Tanong
Bakit ang mga tao sa aklat ng Genesis ay nabuhay ng napakahabang panahon?
Sagot
Ang pagkakaroon ng tao ng napakahabang buhay noong unang panahon gaya ng inilalarawan sa mga unang kabanata ng aklat ng Genesis ay tila isang misteryo. Maraming mga teorya ang mga iskolar ng Bibilya maging ang mga siyentipiko patungkol sa paksang ito. Ang Genesis 5 ay nagtataglay ng talaan ng mga makadiyos na angkan ni Adan, ang angkan na sa pagdating ng panahon ay panggagalingan ng Tagapagligtas. Posibleng pinagpala ng Diyos ang angkang ito at binigyan ng mahabang buhay dahil sa kanilang pagiging makadiyos at pagsunod sa Kanyang kalooban. Habang isa ito sa mga posibleng paliwanag, hindi naman partikular na nililimitahan ng Bibliya sa mga taong binanggit sa Genesis kabanata 5 ang pagkakaroon ng mahabang buhay. Maliban kay Enoc, hindi partikular na tinukoy o kinilala sa Genesis 5 ang mga taong maituturing na ganap na makadiyos. Marahil ang lahat ng mga tao sa panahong iyon ay nabuhay ng daan-daang taon. Narito pa ang ilang posibleng kadahilanan.
Binanggit sa Genesis 1:6-7 ang "tubig sa itaas" na tumatakip at nakapalibot sa mundo. Ang nasabing tubig na tumatakip sa mundo ay maaaring gumawa ng isang "greenhouse effect" sa buong mundo at siyang humarang sa malaking bahagi ng radiation mula sa araw na tumatama ngayon sa mundo. Maaaring ito ang naging dahilan ng napakagandang kundisyon ng pamumuhay sa mundo noong panahong iyon. Mukhang ito ang ang pinakatamang paliwanag dahil mapapansin na pagkatapos ng pandaigdigang baha noong panahon ni Noe, bigla na lamang umiksi ang buhay ng mga tao. Tila ipinahihiwatig sa Genesis 7:11 na sa panahon ng pandaigdigang baha, ang "tubig na tumatakip" sa mundo ay ibinuhos sa mundo na siyang dahilan ng pagtatapos ng magandang kundisyon ng pamumuhay. Ikumpara ang mga edad bago ang pandaigdigang baha (Genesis 5:1-32) sa mga edad ng tao matapos ang baha (Genesis 11:10-32). Matapos ang pandaigdigang baha, kaagad na umiksi ang buhay ng tao.
Ang isa pang posibleng kadahilanan ay ang uri ng genetic code ng unang mga henerasyon matapos ang paglalang. Si Adan at Eba ay nilalang na perpekto kaya maaring hindi pa nagkaroon ng maraming sira ang genetic code ng tao. Bago sila magkasala, sila ay ligtas sa lahat ng anumang uri ng karamdaman. Maaaring namana ng kanilang angkan ang ganitong katangian. Ngunit, sa paglipas ng panahon, dahil sa paglala ng kasalanan, lumaki rin ang sira sa genetic code ng tao na naging dahilan upang madaling dapuan ng maraming sakit at umiksi ang buhay ng tao.
English
Bakit ang mga tao sa aklat ng Genesis ay nabuhay ng napakahabang panahon?