Tanong
Gaano tayo kadalas dapat na magdaos ng Huling Hapunan/Komunyon?
Sagot
Hindi tinalakay saanman sa Bibliya kung gaano tayo kadalas dapat na magdaos ng Komunyon. Itinala sa 1 Corinto 11:23-26 ang sumusunod na panuntunan para sa Komunyon: “Sapagka't tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; At nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito'y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin. Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” Ibinibigay sa sitas na ito ang tagubilin na dapat nating sundin sa pagdaraos ng Komunyon upang maunawaan natin ang kahalagahan ng ating ginagawa.
Ang tinapay na pinaghahatian ang sumisimbolo sa katawan na nasugatan doon sa krus para sa atin. Ang alak naman ang sumisimbolo sa Kanyang dugo na nabuhos para sa atin, na siyang tatak ng tipan sa pagitan natin at ng Diyos. Sa tuwing nagdiriwang tayo ng ordinansa ng Komunyon, hindi lamang natin inaalala ang ginawa ni Kristo para sa atin, kundi ipinapakita din naman natin ito sa lahat. Ang Komunyon ang napakagandang paglalarawan ng naganap sa krus, kung ano ang kahulugan noon, at kung ano ang nagawa nito sa ating mga buhay bilang mga mananampalataya.
Dahil nagdaraos tayo ng Hapunan ng Panginoon upang alalahanin ang Kanyang buhay, kamatayan, pagkabuhay na mag-uli at muling pagparito, dapat natin itong ipagdiwang kung gaano tayo kadalas makalimot. May mga iglesya na nagdaraos nito minsan isang buwan; may iba naman na ginagawa ito ng dalawang beses isang buwan; may iba naman na nagdaraos nito sa bawat pagsamba. Dahil hindi ibinigay sa Bibliya ang eksaktong tagubilin kung gaano ito kadalas dapat gawin, may kaluwagan ang mga Kristiyano kung gaano nila ito kadalas ginagawa. Dapat na ginagawa ito sa paraang sapat na mapanumbalik ang ating pansin kay Kristo, ngunit hindi naman napakadalas para ituring natin na isa lamang itong karaniwang gawain. Sa anumang paraan, hindi ang dalas ng pagdaraos nito ang mahalaga kundi ang saloobin ng puso ng mga nakikibahagi. Dapat tayong makibahagi sa gawaing ito ng may paggalang, pag-ibig, at malalim na pasasalamat sa ating Panginoong Hesu Kristo, na kusang ibinigay ang Kanyang buhay sa krus para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
English
Gaano tayo kadalas dapat na magdaos ng Huling Hapunan/Komunyon?