settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Ebanghelyo ni Maria (Magdalena)?

Sagot


Ang Ebanghelyo ni Maria ay natuklasan sa Akhmim Codex sa Cairo, Egypt noong 1896. Hindi ito isinapubliko hanggang noong 1955, noong ilathala ito dahil sa popularidad ng Nag Hammadi library. Isinulat sa Griyego at Coptic, ang codex ng Ebanghelyo ni Maria ay ipinagpalagay na nasulat noong ikatlo (sa Griyego) at ikalimang siglo AD (sa Coptic). Ang Ebanghelyo ni Maria ay binanggit sa sulat ng ilan sa mga ama ng unang iglesya noong ikatlong siglo AD. Sa tanging nalalaman na nagiisang kopya ng teksto, buong sampung pahina ang nawawala, kabilang ang unang anim na pahina. Dahil dito, napakahirap na maunawaan ng malinaw ang hindi nagbabagong pangkalahatang mensahe nito.

Ang Ebanghelyo ni Maria Magdalena ay mas angkop na tawaging “Ebanghelyo ni Maria,” dahil sa katotohanan na ang pangalang Maria na binabanggit dito ay hindi tinawag bilang Maria Magdalena. Sa Bagong Tipan, may anim na babae na nagngangalang Maria at tatlo sa kanila ang may kaugnayan sa buhay ni Jesus: si Maria, na ina ni Jesus; si Maria na Magdalena; at si Maria na taga Betanya. Ayon lamang sa tradisyon ang paniniwala na ang Ebanghelyo ni Maria ay tumutukoy kay Maria Magdalena. Para maging malinaw, ipagpapalagay natin na si Maria Magdalena ang tinutukoy na Maria sa Ebanghelyo ni Maria.

Gumawa ang mga conspiracy theorists ng mga haka-haka tungkol sa hindi pagkakasundo sa pagitan ng sinaunang Kristiyanismo (na ipinakilala ni Pedro) at ng “tunay” na Kristiyanismo (na ipinakilala ni Maria). Pinasikat ng the Da Vinci Code ang teoryang ito sa pamamagitan ng paglalarawan sa Kristiyanong iglesya na pinagtatakpan diumano ang relasyon ni Jesus kay Maria at tinatanggihan ang Kanyang pagtatalaga kay Maria bilang lider ng iglesya. Ang problema sa teoryang ito ay walang kahit anong ebidensya para dito, kahit na sa Ebanghelyo ni Maria. Sinasabi sa Ebanghelyo ni Maria na itinalaga ni Jesus si Maria bilang isang lider ng iglesyang Kristiyano. Hindi binabanggit saanman sa Ebanghelyo ni Maria na may romantikong relasyon na namamagitan kay Jesus at kay Maria.

Ang Ebanghelyo ni Maria ay hindi isinulat ni Maria Magdalena o ng kahit sinong Maria sa Bibliya. Ang mga katuruang gnostiko na makikita sa Ebanghelyo ni Maria ang nagtataya sa pinakamaagang petsa ng pagkasulat sa aklat na ito noong ikalawang siglo AD. Dahil dito, walang katotohanan ang mga itinuturo nito. Kagaya ng Ebanghelyo ni Tomas, Ebanghelyo ni Felipe, at Ebanghelyo ni Judas, ang Ebanghelyo ni Maria ay isang pamemeke ng mga gnostiko na ginagamit ang pangalan ng isang tauhan sa Bibliya sa pagtatangka na patotohanan ang kanilang mga bulaang aral. Ang tanging halaga sa pagaaral ng Ebanghelyo ni Maria ay ang pagkakaroon ng kaalaman na may mga maling katuruan na noon pa mang unang siglo ng pag-iral ng iglesyang Kristiyano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Ebanghelyo ni Maria (Magdalena)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries