Tanong
Ano ang ibig sabihin ng dugo ni Kristo?
Sagot
Ang pariralang “dugo ni Kristo” ay ginamit ng maraming beses sa Bagong Tipan at ito ang kapahayagan ng kamatayan, at ang kabuuan ng gawain ng pagtubos ni Kristo para sa mga sasampalataya. Ang mga pagbanggit sa dugo ng ating Tagapagligtas ay tumutukoy sa katotohanan na ang tunay at literal na dugo ni Kristo ay umagos doon sa krus, at higit sa lahat, namatay Siya para tubusin ang Kanyang mga hinirang sa kanilang mga kasalanan. Ang dugo ni Kristo ay may kapangyarihan upang pawiin ang poot ng Diyos sa lahat ng mga kasalanan na nagawa ng lahat ng tao sa lahat ng panahon. Ang lahat ng naglagak ng kanilang pananampalataya sa ginawa ng kamatayan ni Hesus ay maliligtas.
Ang katotohanan ng dugo ni Kristo bilang kasangkapan ng Diyos sa ikapapawi ng Kanyang poot laban sa kasalanan ay nagugat sa Kautusan ni Moises. Isang beses isang taon, kinakailangan ng punong saserdote na maghandog ng dugo ng mga hayop sa altar sa templo para sa kasalanan ng mga tao. “Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung walang pagbububo ng dugo” (Hebreo 9:22). Ngunit ang epekto ng paghahandog ng dugo ng mga hayop ay limitado lamang kaya't dapat itong ulit-ulitin. Ito ay anino lamang ng “minsanang paghahandog” na ginawa ni Kristo doon sa Krus (Hebreo 7:27). Pagkatapos na ihandog ni Kristo ang kanyang dugo sa krus, hindi na kailangan pa ang paghahandog ng dugo ng mga hayop.
Ang dugo ni Kristo ang basehan ng Bagong Tipan. Noong gabi bago Siya ipako sa Krus, ibinigay ni Hesus ang saro ng alak sa kanyang mga alagad at sinabi, “Ang sarong ito ang Bagong Tipan ng aking dugo na mabubuhos dahil sa inyo” (Lukas 22:20). Ang pagbubuhos ng alak sa saro ay sumisimbolo sa dugo ni Kristo na mabubuhos para sa lahat ng mananampalataya sa Kanya. Nang kanyang ibuhos ang Kanyang dugo sa Krus, inalis Niya ang pangangailangan ng paulit ulit na paghahandog ng mga dugo ng hayop sa Lumang Tipan. Ang dugo ng mga hayop ay hindi sapat upang mapatawad ang kasalanan ng mga tao, dahil ang lahat ng kasalanan ay laban sa isang banal at walang hanggang Diyos na nangangailangan ng isang banal at walang hanggang handog. “Subalit ang mga haing ito pa nga ang taun-tao'y nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan” (Hebreo 10:3). Habang ang mga dugo ng baka't kambing ay “nagpapaalala sa kasalanan,” ang “mahal na dugo ni Kristo, ang kordero ng Diyos na walang dungis at kapintasan” (1 Pedro 1:19), ang nagbayad ng ating buong pagkakautang sa Diyos at hindi na tayo nangangailangan ng ibang handog para sa kasalanan. Sinabi ni Hesus doon sa Krus, “Naganap na” bago Siya nalagutan ng hininga at binayaran Niya ng buo ang ating pagkakautang sa Diyos. Sinabi sa aklat ng Hebreo, “minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin (Hebreo 9:12).
Hindi lamang tinubos ng dugo ni Kristo ang mga mananampalataya mula sa kasalanan at walang hanggang parusa kundi, “ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay” (Hebreo 9:14). Ito'y nangangahulugan na hindi lamang tayo lumaya mula sa paghahandog ng mga handog na hayop na wala naman tayong mapapakinabang kundi lumaya din tayo mula sa mga walang kabuluhan at walang pakinabang na gawa ng laman upang mabigyang kasiyahan natin ang Diyos. Dahil tinubos tayo ng dugo ni Kristo, tayo ngayon ay mga bagong nilalang na kay Kristo (2 Corinto 5:17), at sa pamamagitan ng Kanyang dugo, pinalaya na tayo mula sa kasalanan upang maglingkod sa buhay na Diyos, lumuwalhati sa Kanya at masiyahan sa Kanya magpakailanman.
English
Ano ang ibig sabihin ng dugo ni Kristo?