settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Hebrew (Hebraic) Roots movement (kilusang nagpapanumbalik sa pagiging Hebreo)?

Sagot


Ang saligan ng Hebrew Roots movement ay ang paniniwala na lumayo na ang Iglesya sa mga tamang katuruan at sa mga konsepto ng mga Hebreo sa Bibliya. Pinaninindigan ng kilusang ito na nadoktrinahan ang Kristiyanismo ng kultura at mga pilosopiya ng mga Griyego at ng paniniwala ng mga Romano kaya't ang Biblikal na Kristiyanismo na itinuturo sa mga Iglesya ngayon ay paganismo dahil sa paghahalo ng mga paganong konsepto at kaisipan sa mga Ebanghelyo ng Bagong Tipan.

Naniniwala ang mga miyembro ng Hebrew Roots Movement na hindi winakasan ng kamatayan ni Jesu Cristo sa krus ang Tipan ng Diyos kay Moises. Sa halip pinapanibago Niya ito, pinalawak ang mensahe nito at isinulat sa puso ng Kanyang mga tunay na tagasunod. Itinuturo nila na maaari lamang manggaling mula sa isang maka-Hebreong pananaw ang pangunawa sa Bagong Tipan at ang mga katuruan ni Apostol Pablo ay hindi malinaw na nauunawaan o itinuturo ng tama ng mga Kristiyanong pastor sa kasalukuyan. Pinaninindigan ng kilusang ito may orihinal na Bagong Tipan na isinulat sa wikang Hebreo at sa ilang pagkakataon, pinawawalang kabuluhan ang pagkakaroon ng Bagong Tipan na isinulat sa salitang Griyego. Ito ay naging isang mapanlinlang na pagatake sa pagiging katiwa-tiwala ng ating Bibliya. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang mga tekstong isinulat sa wikang Griyego at nadungisan ito, gaya ng bintang ng ilan, lalabas na walang pamantayan ng katotohanan ang iglesya.

Bagama't maraming iba't ibang grupo ang Hebrew roots movement at may pagkakaiba sa kanilang mga katuruan, binibigyang diin ng lahat ng grupong ito ang ang orihinal na pagiging Hudyo ng Kristiyanismo. Ipinagpapalagay nila na naiwala na ng iglesya ang pagiging Hudyo nito. Hindi nila alam na Hudyo ang Panginoong Jesus at ang mga alagad na namuhay ng may pagsunod sa Torah. Sa malaking bahagi, isinusulong ng mga sangkot sa kilusang ito ang pangangailangan ng bawat mananampalataya na mamuhay ayon sa katuruan ng Torah. Nangangahulugan ito na dapat na maging sentro ng buhay ng mananampalataya ngayon ang Tipan ng Diyos kay Moises gaya ng mga Hudyo sa Israel noong panahon ng Lumang Tipan. Kasama sa pagsasapamuhay sa Torah ang pagsamba sa araw ng Sabado, pagdiriwang ng mga pista ng mga Hudyo, pagsunod sa mga batas na nauukol sa pagkain, pagiwas sa paganismo ng Kristiyanismo (gaya ng pasko at Linggo ng pagkabuhay at iba pa), at pagaaral upang maunawan ang Kasulatan sa pananaw ng isang Hebreo. Itinuturo nila na idinugtong ang mga Hentil na Kristiyano sa Israel at ito ang dahilan upang makibahagi ang mga mananampalatayang isinilang na muli kay Jesus na Tagapagligtas sa mga alituntuning ito. Ipinapahayag nila na ang paggawa ng mga ito ay hindi kinakailangan dahil sa pagiging alipin ng legalismo, kundi mula sa isang pusong umiibig at sumusunod sa Diyos. Gayunman, itinuturo nila na para makapamuhay ang isang tao ng isang buhay na nakalulugod sa Diyos, dapat na maging bahagi ng buhay ng isang Kristiyano ang pagsunod sa Torah.

Kalimitang binubuo ang mga kapulungan ng Hebrew Roots Movement ng mas maraming Hentil kabilang ang mga Hentil na Rabbi o Guro. Kadalasan, mas gusto nilang tawagin sila na mga "Messianic Christians" o Kristiyanong Messianic. Marami ang nagpapalagay na tinawag sila ng Diyos upang maging mga "Hudyo" at tinanggap ang teolohikal na posisyon na ang Torah (Katutusan sa Lumang Tipan) ay dapat na sundin ng mga Hentil at mga Hudyo. Lagi silang nagsusuot ng mga tradisyonal na kasuotang Hudyo, sumasayaw na gaya ng ginawa ni David, at inihahalo ang mga pangalan at salitang Hebreo sa kanilang mga panulat at paguusap. Marami sa kanila ang tumatangging gamitin ang pangalang "Jesus" sa halip ginagamit nila ang pangalang Yeshua o YHWH, at sinasabi na ang mga ito ang "tunay" na pangalan ng Diyos na nais ng Diyos na gamitin para sa Kanyang sarili. Sa maraming pagkakataon, itinataas nila ang Torah bilang pundasyong katuruan para sa iglesya, at ibinababa ang Bagong Tipan bilang pangalawa sa halaga at kailangang maunawaan sa liwanag lamang ng Lumang Tipan. Ang ideya ng mga nagsusulong ng kilusang ito ay may kamalian ang Bagong Tipan at napapanahon lamang ito sa kasalukuyan kung uunawain sa lente ng Lumang Tipan. Ang Hebrew Roots Movement ay umaatake din sa doktrina ng Trinidad.

Salungat sa mga inaangkin ng kilusang Hebrew Roots, napakalinaw at hindi na kailangan pang ipaliwanag ang mga katuruan ni Apostol Pablo sa Bagong Tipan. Sinasabi sa Colosas 2:16-17, "Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito." Sinasabi sa Roma 14:5, "May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito." Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang mga isyung ito ay personal na desisyon ng tao. Ang mga talatang ito at marami pang mga talata ang malinaw na ebidensya na nagtapos na ang Tipan ng Diyos kay Moises kasama ang mga ordinansa sa Lumang Tipan. Ang pagtuturo na may bisa pa rin ang Lumang Tipan at pagpilipit sa itinuturo ng Bagong Tipan upang sumang-ayon sa paniniwala ng Hebrew Roots beliefs ay maling katuruan.

May mga aspeto ng katuruan ng Hebrew Roots Movement na kapakipakinabang din naman. Ang pagsisiyasat sa kultura at pananaw ng mga Hudyo kung saan isinulat ang marami sa aklat sa Bibliya ay nagbubukas at nagpapayaman sa ating pangunawa sa Kasulatan at nagdadagdag sa pangunawa at lalim sa maraming mga teksto, talinghaga, at kawikaan sa Bibliya. Walang masama sa pagsasama ng mga Hentil at mga Hudyo sa pagdadaos ng mga pista at magsaya sa istilo ng pagsamba ng mga Messianic. Ang pakikibahagi sa mga pagdiriwang na ito at pagkatuto sa paraan ng pangunawa ng mga Hudyo sa mga katuruan ng Panginoon ay maaaring maging kasangkapan upang makagawa tayo ng mas epektibong pamamaraan sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa mga Hudyo. Mabuti para sa mga Hentil, sa katawan ng Mesiyas, na kilalanin ang ating pakikisama sa Israel. Gayunman, ang pakikisama sa Israel ay iba kaysa sa pagiging kabilang sa lahi ng Israel.

Idinugtong ang mga mananampalatayang Hentil sa Judaismo ng Tipan ni Moises; idinugtong sila sa binhi at pananampalataya ni Abraham, na nauna sa Kautusan at mga kaugalian ng mga Hudyo. Pareho silang mga mamamayan ng langit na kasama ng mga banal (Efeso 2:19), ngunit hindi sila mga Hudyo. Ipinaliwanag ito ng malinaw ni Apostol Pablo ng sabihin niya na "hindi dapat na hindi magpatuli ang mga tinatawag na tuli (mga Hudyo) at hindi dapat magpatuli ang mga hindi tuli (mga Hentil)" (1 Corinto 7:18). Walang pangangailangan sa alinman sa dalawang grupo na magpanggap na iba kaysa sa kanilang sariling pagkakakilanlan. Sa halip, ginawang "isang bagong tao" ng Diyos ang mga Hudyo at mga Hentil kay Cristo Jesus (Efeso 2:15). Ang "bagong taong" ito ay tumutukoy sa iglesya, ang katawan ni Kristo na binubuo ng mga Hudyo at mga Hentil (Galacia 3:27-29). Mahalaga para sa mga Hudyo at mga Hentil na manatiling totoo sa kanilang pagkakilalan. Sa ganitong paraan, isang malinaw na larawan ng pagkakaisa ang katawan ni Kristo at maaaring makita bilang isang grupo ng mga Hudyo at Hentil na pinagisa ng isang Panginoon, isang pananampalataya, at isang bawtismo. Kung idinugtong ang mga Hentil sa Israel, at naging mga Hudyo, ang layunin at larawan ng Hudyo at Hentil na nagsanib bilang isang bagong tao ay mawawala. Hindi nilayon ng Diyos na ang mga Hentil ay maging kaisa ng Israel sa halip, maging iisa kay Kristo.

Kumakalat na ang impluwensya ng kilusang ito sa mga iglesya at mga seminaryo. Mapanganib ang implikasyon nito na ang pagsunod sa Lumang Tipan ay paglakad sa "mas mataas na landas" at siyang tanging paraan upang bigyang kasiyahan ang Diyos at tumanggap ng Kanyang mga pagpapala. Hindi makikita kahit saan sa buong Bibliya ang katuruan na dapat na sumunod ang mga Hentil sa mga Kautusan ng mga Levita o mga Kaugalian ng mga Hudyo; sa katotohanan, ang kabaliktaran nito ang itinuturo. Sinasabi sa Roma 7:6, "Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu." Sa perpektong pagsunod sa bawat kautusan ni Moises, kumpletong ginanap ni Kristo ang Kautusan. Kung paanong natatapos ang obligasyon ng pagbabayad pagkatapos bayaran ang kabuuang halaga ng isang hulugang bahay, gayundin naman binayaran ni Hesus ang kabuuang bayad at ginanap ang buong Kautusan upang matapos ang obligasyon nating lahat na magbayad para sa ating kaligtasan.

Ang Diyos mismo ang lumikha sa isang mundo ng tao na may iba't ibang kultura, salita at tradisyon. Naluluwalhati ang Diyos kung tinatanggap natin ang bawat isa sa pag-ibig at nagkakaisa bilang "iisa" kay Cristo Jesus. Mahalagang maunawaan na walang lahi sa mundo na mas nakakahigit sa ibang lahi o may espesyal sa pagiging Hudyo o Hentil. Tayong mga tagasunod ni Kristo, na binubuo ng maraming iba't ibang kultura at iba't ibang uri ng pamumuhay ay pantay ang halaga at lubhang iniibig ng Diyos dahil kabilang tayo sa Kanyang pamilya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Hebrew (Hebraic) Roots movement (kilusang nagpapanumbalik sa pagiging Hebreo)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries