Tanong
Ano ba ang kahulugan at kahalagahan ng Hapunan ng Panginoon o Komunyong Kristiyano?
Sagot
Ang pag-aaral sa kahulugan ng Hapunan ng Panginoon ay isang kakaibang karanasan dahil sa lalim ng ibig nitong sabihin. Isinagawa ng Panginoong Hesus ang unang Huling Hapunan noong gabi bago ang Pista ng Paskuwa ilang oras bago Siya hatulan ng kamatayan. Ipinag-utos Niya sa mga alagad na patuloy na alalahanin ang gawaing ito kaya nga't inaalala pa rin natin ito hanggang sa kasalukuyan. Ang pakikibahagi sa Huling hapunan ang pinakamataas na ekspresyon ng pagsambang Kristiyano. Ito ay ang pag-alala sa Kanyang kamatayan, muling pagkabuhay at muling pagparito.
Ang Paskuwa ay ang pinakasagradong taunang kapistahan ng mga Hudyo. Inaalala nila sa araw na ito ang pagpapadala ng pinakahuling salot sa Ehipto kung saan namatay ang lahat ng mga anak na panganay ng mga Ehipsyo habang hindi naman sinaktan ng anghel na mamumuksa ang mga Israelita dahil sa dugo ng kordero na ipinahid nila sa hamba ng kanilang mga pinto. Pagkatapos ay inihaw nila ang pinatay na kordero at kinain kasama ang tinapay na walang pampaalsa. Inutos sa kanila ng Diyos na ipagdiwang ang okasyong iyon habang panahon sa lahat ng henerasyon . Ang pangyayaring ito ay matatagpuan sa aklat ng Exodo 12.
Sa panahon ng pagdiriwang ng Paskuwa bago ang mismong araw niyon, umawit si Hesus at ang Kanyang mga alagad ng isa o maaring mas marami pang Imno (Awit 111 - 118). Kumuha si Hesus ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos. Hinati Niya ito at ibinigay sa Kanyang mga alagad at sinabi "Kumuha kayo at Kumain; ito ay ang Aking katawan na ibinigay para sa inyo." Sa ganito ring paraan, kinuha ni Hesus ang saro, at pagkatapos Niyang uminom, ibinigay Niya ito sa Kanyang mga disipulo at sila'y uminom. Sinabi ni Hesus, "Ang sarong ito ay ang bagong kasunduan sa Aking dugo; gawin ninyo sa tuwing umiinom kayo nito bilang pag-alala sa Akin." Tinapos niya ang naturang selebrasyon sa pamamagitan ng pag-awit ng isang imno at pagkatapos ay pumunta sila sa bundok ng Olibo. Sa bundok ding ito ipinagkanulo ni Judas si Hesus gaya ng inihula sa Kasulatan. Kinabukasan, ipinako na sa Krus si Hesus.
Ang mga tala tungkol sa Hapunan ng Panginoon ay matatagpuan sa mga Ebanghelyo ng Mateo 26: 26-29, Marcos 14:17-25, Lucas 22:7-22, at Juan 13:21-30. Isinulat ni Apostol Pablo ang katuruan tungkol sa Hapunan ng Panginoon sa aklat ng 1 Corinto 11:23-29. (Si Pablo ay hindi kasama ng mga alagad ng mangyari ang pagtatatag ng Huling Hapunan). Itinatag ni Pablo ang katuruan sa Huling Hapunan na hindi matatagpuan sa mga Ebanghelyo: "Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon" (1 Corinto 11:27-29). Maaring itanong natin, ano ba ang ibig sabihin ng pakikibahagi sa pagkain ng tinapay at pag-inom sa saro ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na paraan? Maaring ang ibig sabihin nito ay ang pagbalewala sa tunay na dahilan ng tinapay at ng saro ng Panginoon. Ito ay ang pagbalewala sa napakalaking kabayaran na binayaran ng ating Panginoon para sa ating kaligtasan. Maaring ang ibig sabihin din nito ay pagturing na isa lamang ordinaryong seremonya ang Huling hapunan o di kaya ay ituring ito na isa lamang itong pormal na ritwal. Maaaring ito rin ay pakikibahagi sa seremonya ng may mga kasalanang hindi inihihingi ng tawad sa Diyos. Bilang pagsunod sa tagubilin ni Pablo, kinakailangang siyasatin ng bawat isa ang kanilang mga sarili bago makibahagi sa pagkain ng tinapay at pag-inom sa saro bilang pakikinig sa babala ni Pablo.
Ang isa pang turo ni Pablo patungkol sa Huling Hapunan na hindi binanggit sa mga Ebanghelyo ay ganito: "Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya" (1 Corinto 11:26). Ito ay naglalagay ng hangganan sa seremonya - hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mula sa maiksing talatang ito, nalaman natin kung papaano ginamit ni Hesus ang dalawa sa pinaka-karaniwang elemento bilang mga simbolo ng Kanyang katawan at dugo, at ginawa ang mga ito bilang simbolo ng Kanyang kamatayan. Hindi ito simbolo na inukit mula sa marmol o tanso, sa halip mula sa literal na tinapay at katas ng ubas.
Ipinahayag ni Hesus na ang tinapay ay sumisimbolo sa Kanyang katawan na inialay at pinarusahan. Wala mang nabasag o nadurog na buto, subalit ang Kanyang katawan ay halos hindi na makilala dahil sa sobrang pahirap at parusa na Kanyang tinanggap (Awit 22:12-17, Isaias 53:4-7). Ang katas ng ubas naman ay sumisimbolo sa Kanyang dugo na nagpapahiwatig ng kahindik-hindik na kamatayan na Kanyang naranasan. Siya, ang perpektong Anak ng Diyos at ang katuparan ng mga hindi mabilang na hula sa Lumang Tipan tungkol sa Tagapagligtas (Genesis 3:15, Awit 22, Isaias 53, etc.) Noong sabihin Niya, "Gawin niyo ito bilang pag-alala sa Akin," ito ay nagpapahiwatig na isa itong gawain na dapat ipagpatuloy hanggang sa wakas ng panahon. Nagpapakita rin ito sa pangangailangan ng Kordero ng Diyos upang siyang mag-alis ng kasalanan ng sanlibutan. Ito ang katuparan ng paghahandog ng tupa sa templo sa araw ng Paskuwa. Ang Diyos na mismo ang nagbigay ng kordero, ang Kanyang bugtong na anak upang Siyang mag-alis ng kasalanan ng buong sanlibutan. Ang dugo Niya ang bagong kasunduan (1 Corinto 5:7), na inihandog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (Hebreo 8:8-13). Kaya nga ang Huling Hapunan ay simbolo din na ang mga paghahandog sa Lumang Tipan ay hindi na kinakailangan (Hebreo 9: 25-28).
English
Ano ba ang kahulugan at kahalagahan ng Hapunan ng Panginoon o Komunyong Kristiyano?