethlehem upang piliin at italaga ang susunod na hari ng Israel. Habang pinagmamasdan ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak ni Jesse, humanga ito sa kanyang nakita. "Tiyak na ito na nga ang pinili ng Panginoon upang maging hari," sabi ng propeta (tal.6).

Ngunit sinabi ng Diyos kay Samuel, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan, sapagkat hindi siya ang pinili ko. Ang pagtingin ng Diyos ay hindi kagaya ng sa tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit puso ang tinitingnan ng Diyos" (1 Samuel 13:14).

Ang unang hari ng Israel na si Saul ay matangkad at makisig, at marahil ay kagaya ni Saul ang hinahanap ni Samuel kaya naman nang makita niya si Eliab na may kaparehong katangian ay inakala niyang ito na ang pinili ng Diyos. Ngunit iba ang pinili ni Yahweh upang maging hari ng Israel sapagkat noon pa man ay inihayag na ng Diyos kay Samuel na natagpuan na Niya ang taong mula sa kanyang puso (1 Samuel 13:14).

Tiningnan ni Samuel ang pitong anak ni Jesse ngunit walang pinili ang Diyos sa kanila upang maging hari dahil ang tinitingnan ng Diyos ay yaong may tapat na puso. Nang panahong iyon, ang pinaka bunsong anak ni Jesse na si David ay nagpapastol ng mga tupa, ngunit hindi man lamang nila tinawag. Matapos tingnan ni Samuel ang iba pang anak ni Jesse at walang napili sa kanila, pinasundo nila si David, at sinabi nga ng Diyos "Siya ang pinili Ko" (1 Samuel 16:12).

Si David ang pinili ng Diyos-- hindi perpekto ngunit matapat, ang taong may puso ng Diyos. Sinasabi sa Biblia na si David ay makisig (tal.12). Ang kanyang hitsura marahil ay hindi kaakit-akit. Ngunit ang puso ni David ay nahubog sa Diyos. Sa mga panahon ng kanyang pagpapastol, nakilala ni David ang Diyos bilang kanyang pastol (tingnan ang Mga Awit 23).

Ang panlabas na anyo ay maaring mapanlinlang. Hindi ito nagpapakita kung sino ba talaga ang isang tao. Hindi rin natin malalaman ang halaga, katangian, integridad, at katapatan ng isang tao sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa panlabas na anyo dahil ang panlabas na katangian ay mababaw. Kaya't ang moral at espirituwal na aspeto ang mas mahalaga sa Diyos.

Ang Diyos ay tumitingin sa puso. Kung titingnan natin sa Biblia, ang puso ay tumutukoy sa panloob na moralidad at buhay espirituwal ng tao. Sinasabi sa Kawikaan 4:23 na ang lahat ng ating ginagawa ay bumubukal sa puso dahil ang puso ang pinaka-sentro at bukal ng katangian kung sino talaga tayo: "Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang naguumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi" (Lucas 6:25).

Inakala ng mga nakakilala kay Judas na siya ay matapat na alagad, subalit ang kanyang anyo ay mapanlinlang. Hindi batid ng ibang mga alagad kung ano talaga ang nasa saloobin ni Judas. Tanging si Jesus lamang ang nakakaalam sa tunay na laman ng kanyang puso: "Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!" (Juan 6:70). Ang pagtingin ng Diyos ay mas mataas, mas malalim, at mas marunong kaysa sa atin (Isaias 55:8-9).

Sinasabi sa 2 Cronica 16:9a na nagmamasid ang Diyos sa buong daigdig upang sumaklolo sa lahat ng tapat sa kanya. Kayang tingnan ng Diyos ang ating puso, siyasatin ang ating mga balak, at batid niya ang mga bagay na dapat malaman tungkol sa atin (Mga Awit 139:1). Nakikita ng Diyos kung ang isang tao ay magiging tapat sa kanya dahil ang hindi nakikita ng tao ay nakikita ng Diyos.

Si Haring David ay hindi perpekto. Nagkasala siya ng pangangalunya at siya ay pumatay (2 Samuel 11). Ngunit nakita ng Diyos na si David ay may malalim na pananampalataya at buong pagtatalaga ng buhay sa Kanya at nakita Niya sa katauhan ni David na sa Kanya lamang ito umaasa, at humihingi ng lakas at gabay (1 Samuel 17:45, 47; 23:2). Nakita rin ng Diyos na kinikilala at tinatanggap ni David ang kanyang mga pagkakamali at kasalanan. Siya ang tao na may pusong handang magsisi at humingi ng kapatawaran sa Panginoon (2 Samuel 12; Mga Awit 51). Nakita ng Diyos na mahal ni David ang kanyang Panginoon dahil buong pagkataong sumasamba siya sa Diyos (2 Samuel 6:14). Si David ay taong nakakaranas ng paglilinis at pagpapatawad ng Diyos (Mga Awit 51), kaya't nauunawaan niya kung gaano kalalim ang pag-ibig ng Diyos sa kanya (Mga Awit 13:5-6). Nakita ng Diyos kay David ang malalim na personal na relasyon nito sa kanyang manlilikha at nakikita ng Diyos ang pusong katulad ng sa Kanya tuwing tumitingin Siya sa puso ni David (Mga Gawa 13:22).

Kagaya ni Samuel hindi rin natin nakikita ang nakikita ng Diyos kaya marapat lamang na umasa tayo sa kanyang karunungan. Makakaasa tayo na kapag tiningnan Niya ang ating puso ay kanyang makikita ang ating katapatan, ang ating tunay na katangian, at ang ating halaga bilang tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay tumitingin sa puso (1 Samuel 16:7)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries