Tanong
Ano ang Eastern Orthodox Church at ano ang kanilang pinaniniwalaan?
Sagot
Ang Eastern Orthodox Church ay hindi iisang simbahan kundi isang pamilya ng 13 grupo na may sariling kapamahalaan na pinaghihiwalay ng mga bansa kung saan sila naroroon (halimbawa: ang Greek Orthodox Church at Russian Orthodox Church). Sila ay nagkakaisa sa pangunawa sa mga sakramento, doktrina, liturhiya at pamamahala ng simbahan ngunit may sarili silang kapamahaalan sa kanilang sariling mga grupo.
Ang pangulo ng bawat simbahang Orthodox ay tinatawag na "patriyarka" (patriarch) o "metropolitan." Ang patriyarka ng Constantinople (Istanbul, Turkey) ay itinuturing na pangkalahatan" o unibersal"na patriyarka. Siya ang pinakamalapit na katapat ng Papa ng Romano Katoliko. Hindi gaya ng Papa na kilala sa tawag na VICARIUS FILIUS DEI (ang katawan ng Anak ng Diyos sa lupa), ang Obispo ng Constantinople ay kilala sa tawag na PRIMUS INTER PARES (ang una sa lahat ng magkakapareho). Mayroon siyang espesyal na karangalan, ngunit wala siyang kapangyarihan na makialam sa iba pang 12 grupo ng mga Orthodox.
Inaangkin ng Orthodox Church na ito ang nagiisang tunay na iglesya ni Kristo at inuugat ang kanilang pinanggalingan sa mga orihinal na apostol sa pamamagitan ng hindi nalagot na kadena ng pagpapalit ng apostol. Dinedebate ng mga iskolar na Orthodox ang espiritwal na kalagayan ng mga Romano Katoliko at mga Protestante, at may ilan na itinuturing silang mga heretiko. Gayunman, gaya ng mga Katoliko at mga Protestante, naniniwala din ang mga orthodox sa doktrina ng Trinidad, na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, na si Hesus ay Anak ng Diyos at marami pang doktrina sa Bibliya. Gayunman, mas marami silang pagkakatulad sa Katoliko pagdating sa doktrina kaysa sa mga Protestante.
Ang nakalulungkot, ang doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi makikita sa kasaysayan at teolohiya ng simbahang Orthodox. Sa halip, binibigyang diin ng mga orthodox ang theois (literal na pagiging diyos), ang unti unting proseso kung saan ang isang Kristiyano ay magiging kagaya ni Kristo. Ang hindi nauunawaan ng mga Orthodox ay hindi kinakailangan sa kaligtasan ang pagiging gaya ni Kristo kundi ito ay progresibong resulta lamang ng kaligtasan. Ang iba pang katuruan ng simbahang Orthodox na sumasalungat sa katuruan ng Bibliya ay ang mga sumusunod:
Ang pantay na awtoridad ng tradisyon ng simbahan at ng Bibliya
Pagpigil sa mga indibidwal sa pagunawa sa Bibliya ng hiwalay sa tradisyon
Ang walang hanggang pagka-birhen ni Maria
Pananalangin sa mga namatay
Pagbawtismo sa mga bata na walang reperensya sa indibidwal na responsibilidad at pananampalataya
Ang posibilidad ng pagtanggap ng kaligtasan pagkatapos ng kamatayan
Ang posibilidad ng pagkawala ng kaligtasan
Habang inaangkin ng Eastern Orthodox Church ang ilang mga dakilang katotohanan ng iglesya, at habang marami na kabilang sa relihiyong ito ang mayroong tunay na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo, hindi itinuturo ng mga nasa tradisyong Orthodox ang malinaw na mensahe na sang ayon sa Biblikal na ebanghelyo ni Kristo. Ang tawag ng mga reformers na "Kasulatan lamang", "pananampalataya lamang", "grasya lamang" at "si Kristo lamang" ay hindi makikita sa Eastern Orthodox Church, ito ang mga katotohanan na tulad sa napakahalagang kayamanan na sana'y kanilang napagtuunan ng pansin sa kanilang kasaysayan.
English
Ano ang Eastern Orthodox Church at ano ang kanilang pinaniniwalaan?