Tanong
Paanong ang Banal na Espiritu ay tulad sa isang apoy?
Sagot
Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos bilang “apoy na mamumugnaw” (Hebreo 12:29), kaya hindi rin katakataka na karaniwang apoy ang isa sa mga simbolo ng presenya ng Diyos. Ang mg halimbawa nito ay ang puno na hindi nasusunog (Exodo 3:2), ang haliging apoy (Exodo 14:19; Bilang 9:14-15), at ang pangitaing apoy ni Ezekiel (Ezekiel 1:4). Ginamit ng maraming beses ang apoy bilang instrumento ng paghatol ng Diyos (Bilang 11:1, 3; 2 Hari1:10, 12) at tanda ng Kanyang kapangyarihan (Mga Hukom 13:20; 1 Hari 18:38).
Ang apoy ay mahalaga para sa mga paghahandog sa Lumang Tipan. Ang apoy sa altar ng handog na susunugin ay isang kaloob mula sa Diyos, na pinagniningas mismo ng Diyos (Levitico 9:24). Inutusan ng Diyos ang mga saserdote na panatilihing nakasindi ang Kanyang apoy (Levitico 6:13) at nilinaw na ang apoy na nanggaling sa iba maliban sa apoy na iyon ay hindi katanggap tanggap (Levitico 10:1-2).
Sa BagongTipan, ang altar ay maaaring magsilbing larawan ng ating pagtatalaga sa Panginoon. Bilang mga mananampalataya ng Panginoong Hesu Kristo, tinatawag tayo upang ialay ang ating mga sarili bilang “handog na buhay” (Roma 12:1), na tinutupok ng apoy na kaloob ng Diyos: ang hindi namamatay na apoy ng Banal na Espiritu. Sa pagsisimula ng BagongTipan, ang Banal na Espiritu ay laging inilalarawan bilang apoy. Hinulaan ni Juan Bautista na si Hesus ang Siyang “magbabawtismo sa Banal na Espiritu at sa apoy” (Mateo 3:11). Nang magumpisa ng Kanyang ministeryo ang Banal na Espiritu ng pananahan sa unang mga mananampalataya, pinili Niyang ipakita ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng “dilang apoy” na nanatili sa mga alagad. “Nang oras na iyon, silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita sa iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain” (Gawa 2:3-4).
Ang apoy ay isang kahanga-hangang paglalarawan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang Espiritu ay tulad sa apoy sa tatlong kaparananan: Una, dinadala Niya ang presensya ng Diyos, ikalawa, lumilikha Siya ng pag-aalab sa ating puso para sa Diyos at ikatlo, ipinapahiram Niya sa atin ang Kanyang kabanalan. Ang Banal na Espiritu ang presensya ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kanyang pananahan sa ating mga puso (Roma 8:9). Sa Lumang Tipan, ipinakita ng Diyos ang Kanyang presensya sa mga Israelita sa paglukob saTabernakulo sa pamamagitan ng haliging apoy (Bilang 9:14-15). Ang nagaapoy na presensya ng Diyos ang nagbigay ng liwanag at gumabay sa mga Israelita habang naglalakbay sila sa ilang (Bilang 9:17-23). Sa Bagong Tipan, ginagabayan at inaaliw ng Diyos tayo na Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa ating mga katawan - ang Kanyang “tabernakulo,” ang “Templo ng Diyos na Buhay” (2 Corinto 5:1; 6:16).
Ang Banal na Espiritu ang lumilikha ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga puso. Pagkatapos na makipagusap ng dalawang naglalakbay na alagad sa nabuhay na mag-uling Hesus sa daan papuntang Emmaus, inilarawan nila ang kanilang puso na “nagaalab” (Lukas 24:32). Pagkatapos na tanggapin ng mga Apostol ang Banal na Espiritu sa Araw ng Pentecostes, nagkaroon sila ng pagaalab ng damdamin para sa Panginoon na hindi humupa hanggang sa kanilang kamatayan at siyang nagtulak sa kanila upang buong tapang na ipangaral ang Salita ng Diyos (Gawa 4:31).
Ang Banal na Espiritu ang lumilikha ng kabanalan ng Diyos sa ating mga buhay. Ang layunin ng Diyos ay dalisayin tayo (Tito 2:14), at ang Banal na Espiritu ang Kanyang kinatawan para sa Kanyang pagpapaging banal sa atin (1 Corinto 6:11; 2 Tesalonica 2:13; 1 Pedro 1:2). Gaya ng isang panday na gumagamit ng apoy upang pandayin ang isang mahalagang metal, gayundin naman, ginagamit ng Diyos ang Banal na Espiritu upang linisin tayo sa ating mga kasalanan (Awit 66:10; Kawikaan 17:3). Ang Kanyang “apoy” ang naglilinis at nagpapadalisay sa atin.
English
Paanong ang Banal na Espiritu ay tulad sa isang apoy?