settings icon
share icon
Tanong

Bakit kailangang bumalik ni Elias bago ang huling araw (Malakias 4:5-6)?

Sagot


Ibinigay sa Malakias 4:5–6 ang isang nakakaintrigang hula: ““Ngunit bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.” Hanggang ngayon, may mga Hudyong tinatawag na “Seders” ang naglalagay ng isang bakanteng upuan sa tuwing magdadaos sila ng Paskuwa bilang simbolo ng kanilang paghihintay sa pagbabalik ni Elias upang ibalita ang pagdating ng Mesiyas bilang katuparan ng hula ni Malakias.

Ayon sa Malakias 4:6, ang dahilan ng pagbabalik ni Elias ay upang “ibaling ang puso” ng mga ama at ng mga anak sa isa’t isa. Sa ibang salita, ang layunin ng kanyang pagbabalik ay pagkakasundo. Sa Bagong Tipan, ipinahayag ni Hesus na si Juan Bautista ang katuparan ng hula ni Malakias: “Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit. Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating” (Mateo 11:13–14). Ang katuparang ito ay binanggit din sa Markos 1:2–4 at Lukas 1:17; 7:27.

Partikular na iniugnay ang Malakias 4:5–6 sa Mateo 17:10–13: “Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Sumagot siya, “Darating nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. At sinasabi ko sa inyo, dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.”

Ang mga guro ng Kautusan ay siya ring mga guro sa relihiyon ng mga Hudyo. Ang karamihan sa kanila ay mga Pariseo at mga Saduseo na sumulat ng mga komentaryo ng mga kasulatang Hudyo. Pamilyar sina Pedro, Santiago at Juan sa kanilang mga katuruan kaya tinanong nila si Hesus tungkol kay Elias pagkatapos na makita nila si Hesus kasama si Moises at Elias nong Siya’y magbagong anyo (Mateo 17:1–8). Malinaw na sinabi ni Hesus na dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala at sa huli ay pinatay. Pagkatapos hinulaan ni Hesus na mamamatay rin Siya sa kamay ng Kanyang mga kaaway (17:12).

Ang isang maikling sulyap sa ministeryo ni Juan Bautista ay nagpapakita ng mga ebidensya na siya nga si “Elias.” Una, hinulaan ng Diyos ang gawain ni Juan na kagaya ng gawain ni Elias (Lukas 1:17). Ikalawa, nagdamit siya na gaya ni Elias (2 Hari 1:8 at Mateo 3:4). Ikatlo, gaya ni Elias, nangaral din si Juan Bautista sa ilang (Mateo 3:1). Ikaapat, parehong ipinangaral ng dalawa ang mensahe ng pagsisisi. Ikalima, parehong humarap ang dalawa sa mga hari at sa kanilang mga kaaway na may mataas na katungkulan sa pamahalaan (1 Hari 18:16–17 at Mateo 14:3).

May ilang nagsasabi na hindi si Elias si Juan Bautista dahil sinabi mismo ni Juan na hindi siya si Elias. “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya” (Juan 1:21). May dalawang paliwanag sa tila pagkakasalungatang ito. Una, dahil hindi namatay si Elias (2 Hari 2:11), maraming mga gurong Hudyo noong unang siglo ang nagturo na buhay pa si Elias at muling magpapakita bago dumating ang Mesiyas. Nang itanggi ni Juan Bautista na siya si Elias, maaaring sinasalungat niya ang ideya na siya ang aktwal na Elias na iniakyat sa langit sa pamamagitan ng karwaheng apoy.

Ikalawa, ang mga salita ni Juan ay maaaring nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pananaw ni Juan tungkol sa kanyang sarili at sa pananaw ni Hesus tungkol kay Juan. Maaaring hindi itinuturing ni Juan na siya ang katuparan ng Malakias 4:5–6. Gayunman, itinuring ni Hesus na siya ang katuparan niyon. Walang salungatan dito kung ganoon, simpleng ibinibigay lamang ni Juan ang kanyang mapagpakumbabang opinyon tungkol sa kanyang sarili. Tinanggihan ni Juan ang karangalang ito (Juan 3:30), ngunit itinuring ni Hesus na si Juan ang katuparan ng hula ni Malakias tungkol sa pagbabalik ni Elias.

Bilang simbolo ni Elias, tinawag ni Juan ang mga tao sa pagsisisi at sa buhay ng pagsunod sa Diyos at inihanda ang kanyang henerasyon para sa pagdating ni Hesu Kristo, ang Isa na dumating upang “hanapin at iligtas ang naliligaw” (Lukas 19:10) at nagtatag ang ministeryo ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos (2 Corinto 5:18).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit kailangang bumalik ni Elias bago ang huling araw (Malakias 4:5-6)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries