Tanong
Ano ang gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan?
Sagot
Ang gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay halos katulad ng Kanyang gawain sa Bagong Tipan. Sa pangkalahatan may apat na aspeto kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu: 1) sa pagbuhay sa espiritwal ng tao (regeneration), 2) sa pananahan (o pagpuspos), 3) sa pagpigil sa kasamaan at, 4) sa pagbibigay ng kakayahan para sa paglilingkod sa Diyos. Ang mga gawaing ito ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay siya ring ginagawa Niya sa Bagong Tipan.
Ang unang aspeto kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu ay sa proseso ng pagbuhay na espiritwal. Ang isa pang termino sa pagbuhay na espiritwal ay “kapanganakang muli” kung saan natin nakuha ang konsepto ng “born again.” Ang klasikong teksto para dito ay matatagpuan sa Ebanghelyo ni Juan: “Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios” (Juan 3:3). Ano ang kinalaman nito sa gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan? Sa patuloy na paguusap ni Nicodemo at Hesus, sinabi ni Hesus, “Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo nauunawa ang mga bagay na ito?” (Juan 3:10). Sinabi ni Hesus kay Nicodemo na dapat na alam nito ang katotohanan na ang Banal na Espiritu ang panggagalingan ng bagong buhay dahil nahayag na ito noon pa man sa Lumang Tipan. Halimbawa, sinabi ni Moises sa mga Israelita bago sila pumasok sa Lupang Pangako, “At tutuliin ng Panginoon mong Dios ang iyong puso, at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, upang ikaw ay mabuhay” (Deuteronomio 30:6). Ang pagtutuling ito ng puso ay gawain na magagampanan lamang ng Banal na Espiritu. Makikita rin natin ang ganitong tema sa Ezekiel 11:19-20 at Ezekiel 36:26-29.
Ang bunga ng kapanganakang muli sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay pananampalataya (Efeso 2:8). Alam natin ngayon na may mga bayani sa pananampalataya sa Lumang Tipan dahil pinangalanan sa Hebreo 11 ang ilan sa kanila. Kung ang pananampalataya ay resulta ng pagbuhay ng Banal na Espiritu sa taong patay sa kasalanan (Efeso 2:1, 5), masasabi na ito ang dahilan kung bakit may mga banal sa Lumang Tipan na naghihintay sa pagdating ng Tagapagligtas na mamamatay sa krus at naniniwala na magaganap ang ipinangako ng Diyos para sa kanilang kaligtasan. Nakita nila ang mga pangako ng Diyos at tinanggap ang mga iyon mula sa “malayo” (Hebreo 11:13), at tinanggap nila sa pamamagitan ng pananampalataya kung ano ang mga ipinangako ng Diyos.
Ang ikalawang aspeto ng gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay ang pananahan o pagpuspos. Sa aspetong ito, may malaking pagkakaiba ang gawain ng Espiritu Santo sa Luma at Bagong Tipan. Itinuturo ng Bagong Tipan na ang Banal na Espiritu ay permanente ng nananahan sa mga mananampalataya (1 Corinto 3:16-17; 6:19-20). Nang ilagak natin ang ating pagtitiwala kay Kristo para sa ating kaligtasan, tumira sa atin ang Banal na Espiritu. Tinatawag ito ni Apostol Pablo na “katiyakan ng ating mana” (Efeso 1:13-14). Kumpara sa gawaing ito ng Banal na Espiritu sa Bagong Tipan, ang pananahan ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay para sa ilang tao lamang at sa pansamantalang panahon. Kinasihan ng Espiritu ang mga tao sa Lumang Tipan gaya ni Josue, (Bilang 27:18), David (1 Samuel 16:12-13), at maging si Saul (1 Samuel 10:10). Sa aklat ng mga Hukom, makikita natin na kinasihan ng Espiritu ang iba't ibang hukom na itinaas ng Diyos upang iligtas ang mga Israelita laban sa kanilang mga mananakop. Dumating ang Banal na Espiritu sa mga indibidwal na ito para magampanan ang isang partikular na gawain. Ang pananahan ng Espiritu ay tanda ng pagpapala ng Diyos sa indibidwal (sa kaso ni David), at kung aalisin na ng Diyos ang kanyang pagpapala sa indibidwal, aalis na mula sa taong iyon ang Banal na Espiritu (halimbawa sa kaso ni Saul sa 1 Samuel 16:14). Sa huli, ang pagkasi ng Banal na Espiritu sa indibidwal ay hindi laging nangangahulugan ng pagiging makadiyos ng tao o ng pagiging malapit ng taong iyon sa Diyos (halimbawa si Saul, Samson, at ang maraming mga hukom). Kaya, habang ang Banal na Espiritu ay nananahan ng permanente sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan, dumarating naman ang Banal na Espiritu sa mga indibidwal na tao sa Lumang Tipan upang gampanan ang isang partikular na gawain sa kabila ng kalagayang espiritwal ng mga taong iyon. Pagkatapos na makumpleto nila ang gawaing ipinagagawa ng Diyos, mapupuna na umaalis na sa kanila ang Banal na Espiritu.
Ang pangatlong aspeto ng gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay ang pagpigil sa kasalanan. Ipinakikita sa Genesis 6:3 na pinipigilan ng Banal na Espiritu ang tao sa paggawa ng mas malalang kasamaan at ang pagpigil na iyon ay maaaring alisin ng Diyos kung umabot na sa sukdulan ang Kanyang galit. Ang kaisipang ito ay itinuro ni Pablo sa 2 Tesalonica 2:3-8, kung kailan ang lumalalang paglaban ng tao sa Diyos ang magiging tanda ng pagdating ng hatol ng Diyos. Hangga't hindi nahahayag ang “lalaki ng katampalasanan” sa takdang panahon (vs. 3). Pipigilan ng Banal na Espiritu ang kapangyarihan ni Satanas at pababayaan lamang siyang makagawa ng sukdulang kasamaan sa panahong itinakda Niya ayon sa Kanyang layunin.
Ang pang apat at panghuling aspeto ng gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan ay ang pagbibigay ng kakayahan para sa paglilingkod. Gaya ng ministeryo ng Banal na Espiritu sa Bagong Tipan, nagbibigay ang Banal na Espiritu ng kakayahan sa indibidwal na mananampalataya upang makapaglingkod sa Diyos. Ang halimbawa nito ay si Bezaleel sa Exodo 31:2-5 na binigyan ng kaloob ng pagdidibuho para sa Tabernakulo. Gayundin, kung babalikan ang pagpili at pansamantalang pagkasi ng Banal na Espiritu gaya ng nabanggit sa itaas, makikita natin na may mga binigyan ng kaloob na gumawa ng mga natatanging gawain gaya ng pamumuno sa Israel (halimbawa nito ay si Saul at David).
Maaari din nating banggitin ang papel na ginampanan ng Banal na Espiritu sa paglikha. Sinasabi sa Genesis 1;2 na ang Espiritu ay “sumasaibabaw ng tubig” at Siyang namahala sa gawain ng paglikha. Sa ganito ring paraan, ang Banal na Espiritu ang responsable sa paggawa ng mga bagong nilalang (2Corinto 5:17) habang dinadala Niya ang mga hinirang ng Diyos sa Kanyang kaharian sa pamamagitan ng gawain ng pagbuhay sa espiritu ng mga pinapaging anak ng Diyos.
Sa pangkalahatan, gumagawa ng mga gawain ang Banal na Espiritu sa Lumang Tipan na gaya ng ginagawa Niya sa kasalukuyang panahon. Ang pangunahing pagkakaiba ay ang permanenteng pananahan ng Banal na Espiritu sa mga anak ng Diyos sa ngayon, katulad ng sinabi ni Hesus sa gawaing ito ng Banal na Espiritu, “Ngunit makikilala ninyo Siya sapagkat mananahan Siya sa inyo at Ako'y sasainyo” (Juan 14:17).
English
Ano ang gawain ng Banal na Espiritu sa Lumang Tipan?