settings icon
share icon
Tanong

Ang Banal na Espiritu ba ay umaalis pa sa isang mananampalataya?

Sagot


Ang kasagutan ay hindi. Ang Banal na Espiritu ay hindi na aalis sa isang tunay na mananampalataya kailanman. Ito ay ipinahayag sa maraming mga talata sa Bibliya. Sinasabi sa Roma 8:9, “Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya.” Malinaw na sinasabi sa talatang ito na kung ang isang tao ay hindi pinananahanan ng Espiritu Santo, ang taong iyon ay hindi ligtas. Kaya nga kung ang Banal na Espiritu ay aalis sa isang mananampalataya, mawawala ang kanyang kaligtasan at ang kanyang relasyon sa Panginoong Hesu Kristo. Ngunit salungat ito sa itinuturo ng Bibliya. Itinuturo ng Bibliya na hindi nawawala ang kaligtasan ng isang tunay na Kristiyano. Ang isa pang talata na nagtuturo ng pananatili ng Banal na Espiritu sa isang tunay na mananampalataya magpakailanam ay ang Juan 14:16 kung saan sinabi ni Hesus, “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang sumainyo magpakailan man”

Ang katotohanan na hindi na umaalis ang Banal na Espiritu sa mananampalataya ay makikita din sa Efeso 1:13-14 kung saan sinasabi na ang mga mananampalataya ay “tinatakan” ng Banal na Espiritu, “na Siyang patotoo sa ating mga mananampalataya, hanggang sa ikatutubos ng sariling pagaari ng Dios, sa ikapupuri ng Kaniyang kaluwalhatian.” Ang larawan ng pagtatak ng Banal na Espiritu ay gaya ng isang pagaari at pananahan. Ipinangako ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa lahat ng nananampalataya kay Kristo at bilang garantiya na tutuparin Niya ang Kanyang pangako, ibinigay Niya ang Banal na Espiritu upang manahan sa kanila hanggang sa araw ng kanilang katubusan. Pareho sa pagdedeposito ng paunang hulog para sa isang kotse o bahay, binigyan din ng Diyos ang lahat ng mananampalataya ng “paunang hulog” para sa pagpunta ng mananampalataya sa langit at ito ay sa pamamagitan ng pananahan sa kanila ng Banal na Espiritu. Ang katotohanan na tinatakan ng Banal na Espiritu ang lahat na tunay na mamanampalataya ay makikita din sa 2 Corinto 1:22 at Efeso 4:30.

Bago namatay, nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit si Hesus, ang Banal na Espiritu ay nananahan at umaalis sa mga tao. Pinanahanan ng Banal na Espiritu si haring Saul, ngunit umalis din pagkatapos (1 Samuel 16:14). Ang Banal na Espiritu ay nanahan din Kay Haring David (1 Samuel 16:13). Pagkatapos niyang magkasala ng pangangalunya kay Batsheba, kinatakutan ni David ang pag-alis sa kanya ng Banal na Espiritu (Awit 51:11). Nanahan din ang Banal na Espiritu kay Besalel upang bigyan siya ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na kinakailangan sa Tabernakulo (Exodo 31:2-5), ngunit inilarawan ito na isang hindi permanenteng kalagayan. Ang lahat ng ito ay nagbago pagkatapos na umakyat si Hesus sa langit. Simula sa araw ng Pentecostes, ang Banal na Espiritu ay nag umpisang manahan ng permanente sa mga mananampalataya (Mga Gawa kabanata 2). Ang permanenteng pananahan ng Banal na Espiritu ang katuparan ng pangako ng Diyos na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man. Kaya nga, hindi na umaalis pa ang Banal na Espiritu sa mga tunay na mananampalataya.

Kahit ang Banal na Espiritu ay hindi na umaalis sa mga tunay na mananampalataya, posible pa rin na “patayin ang ningas ng Espiritu” (1 Tesalonica 5:19) o “pighatiin ang Banal na Espiritu” (Efeso 4:30). Laging may konsekwensya o pangit na resulta ang kasalanan sa ating relasyon sa Diyos at ito ang dahilan kung bakit “napapatay” natin ang ningas ng Espiritu sa ating mga buhay. Kaya napakahalaga na lagi tayong magpahayag at magsisi sa ating mga kasalanan dahil “tapat at banal Siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9). Kaya, bagama’t hindi na umaalis ang Banal na Espiritu sa atin, ang kagalakan naman na dulot ng Kanyang presensya ay maaring mawala sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang Banal na Espiritu ba ay umaalis pa sa isang mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries