Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay walang hanggan?
Sagot
Ang walang hanggang kalikasan ng Diyos ay simpleng nangangahulugan na umiiral ang Diyos na hindi sakop ng espasyo at panahon at hindi Siya nalilimitahan ng anumang bagay. Ang salitang “walang hanggan” ay nangangahulugan na “walang limitasyon.” Kung ginagamit sa Diyos ang salitang “walang hanggan,” sa pangkalahatan, tinutukoy din nito ang Kanyang pagiging Ominisyente, Omnipotente at Omnipresente.
Ang salitang “omnisyente” ay nangangahulugan na alam ng Diyos ang lahat dahil walang hanggan ang Kanyang kaalaman. Ang Kanyang walang hanggang kaalaman ang dahilan kung bakit Siya ang walang hanggang tagapamahala at hukom ng lahat ng mga bagay. Hindi lamang alam ng Diyos ang lahat ng nangyayari kundi alam din Niya ang mga mga bagay na mangyayari. Walang anumang pangyayari ang nakasorpresa sa Diyos at walang sinumang makapagtatago ng kanilang kasalanan sa Kanya. Napakaraming mga talata sa Bibliya na nagpapakita ng aspetong ito ng Kanyang kalikasan. Ang isa sa mga talatang ito ay ang 1 Juan 3:20, “Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.”
Ang salitang “omnipotente” ay nangangahulugan na makapangyarihan ang Diyos sa lahat at ang kapangyarihang ito ay walang hanggan. Ang pagkakaroon ng lahat ng kapangyarihan ay mahalaga sapagkat ito ang nagtatatag ng kakayahan ng Diyos na gawin ang Kanyang walang hanggang kalooban. Dahil omnipotente ang Diyos at nagtataglay ng walang hanggang kapangyarihan, walang makapipigil sa Kanyang mga itinakdang mangyari at walang makahahadlang sa Kanyang Banal na Layunin. Napakaraming mga talata sa Bibliya ang nagpapakita ng aspetong ito ng Kanyang kalikasan. Ang isa sa mga talatang ito ay ang Awit 115:3: “Ngunit ang aming Dios ay nasa mga langit: Kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.” Ipinahayag Niya ang Kanyang katangiang ito ng sagutin Niya ang tanong ng mga alagad: “Sino nga kaya ang makaliligtas?” (Mateo 19:25), sinabi ni Hesus, “Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari” (Mateo 19:26).
Ang salitang “omnipresente” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon. Walang lugar na maaaring puntahan ang tao kung saan matatakasan niya ang Kanyang presensya. Hindi Siya nalilimitahan ng oras at espasyo. Naroroon Siya sa lahat ng panahon at espasyo at hindi sakop ng mga ito. Ang walang hanggang presensya ng Diyos ay mahalaga dahil ito ang nagpapatunay na Siya ay walang simula at wakas. Naroroon na Siya sa simula pa at hindi siya maglalaho magpakailanman. Bago nagsimula ang panahon, naroon na Siya. Wala Siyang simula at wakas, at walang panahon na hindi Siya umiral o magkakaroon man ng panahon na hindi Siya iiral. Muli, napakaraming mga talata sa Bibliya na nagpapakita ng aspetong ito ng kalikasan ng Diyos at isa sa mga talatang ito ay ang Awit 139:7-10: “Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan? Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon. Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat; Doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.”
Dahil ang Diyos ay walang hanggan, Siya din naman ay hiwalay sa kanyang mga nilikha at higit sa lahat ng kanyang nilikha at hindi umaasa sa anumang bagay. Nangangahulugan ito na higit Siya sa tao kaya’t hindi natin kayang lubusang maunawaan kung “sino” at “ano” Siya maliban sa kung ano ang ipinahayag Niya sa atin. Ngunit, salamat na inihayag sa atin ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pangkalahatan (sangnilikha at konsensya) at espesyal na kapahayagan (ang Bibliya, ang buhay na Salita ng Diyos, at ang Panginoong Hesu Kristo). Kaya nga maaari nating makilala ang Diyos at malaman kung paano tayo makikipagkasundo sa Kanya at kung paano tayo mamumuhay ng ayon sa Kanyang kalooban. Sa kabila ng katotohanan na tayo ay may hangganan at ang Diyos ay walang hanggan, makikilala natin at mauunawaan ang Diyos sa pamamagitan ng mga ipinahayag Niya sa atin sa Kanyang mga Salita.
English
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay walang hanggan?