Tanong
Ang Hari ba ng Tiro sa Ezekiel 28 ay tumutukoy kay Satanas?
Sagot
Sa unang tingin, ang hula sa Ezekiel 28:11-19 ay tumutukoy lamang sa isang hari. Ang Tiro ang tumanggap ng ilan sa mga mabibigat na hula ng paghatol sa Bibliya (Isaias 23:1-18; Jeremias 25:22; 27:1-11; Ezekiel 26:1-28:19; Joel 3:4-8; Amos 1:9,10). Ang Tiro ay kilala sa pagkakamal ng kayamanan sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanyang mga karatig bansa. Tinutukoy ng mga sinaunang manunulat ang Tiro bilang isang siyudad na puno ng mga walang konsensyang mangangalakal. Ang Tiro ay sentro din ng pagsamba sa diyus diyusan at sekswal na imoralidad. Sinaway ng mga propeta sa Bibliya ang Tiro dahil sa kanyang pagyayabang sa kanyang dakilang kayamanan at estratehikong lokasyon. Ang Ezekiel 28:11-19 ay masasabing isang partikular na hula na naglalaman ng mabigat na pananalita laban sa Hari ng Tiro sa panahon ni Propeta Ezekiel, na sumaway sa hari dahil sa kanyang pagmamataas at pagiging gahaman.
Gayunman, ang ilan sa mga paglalarawan sa Ezekiel 28:11-19 ay hindi lamang paglalarawan sa isang ordinaryong hari. Walang sinumang hari ang masasabi na nasa ‘Eden’ o naging "’pinahirang kerubin na tumatakip’ o ‘nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios.’ Kaya nga, mas nakararaming tagapagpaliwanag ng Bibliya ang naniniwala na ang Ezekiel 28:11-19 ay isang ‘kambal na propesiya’ kung saan ikinukumpara ang pagmamataas ng Hari ng Tiro sa pagmamataas ni Satanas. May ilang nagsasabi na ang Hari ng Tiro ay aktwal na sinapian at ginamit ni Satanas, at dahil dito ang kaugnayan sa dalawa ay mas nagiging matibay at naaangkop.
Bago ang kanyang pagbagsak, si Satanas ay isang napakagandang nilalang (Ezekiel 28:12-13). Siya marahil ang pinakamaganda at pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga anghel. Ang pariralang ‘bantay na kerubin’ ay posibleng nagpapahiwatig na siya ang anghel na nagbabantay sa presensya ng Diyos. Ang pagmamataas ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Sa halip na magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos dahil sa nilikha siyang napakaganda, nagmataas si Satanas at ipinalagay sa kanyang sarili na siya mismo ang dahilan ng kanyang pagkakaroon ng mataas na kalagayan. Ang pagrerebelde ni Satanas ang dahilan kung bakit Siya pinalayas ng Diyos mula sa Kanyang presensya at sa huli, ito rin ang dahilan ng walang hanggang pagpaparusa sa kanya ng Diyos sa lawang apoy (Pahayag 20:10).
Gaya ni Satanas, ang hari ng Tiro ay naging mapagmataas. Sa halip na kilalanin ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, itinuring ng Hari ng Tiro na nakamit niya ang kanyang karangalan dahil sa kanyang sariling karunungan at kapangyarihan. Hindi pa nasiyahan sa kanyang marangal na katayuan, naghangad pa ang Hari ng Tiro na mas marami at pinagsamantalahan ang ibang mga bansa at pinayaman ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapahirap sa mga ito. Ngunit gaya ng pagbagsak ni Satanas dahil sa kanyang pagmamataas at sa huli ay sa lubusang pagpaparusa sa kanya sa walang hanggang kapahamakan, sa ganito ring paraan magwawakas ang kapangyarihan, kayamanan at mataas na kalagayan ng siyudad ng Tiro. Ang hula ni Ezekiel tungkol sa pagkawasak ng Tiro ay bahagyang naganap sa mga kamay ni Haring Nabucodonosor (Ezekiel 29:17-21) at ang lubusang pagkawasak nito ay naganap sa mga kamay ni Alexander the Great.
English
Ang Hari ba ng Tiro sa Ezekiel 28 ay tumutukoy kay Satanas?